Martes, Disyembre 20, 2011

HINIGUGMA: GAHAPON, KARON OG UGMA

(handog kay Carol Javier)

sa babaing minahal
ko kahapon

binagtas ko ang abenida
patungo sa tanging tudla
at nag-iisang pangarap,
ang iyong puso

gabay ang liwanag
ng bulag na kidlat
na tumatagos sa ulap
at dagundong ng piping kulog
na umalingawngaw sa kabundukan

sa pagtingkad
ng kulay ng umaga
sabay nating niyakap
ang mga tinik
ng nadadarang na gunita

sa karimlan ng gabi
sabay nating binaybay
ang dalampasigan
na nilamon ng daluyong

sumugal tayo't hindi umurong
ating nilasap
ang magkahalong pait at tamis
na lasa ng pag-ibig
ningas ng pagtangi
ang tumupok sa lahat
ng pag-alinlangan

sa babaing minamahal ko
sa kasalukuyan

malayo-layo na
ang ating paglalakbay
sa 'di tiyak na buhay
unti-unting nabubura
ang daluyong sa alaala

lulan sa bangka
na niyayapos ng sinag ng buwan
at dinuduyan ng nagniningning
na mga bituin sa kalangitan

minamasdan natin
ang agos ng mga mukha
ng sari-saring alon,
payapa't mapupusok

nakikiramdam tayo
sa pinapahiwatig ng hangin
mulang katimugan,
banayad at minsa'y humahagupit

magkahalong lamig at lagkit
ang nasok sa damdamin
habang unti-unting
inaanod ng mga pawis
ang mga gapnod
na lumulutang sa haraya


sa babaing mamahalin
ko bukas

ating dudungawin
ang bukang-liwayway
sa pagkupas
ng kulay ng gabi

tangan ang kamay
ng isa't-isa
ating kukulayan
ang paparating
na umaga

at sa bawat andap
ng kulay-lilang gunita
sa ating isipan
tamis ng halik
ang pipigil sa pagdapo nito

at sa bawat hungkag na sulok
ng ating mga damdamin
mainit na yakap
ang pupuno sa bawat espasyo

kung sakaling mahapo
sa mahabang paglalakbay
ating hahayaan ang pag-ibig
ang magiging gasolina
sa mga pusong maghahatid
sa atin patungo
sa landas kung saan
nagtatago ang galak at ligaya

----------------
ito'y opisyal na lahok sa patimpalak ni GasDude sa pagdiriwang ng anibersaryo ng kanyang sangtwaryo.

Miyerkules, Disyembre 7, 2011

SA 9th FLOOR (REPOST)

Paningi'y tumatagos sa salamin
Nagagalak ang nalulumbay na damdamin
Sa mga dahong tila kumakaway
At sa mga bubungan ng kabahayang makukulay

Paningi'y sumasabay sa hangin
Nagpatangay kahit saan dadalahin
Sumabit sa matataas na gusali
At pansamantalang tumigil at namalagi

Paningi'y muling lumipad
Sa mga nagsisiping na ulap napadpad
Tanaw ang nagliliyab nilang pagnanasa
Subalit sa ibaba naghihintay ang tigang na lupa

Paningi'y dahan-dahang nanlalabo
Nagharing kadilima'y nakakapanlumo
Ulan ay paunti-unting pumapatak
Tigang na lupa'y nagkaroon ng galak
Makakamtan na ang nasa at pangarap


Ito ay aking lahok sa patimpalak ni sir gillboard

Lunes, Disyembre 5, 2011

KUNG SAAN NAGTATAGPO ANG LANGIT AT LUPA

doo'y malayang dinadaloy
at hinahalikan ng tubig
ang bawat biyak ng lupa.
lagaslas at lamig na dampi
ng sariwang kristal
pumapawi sa matinding uhaw

doo'y marahang dinuduyan
ng mga mala-sutlang ulap
ang mga dahong nagsisiping.
kumikinang na pawis
ng giniginaw na hamog
ang umaangkin
sa mapagparayang gubat

doo'y dagliang naitataboy
ng ligaya ang kalungkutan.
sa tuwing yumuyuko ang langit
at tumitingala ang lupa
lasap ang asam na tamis
mula sa pusod ng diwa

Huwebes, Nobyembre 24, 2011

BUKAS NA WALANG GLORYA

kasiping ang lamig
na taglay ng bakal
na pilit yumayapos
sa nangangatal na isipan.

at sa bawat pinid
ng kumukupas na gunita
asam ang pangarap
na glorya.

ngunit ito'y
nakakulong at nakagapos
sa alindog
ng naninilaw na hapon.

aanhin ko pa
ang tamis at pait
na taglay
ng pakikipagbuno?

kung sa bawat pagbuklat
ko ng kasunod na pahina
ay tanging hunkag
na ligaya ang sumisilay.

Lunes, Nobyembre 14, 2011

PANANABIK SA ULAN SA TAG-ULAN

nang maigapos
ang araw
sa mga bisig
ng ulan
may bahagi
ng sakahan
ang tila napabayaan
tuyo at bitak-bitak
pa rin ang lupa
asam ang araro
at nais madiligan
dalangin na sana'y
kahit sa madaling-araw
ay madapuan ng hamog
dala ng hangin
mulang Amihan
o 'di kaya'y
daluyan ng pawis
mula sa puson
ng nagngangalit
at nag-aalab
na lupa
nang maibsan
ang kasabikan
sa muling
pagpatak ng ulan

Huwebes, Oktubre 27, 2011

TATLONG TITIK, UNANG SALITA

sa pagpatak
ng sariwang kristal
mula sa bintana
ng kaluluwa
at kaliwanagan
tatlong titik, unang salita
bulalas ng inosenteng mga labi

kapag naiinitan
uha uha uha uha

kapag nagugutom
uha uha uha uha

kapag basa ang lampin
uha uha uha uha

Martes, Oktubre 25, 2011

SA LABAS NG PINTUAN NG LABOR ROOM

nagbubukas
nagsasara
mayroong lumabas
mayroon ding pumasok
may tumulak
at may humila
may mga pilit ngumiti
at mayroong sumimangot
narito ako
sa labas ng pintuan
ng labor room
sinasakop ng
nagmamadaling pagtibok
ng aking puso
ang buo kong damdamin
kasabay ng pagkompas
ng langitngit
ng bentilador
ako'y naghihintay
sa pagsilay
ng bagong pag-asa

Huwebes, Oktubre 20, 2011

NANG MINSAN MAY KARIMLAN SA AKING UMAGA

abandonadong gusali
sa gitna ng masukal na gubat
pinaglipasan ng panahon
sira't kinakalawang na mga bintana
naging lagusan ng alaala't gunita
sa isang madilim na sulok
doo'y naging kasiping
ang huni ng katahimikan
doo'y yakap ng damdamin
ang init ng naså
doo'y asam ng diwa
ang haplit ng ligaya
kinang ng pawis
at kislap ng hinagap
naging tanglaw
sa kumukupas na ulirat
habang nag-aabang
sa pagdungaw ng bukang-liwayway

Lunes, Oktubre 17, 2011

NAGKUKULAY LILA KONG DAMDAMIN

naghihintay at
nag-aabang sa andap
ng asam na pagkakataon

'di kumukurap,
nakatitig sa hungkag
na bahagi ng sumpang pook

sa balintataw
isang imahe lamang
ang aking nais maaninag

ang pananabik
ay nasasapawan na
ng balisa't pagkainip

unti-unting bumibitaw
ang kapit dahil sa ngalay,
ang paghihintay
ay tila panghabangbuhay


ang pagsintang laan
ay malapit nang mabaon
sa hukay

ang damdamin
ay unti-unting nabibigti
at nagkukulay lila

dalangin ko lamang
sana ito'y kayang hugasan
ng luha

Biyernes, Oktubre 14, 2011

ANG MATAYOG NA PANGARAP SA GITNA NG NAGBABADYANG UNOS AT MAGULONG AGOS NG BUHAY

Photobucket

Ang larawang ito ay opisyal na lahok sa Saranggola Blog Awards 3

ANG PUSO N'YANG SALAWAHAN AT ANG PUSO KONG GINAWANG LARUAN

naroon ako
sa pagitan ng antok
at malay
mga mata ay nakapikit
ngunit diwa ay gising
nananalangi't nangangarap
sa taglay na pag-ibig
ng isang magandang diwata

naroon ako
sa pagitan ng antok
at malay
mga mata'y ayaw ipikit
pagkat kapiling ko na
aking pangarap na diwata
matamis niyang oo
sa aki'y hindi ipinagkait

naroon kami
sa pagitan ng antok
at malay
tingin ng iba
ito'y isang laro lamang
dahil kami'y mga musmos pa
ngunit sa amin ang mundo
kapag kami ay namamalagi
sa lugar kung saan nananahan
ang sandaling naghihiwalay
sa gabi at araw

naroon kami
sa pagitan ng antok
at malay
mga mata'y namumugto
pagkat ako'y nagpaalam
ang pangakong pag-ibig
ay magpakailanman
hanggang sa aking pagbabalik
ay aming panghahawakan

naglakbay ako
kasabay ng panahon at oras
hindi naglaon
nagbago na ang ikot ng mundo
kumupas na ang kulay ng buhay
nagbago na ang pamantayan
ng wagas na ligaya

naroon siya
sa pagitan ng antok
at malay
mga mata'y namumungay
umiindayog sa bawat
indak ng pagnanasa
sa iba'y nakikipaglaro ng apoy
'di alintana ang pagkapaso
ako'y kanyang nilimot

narito ako
sa pagitan ng antok
at malay
'di ko malaman kung saan babaling
sa kaliwa ba o sa kanan?
sinisilayan ang peklat
sa aking puso
na kanyang pinaglaruan
at sinugatan
ang nais ko na lamang
ay linisin ang bawat sulok
ng abenida ng aking isipan
upang mga alaala n'ya
ay 'di na muling matutunghayan

*********
Ang tula na ito ay opisyal na lahok sa Saranggola Blog Awards 3

Huwebes, Oktubre 6, 2011

TUWING UMUULAN AT KAPILING KA

KAHAPON. Masaya kaming nakahiga sa papag ng aking asawa sa loob ng bahay habang nakikinig ng mga awitin. Sa labas nama’y sumasayaw sa ritmo ng tugtog ang pagbuhos ng malakas na ulan. At sa bawat indayog nito ay isa-isang naalis ang mga alikabok na nagkukubli at naninirahan sa mga dahon ng mayayabong na mga halaman at sa makukulay na bubong ng mga kabahayan. Habang dahan-dahang lumulubog sa baha ang buong kapaligiran ay unti-unti ring nababalot ng pangamba’t pag-aalala ang aming mga damdamin.

May natanggap akong mensahe mula sa ahensiyang nag-aasikaso ng aking mga papeles papuntang Dubai. Dumating na raw ang aking employment visa at kailangan ko raw magpunta sa kanilang tanggapan upang lagdaan ang iba pang mga dokumento. Habang binabasa namin ng aking asawa ang mensahe na ‘yon ay tila tumigil sa pag-ikot ang mundo. Ang kaninang masaya at nagungusap na mga tingin ngayo’y nanamlay. Ang kaninang matatamis na mga ngiti ngayo’y tumabang. Ang kaninang makulay na hinagap ngayo’y kumupas. Ang kaninang mainit na damdamin ngayo’y natuyo at nanlamig. Dumaloy ang luha. Tuluyan na kaming tinangay ng rumaragasang kalungkutan.


pagmasdan ang ulan unti-unting tumitila
ikaw ri’y magpapaalam na
maari bang minsan pa
mahagkan ka’t maiduyan ka
sakbibi ka’t ulan lamang ang saksi?


Nanggagatong pa sa aming kalungkutan ang mga lirikong binibigkas sa awiting tumutugtog. Tumila na ang ulan subalit ang mga luha namin ay patuloy pa ring dumadaloy. Pero bago pa man tuluyang anurin ng  luha ang mga binhi ng pag-asa at mga pangarap ay isa-isa namin itong inipon at ikinahon. Niyakap ko s’ya ng mahigpit. Hinalikan sa noo’t labi. Pinunasan ang mga luha. Hinawakan ko ang kanyang tiyan at dinama ang buhay sa kanyang sinapupunan. Ang nanamlay na mga tingin ay muling sumaya at nangungusap. Ang tumabang na ngiti ay nanumbalik ang tamis. Ang kumupas na hinagap ay unti-unting tumitingkad. At ang natuyo at nanlamig na damdamin ay dahan-dahan nag-aalab. Tinangay na ng mga luha ang bumabalot na kalungkutan.

Dumating na ang takdang araw ng aking paglisan. Baon ang mga binhi ng pag-asa at pangarap kasama ang matatag na kalooban, pagsisikap at masasayang alaala – ito ang mga laman ng dala kong maleta. Bilang pamamaalam , mahigpit kong niyakap ang aking asawa at nangakong ako’y magbabalik sa piling n’ya. Nagpaalam din ako sa magiging anak naming nasa kanyang sinapupunan pa lamang. Pilit kong inihakbang ang aking mga paa. Habang ako’y naglalakad papalayo ay damang-dama ko ang matinding pagkalingaw. Dama ko rin na hinahatid ako ng aking asawa ng kanyang malulungkot na tingin at nangangambang isipan.

Malalim na ang gabi nang ako’y dumating sa Dubai. Makapal na alikabok at matinding init ang sa aki’y sumalubong. Alikabok na pilit pumapatay sa maliwang na hinagap. Matinding init na nagpapaliyab sa ningas ng pangungulila at kalungkutan. Magdamag akong tulala at wala sa sarili. Nais kong sumabay sa aking isipan lumipad pabalik sa Pilipinas. Pakiramdam ko hindi ko kayang mabuhay. Pakiramdam ko talo na ako. Tuyong-tuyo na ang aking damdamin. Blangko na rin ang aking isipan. Tuluyan na akong nilamon ng nagliliyab na kalungkutan.

Lumipas ang mga araw at unti-unti na akong nasasanay. Maliban sa pagiging abala sa paghahanapbuhay, may nahanap akong sandata upang gawing sandalan sa tuwing ako’y dinadapuan ng kalungkutan – ang pagdadasal. Hindi ko na alintana ang matatayog na kabundukan, malalim na karagatan at malawak na himpapawid na s’yang namamagitan sa amin ng aking asawa. Muling nanumbalik ang aking sigla. Nagliwanag ang hinagap. Naging malinaw muli ang ang mga pangarap. At pakiramdam ko ay mas abot-kamay ko na ang mga pangarap na ito nang nalaman kong isinilang na ng aking asawa ang una naming anak. Di matatawarang pananabik ang sa aki’y nananahan.

Mangilan-ngilang tag-init at taglamig pa ang nagsalitan. Araw-araw akong nag-aabang sa pagsikat at paglubog ng araw. Patuloy pa rin akong nakikipagbuno sa hamon ng buhay. Hindi ko na namalayang malapit nang makalbo ang kalendaryo. Ilang pagpilas na lamang ng mga pahina nito at ako’y makakauwi na ng Pilipinas. Muli ko nang makakapiling ang aking kabiyak at sa unang pagkakataon ay mayayakap at makakarga ko na ang aming anak. Ngunit sadya yatang mapagbiro ang tadhana. Kung kailan ka lumalangoy sa alapaap ng kaligayahan at pananabik ay saka ka naman pupukulin upang bumagsak at sumadsad sa matinding pagkalugmok. Tumawag sa akin ang aking asawa upang ipaalam ang hindi magandang balita. Sa kabilang linya ang bulalas n’ya, ang ating anak ay pumanaw na. Sa aking narinig pakiramdam ko ay naiipit ako sa pagitan ng naggigitgitang langit at lupa. Wala akong ibang nakita kundi kadiliman. Wala akong natatanaw kundi ang punit-punit kong diwa. Lungkot at sakit ang sa aki’y namayani. Pumanaw ang aming anak na hindi ko man lamang naranasan ang pangarap maranasan ng isang ama sa kanyang anak. Ang marinig ang una n’yang pagtangis. Ang marinig ang una n’yang pagbigkas ng mga katagang mama at papa. Ang marinig ang una n’yang halakhak. Ang makita ang unang luhang dumaloy sa kanyang pisngi. Ang makita ang una n’yang ngiping umusbong. At higit sa lahat, ang makarga s’ya at mayakap. Gumuho na ang mga pangarap at inanod na ng mga luha. Pumanaw ang aming anak na tanging sa larawan ko lamang nasilayan ang anyo at sa telepono ko lamang naririnig ang tinig.

Matayog na ang lipad ng eroplano sa himpapawid ngunit hindi pa rin nito nahihigitan ang taas ng nalilipad ng aking isipan. Habang ang lahat ay nasasabik sa paglapag ng eroplano, ako nama’y hindi napipigilan ang pagdaloy ng luha. Umalis akong baon ang pag-asa at pangarap katulad ng karamihan. Pero di katulad nila na ngiti at galak ang yumakap at sumalubong. Ako’y umuwi na dalamhati at pighati ang naghihintay.
Habang ako’y naglalakad patungo sa aming tahanan tila nakikiayon sa aking pagdadalamhati ang langit. Isa-isa nitong isinasaboy ang panaka-nakang ambon na s’yang umaapula sa pagbuhos ng aking mga luha. Sa loob ng tahanan akala ko ay hindi na ako iiyak. Akala ko wala ng luha ang dadaloy pa sa aking mga mata. Hindi pa pala. Nang makita ko ang malamig na katawan ng aking anak ay kusa na lamang itong dumaloy. Ang sakit. Sobrang sakit ang aking nararamdaman. Ang bata na wala pa noong ako’y lumisan ay wala na nang ako’y nagbalik. S’ya naman ang lumisan na kailan ma’y hindi na magbabalik. Di ko lubos naiintindihan pero pilit kong inuunawa. Di ko man tanggap pero pilit kong pinag-aaralan. Habang unti-unti kong inuunawa at iniintindi ang mga pangyayari ay may isang bahagi sa aking sarili ang tumitibay. Iyon ay ang pananampalataya.

Ang dalawang linggo kong paalam sa trabaho ay umabot ng dalawang buwan. Hindi ko lamang maatim na iwanan ang aking asawa na mag-isang harapin ang dagok. Dahil kung mayroon mang tao na hindi pa lubos nauunawaan at natanggap ang mga nangyari ay s’ya ‘yon. Kung tutuusin, napaka iksi lamang ng dalawang buwan upang maghilom ang sugat sa aming mga puso. Pero kailanagan kong bumalik upang tugunan ang aking trabaho. Tunay nga na mas masakit ang pamamaalam sa pangalawang pagkakataon kung ihambing sa naunang pag-alis. Mas lalong mabigat ang pagkalingaw. Pero kung nasasaktan man ako, alam ko dalawang beses o mas higit pa ang sakit ang naramdaman ng aking asawa. Sadyang mas masakit ang maiwan kaysa sa mang-iwan. Yan ang bagay na aking natutunan sa pagkawala ng aming anak.

Mag-uumaga na nang ako’y dumating sa Dubai. Makapal na alikabok at matinding init ang sumalubong sa akin. Subalit hindi ko ito alintana. Labis lang akong nag-aalala sa kalagayan ng aking asawa. Alam kong kailangan n’ya ako sa tabi n’ya. Nais ko nang hilahin ang panahon upang mapabilis ang pagtatapos ng mga natirang buwan sa aking kontrata. Habang binubuno ko ang mga panahon na ‘yon ay pananampalataya ang tangi kong sandata. At ang tangi ko na lamang pangarap ay ang muling makakapiling ang aking asawa.

Hindi pa man tuluyang halinhinang naangkin ng taglamig ang tag-init, natapos ko na ang aking kontrata. Muli na akong magbabalik sa Pilipinas. Muli ko nang makakapiling ang aking asawa. Sa pagkakataong ito ay lubus-lubusang pananabik ang sa akin ay namamayani. Katulad ng karamihan, umalis akong baon ang mga pag-asa at mga pangarap. At katulad din ng karamihan na nagbabalik, tangan ko ang karagdagang kaalaman, karansan at lalong-lalo na ang matibay na pananampalataya. Sa aking pagbabalik at tuluyang pananatili sa Pilipinas ay akin itong magagamit bilang kasangkapan upang mapayabong ang huhubuging hardin ng mga mga pangarap. Gamit ang dasal, pagsisikap at pagtutulungan naming mag-asawa natitiyak kong magbubunga ito ng halakhak at wagas na kaligayahan.

Matayog na ang lipad ng eroplano sa himpapawid. Pakiramdam ko ay dinuduyan ako sa labis na kasiyahan ng mga nagbubunying mga ulap. Tila hinihila naman ng iba pang mga ulap ang eroplano upang mapabilis ang paglapag nito. Sa paliparan, sinalubong ako ng aking asawa ng matatamis n’yang halik at maiinit na yakap dala ng labis na pananabik. Katulad na rin ako ng karamihang nagbabalik. Masaya at nakangiti. May luha mang dumaloy pero ito’y dahil sa labis na kaligayahan.

NGAYON. Masaya kaming nakahiga sa papag ng aking asawa sa loob ng bahay habang nakikinig ng mga awitin. Sa labas nama’y sumasayaw sa ritmo ng tugtog ang pagbuhos ng malakas na ulan. At sa bawat indayog nito ay hindi lamang naalis ang mga alikabok na nagkukubli at naninirahan sa mga dahon ng mayayabong na mga halaman at sa makukulay na bubungan ng mga kabahayan. Nadidiligan din nito ang mga namumulaklak na naming mga pangarap.


Buhos na ulan aking mundo’y lunuring tuluyan
Tulad ng pag-agos mo di mapipigil
Ang puso kong nagliliyab
pag-ibig ko’y umaapaw
Damdamin ko’y humihiyaw sa tuwa
Tuwing umuulan at kapiling ka


Sa pagkakataong ito ay kay sarap pakinggan ng mga salitang binabanggit sa awitin. Dahil ang pag-ibig naming umaapaw ay muling nagbunga. Ilang linggo na lamang ang bibilangin at ito’y amin nang masisilayan. Oo nga’t sadyang maiksi ang ngayon kung ihambing sa kahapon. Subalit basta’t kami ay magkasama, maaraw man o maulan ang walang humpay na pagdaloy ng buhay, natitiyak kong marami pang bukas ang magkasabay naming tatahakin hanggang sa dapithapon ng aming buhay.

****************************
Ito ay ang aking opisyal na lahok sa patimpalak ng PEBA bilang suporta sa ating mga kababayang nakikipagsapalaran sa bansang banyaga. Mabuhay kayo. Mabuhay ang Bayaning Pilipino.

Miyerkules, Oktubre 5, 2011

ANG ALAALA NI BATMAN

Kasabay ng malamig na hangin galing Hilaga. Siya ay aking nakita sa loob ng kulay puti’t pulang medyas na nakasabit sa may bintana. Sabi ni Tatay regalo raw ito sa akin ni Santa. Sa aking mga kaibigan ay agad kong ipinagyabang ang bago kong laruan. Pinataob n’ya ang kanyang mga kalaban gamit ang kanyang tikas at tapang. Na s’yang nagdulot ng inggit sa aking mga kalaro.

Nang tuluyang maitaboy ng tag-init ang taglamig, ako ay tumatangis dahil siya ay nasira. Pira-piraso na s’yang inilagay ni Tatay sa loob ng kulay puti’t pulang medyas. Ang taglay n’yang tikas at tapang ay naglaho kasama ang hungkag na bahaghari. Narito ako at nangungulila subalit patuloy na umaasang s’ya ay muling mahawakan at malaro.

Kasabay ang panaka-nakang pag-ulan galing Katimugan. Siya ay bumalik galing sa kulay puti’t pulang medyas na bitbit ni Tatay. Buo na s’yang muli. Subalit ang kanyang kisig at tapang ay ‘di na katulad ng dati.

Nagpagawa ako kay Tatay ng kahong salamin upang magsilbing kanyang tahanan habangbuhay. Sa loob ng apat na sulok ng kwadradong salamin ay inilagay ko si Batman kasama ang makinang na alaala ng aking kamusmusan.


Ang akdang ito ay aking opisyal na lahok sa Saranggola Blog Awards 3

Lunes, Oktubre 3, 2011

SA PAGITAN NG ANTOK AT NG MALAY

maligalig na gunita
sa isipa'y aandap-andap
talusaling tudla
'di mapigilang mag-amok

mga mata'y nakapikit
subalit gising ang diwa
nagkukumahog na alaala
nagpatintero sa isipan

haplit ng kahapon
gumuhit sa tangwas ng malay
matikap na bahaghari
nagpatingkad sa dapithapon

Huwebes, Setyembre 22, 2011

WALANG PUSONG BATO KAPAG NASILAYAN ANG NGITI MULA SA LABI MO

Isang MInutong SMILE Logo

Sabi nila, ako raw ay siraulo
Taglay ko raw ang pusong bato
Subalit ako’y naging maamo
Nang masilayan ang ngiti mula sa labi mo


Salamat sa mabubuting sponsors ng SMILE Quotes Contest : Field of Dreams, Alohagems on Squidoo, ISP101 at from the dungeOn.

Miyerkules, Setyembre 21, 2011

FX

inaantok na ang buwan
sa lalim nitong gabi
ito'y nagising lamang
nang makita mata mo't labi

nangungusap mong tingin
buwan ay tila hinaharana
nang-aakit mong mga labi
dampi nito'y nais madama

subalit paano mangyayari
ang mithi at pangarap?
naglaho ka sa karimlan ng gabi
nasaan ka na, babae sa FX
na nasinagan ng liwanag
NG BUWAN?

Huwebes, Setyembre 15, 2011

WALANG PAMAGAT

ako'y batang malikot mag-isip

butas malaki't maliit

kinakalikot ng aking hinliliit

Huwebes, Setyembre 8, 2011

ANG SUGAT SA PUSO, SA NAGING PUSO NG LAHAT

Likha ni Carol Javier

ang pagluluksa ay walang bilang kung hanggang kailan
walang sukatan kung hanggang saan o kung anong paraan
hindi lamang ito sa dahilan na ako'y nawalan
pati na rin sa karapatang tawagin akong magulang

ito'y paglalakbay sa napakalungkot na daan
malubak at matinik ang aking daraanan
ang tumigil o umiwas, kung paano ay 'di ko alam
'pagkat ang sakit nasa dibdib wala sa talampakan

isang bagay sa buhay ang sumunod na nangyari
pilitin mang doon ibuhos ang lahat ng sisi
alam ko naman na ito'y mali sa aking sarili
at ako, sa akin ang malaking pagkakamali

Huwebes, Setyembre 1, 2011

SAME SHIT, DIFFERENT DAY

"Iba ang titig na may paghanga sa titig na may pagnanasa. Subalit mas lalong iba ang titig na mapanuri sa titig na nanghuhubad ng puri"


Hindi ko alam kung bakit pakiramdam ko ay tila lumuluha ng dugo ang langit kapag wala akong isang taong nasasabihan n'yan sa loob ng isang linggo.

Kung ikaw ay isa sa mapanghusga at mapanghinalang nilalang, nais kong namnamin mo ang mga katagang iyan.

Kung ikaw ay mahilig pumahid ng maduming titig sa mga taong mukhang halang ang bituka, subukan mong ikuskos ang mga katagang 'yan sa iyong mga mata upang sa gayon ay luminis ang iyong paningin at pati na rin ang isipan.

Kung tuwing umaga ay bumabyahe ka papuntang Alabang at narinig na mismo ng dalawa mong tenga ang katagang nabanggit ay maaring nagkasabay na tayo minsan sa iisang dyip.


Sagad na ba sa kahirapan ang mga Pilipino, kaya dumarami na rin ang mga holdaper, manghahablot at mandurukot? O dala ba marahil ng sadsad na kahirapan na ito, kaya ginagawa na lamang libangan ng iba sa atin ang maghinala at manghusga ng kapwa? Minsan dumating na rin ako sa puntong sinisisi ko ang aking mga magulang sa naging anyo ko sa kasalukuyan. Makailang beses ko na ring sinubukang lokohin at kumbinsihin ang aking sarili na ako ay gwapo at simpatiko sa tuwing humaharap ako sa salamin. Pero ni katiting na pag-asa wala akong makita. Sumuko ako at tinggap ang aking pagkatalo. Ako'y hapung-hapo na sa pakikibagay at pag-aayos ng aking sarili. Madumi lang ako tignan. Pero wala sa akin ang problema. Sila ang may problema.

Hahayaan ko na lamang na ako'y mahusgahan. Hindi ko sisisihin ang aking anyo at postura kung bakit kayo nanghuhusga at naghihinala. Sabihin na lamang natin na ito'y isa ninyong libangan, pampalipas oras. O di kaya'y likas na at nakakabit na sa inyong pagkatao ang ganitong gawain.

Kalyado na ako. Hindi na ako nasasaktan katulad noong dati. Manhid na ako.

Ipunas mo man sa akin 'yang mga madudumi mong tingin mula ulo hanggang paa at pabalik sa ulo. Mag-arkuhan man 'yang mga kilay mo at umabot sa bunbunan, ituloy mo lang. Basta asahan mong ika'y makakarinig ng mga katagang ito galing sa akin:
"Iba ang titig na may paghanga sa titig na may pagnanasa. Subalit mas lalong iba ang titig na mapanuri sa titig na nanghuhubad ng puri"
na may kasamang mag-asawang DUTERTE FINGER.

Ito ay ang aking opisyal na lahok sa patimpalak ni Lio bilang pagdiriwang sa ikatlong taong anibersaryo sa pagkakalat ng shit sa internet.

Huwebes, Agosto 18, 2011

ANG MULING PAGLASAP NG LIGAYA

noon,
tayong dal'wa
ay sabay sumumpa
mga masayang pangarap
sa buhangin ating isinulat
sa may dalampasigan ng ating nayon
akala natin ang lahat ay sumasangayon
malalaking alon nagpapahiwating ng pagtutol
mga binurang pangarap ay hindi natin naipagtanggol

bigo man tayo sa pakikipaglaban sa naunang hamon
tayo'y muling mangangarap at taas noong babangon
sa isang puno sa nayon ating uukitin
ating mga pinapanalangin
tadhana sana'y umayon
upang malalasap
ang ligaya,
bukas

Lunes, Agosto 8, 2011

ANG PAGSUKO SA KAHAPON

Sa pangalawang pagkakataon ay lumahok muli ako sa patimpalak ng Philippine Art Awards at sa pagkakataong ito sinubukan kong gawan ng kaukulang tula ang nasabi kong lahok. Sinubukan kong gumawa ng tula na patungkol sa kinabukasan pero ang hirap. Biglang nauwi rin ito kahapon.

Photobucket

mga mata'y pilit ipinikit
kahapo'y sa isipan nanumbalik
mga larawan ng nagsisiping na mga alaala
ngayo'y bumabalot at gumagambala

tanging nais ay katahimikan
ungol at halinghing ng kahapon ay gustong malimutan
sinubukang lumaban at umahon
subalit pagkatao'y dahan-dahang nilalamon

yumuko
sumuko
nagtampisaw
lumangoy
nagpatangay
sa alaalang
dulot ng
kahapon

Miyerkules, Agosto 3, 2011

BAKIT PATULOY NILULUHAAN ANG NAKARAAN

Kung totoong inilagay ang mata sa harapan
Upang makita ang kinabukasan
Bakit ito ang nakakarinig ng tilalay ng karimlan?
Sigaw ng matayog na kahapong nakakaumay
Sa damdami'y dulot ay nakakabinging lumbay
Mga ugat ay isa-isang napipigtas at namamatay

Kung totoong inilagay ang mata sa harapan
Upang makita ang kinabukasan
Bakit ang mahabang kahapon ay pilit inaarok?
Sumiglaw na alaalang mapait at mapusok
Sa bawat sulok ng damdami'y nanunuot
Nagdudulot ng pagkatigang at naging marupok

Kung totoong inilagay ang mata sa harapan
Upang makita ang kinabukasan
Bakit sa harapa'y panay salamin
Bakas ng kahapon ay tila aking nililingon
Damdami'y sa tayutab gumugulong
Nananatiling sadlak at hindi makabangon

Kung totoong inilagay ang mata sa harapan
Upang silayin ang kinabukasan
Bakit patuloy kong niluluhaan ang nakaraan?


Ang tula na ito ay opisyal na lahok sa patimpalak ni Bb. Iyakhin

Martes, Agosto 2, 2011

SALAMAT

Marahil napaiksi at napakadali lamang tipahin at basahin ang SALAMAT, pero napakahaba at napakalalim ang huhugutin upang mabigkas ng bukal sa loob ang salitang ito. Para sa akin, ang SALAMAT ay hindi lamang isang payak na salita. May taglay itong kapangyarihan bilang pagtanaw ng utang na loob at kagalakan.


Kaya mula sa kasuluk-sulukang hibla ng aking ngarag na puso ipinaparating ko ang taos pusong PASASALAMAT sa inyo na naglaan ng kaunting oras upang tipahin at bigkasin o kung sa ano pa mang paraan ng pagpaparating ninyo sa inyong pagbati sa katatapos ko lang na kaarawan. Maaraming salamat sa inyong lahat. Sa mga kakilala, kaibigan at mga taga mundo ng blogsperyo. At sa taong nagparating ng pagbati na nagbibigay kilig sa akin, maraming salamat.


PS: Maraming salamat din Katrina Halili dahil dumating ka sa aking panaginip noong gabi ng aking kaarawan kahit napakahirap makarating doon sa nasabing panaginip lalo't si Ana Capri ang inaasahan kong dumating ay naroon ka pa rin. Maraming salamat.

Biyernes, Hulyo 29, 2011

HANDOG

Ang tulang ito ay nabuo bilang handog nila MD, Bulak, Essa, at Madz sa tahanan ni Jkul


O kalapati halika sa aking tabi
Sumpungan mo ang di mapigilang kiliti
Pukawin mo ang natutulog kong pighati
Balutin mo ako ng maganda at nakakaakit mong ngiti
Mga ngiting nagtatago ng ibayong hapdi


Maari ko bang tanglawin ang nasa loob ng malalambot mong labi?


Kilitiin at pukawin mo ang nasisidhi kong damdamin
Dahil ito'y puno ng takot sa dilim
Na tumatakip gabing malagim
Dulot ng malaimpyernong hardin


Halika na at ating lasapin ang mga natutulog na pagnanasa
Na tanging bumabalot at nararamdaman sa katawan ng bawat isa
Lakbayin ang kung anu man ang mayroon sa kabilang pintuan
At sa dulo'y unti-unting hayok na hahalinghing ang magsisilalabasan


Mataman mo akong halikan at dalhin sa rikit
oh Cassandra, paligayahin mo ako ng walang patid

Huwebes, Hulyo 28, 2011

WOTL: ANG SALITA NI LOURD

Ikaw ay matalas. Nag-iiwan ka ng malalim na hiwa sa bawat sulok ng kamalayang ikinulong at iginapos ng masasamang ala-ala. Isang hiwa na nagbibigay hapdi at kirot sapat upang gisingin ang nahihimbimbing na isipan.

Sa bawat pagtalakay sa isang usapin tungkol sa kultura at kaugalian, pulitika at lipunan ay may kislap ng liwanag. Binibigyan mo ng kinang ang lipunang binabalot ng karimlan. Kinukulayan at pinapatingkad mo ang kumukupas na galak at pinapalinaw ang lumalabong pag-asa sa hinagap.

Ikaw ay mapanuri. Hinuhubaran mo ang konserbatibo at di maarok na agam-agam upang ito ay tiyak na masilip, makita at maintindihan. Hanggang sa lilitaw ang buong kahubdan na syang sisilaw sa mga matang nagbubulag-bulagan, sisigaw sa mga taingang nagbibingi-bingihan at bubusog sa kumakalam na isipan.

Ikaw ay matalas. Iyong tinatapyas ang makakapal na pader at pinuputol mo ang mga rehas na bakal na syang kumukulong sa kamalayang hapo sa pagpupumiglas.

Huwebes, Hulyo 21, 2011

LIGHTS! CAMERA! ACTION! CUT!

Lights! Camera! Action!

Tunay nga na makapangyarihan ang yakap ng isang ina.
Subalit may mas dadaig pa ba sa kapangyarihan ng yakap
ng isang artista, exposure sa TV at kaunting pera bilang pabuya?

CUTTTTTTTTTTT!!!!!


Lights! Camera! Action!

Sadya nga bang maimpluwensiya ang mga artista?
O Likas na talaga sa marami sa atin ang pagiging showbiz?
Kaya gusto rin ng iba na maranasan ang mapanuod ng
ibang tao ang kanyang anyo na nasa harap ng camera?

CUTTTTTTTTTTT!!!!!

Lights! Camera! Action!

Wika ni Ruffa noong may nagsauli ng kanyang mamahaling mga sapatos,
"SANA LAHAT NG TSUPER AY KATULAD NG TSUPER
NG TAKSI NA NAGSAULI NG MGA GAMIT KO"
Na ano? Na magsauli dahil alam nitong may pabuyang kapalit?
Lalo na dahil may kasamang mahigpit yakap mula sa artista?

Hindi ba mas mainam kung katotohanan, malinis na
konsensya at ang prinsipyo ang magiging dahilan?

WALANG GRANDSTANDING! WALANG CAMERA! HINDI MUKHANG SCRIPTED!

CUTTTTTTTTTTT!!!!!



Ang showbiz ko rin eh. Hindi maikaila. May update lang.

Huwebes, Hulyo 7, 2011

SA 9th FLOOR

Paningi'y tumatagos sa salamin
Nagagalak ang nalulumbay na damdamin
Sa mga dahong tila kumakaway
At sa mga bubungan ng kabahayang makukulay

Paningi'y sumasabay sa hangin
Nagpatangay kahit saan dadalahin
Sumabit sa matataas na gusali
At pansamantalang tumigil at namalagi

Paningi'y muling lumipad
Sa mga nagsisiping na ulap napadpad
Tanaw ang nagliliyab nilang pagnanasa
Subalit sa ibaba naghihintay ang tigang na lupa

Paningi'y dahan-dahang nanlalabo
Nagharing kadilima'y nakakapanlumo
Ulan ay paunti-unting pumapatak
Tigang na lupa'y nagkaroon ng galak
Makakamtan na ang nasa at pangarap

Biyernes, Hulyo 1, 2011

AYISNALUBMA

Akda ni Kerol Hebyer

Ayoko ng tunog ng wang-wang.
Tunog mayabang.
Tunog na nagpapakita ng kapangyarihan para
makawala sa totoong sistema ng buhay.

Ambulansiya.

Noon, payak lamang ang pananaw ko
sa sasakyang ito. Isang sasakyan na inaangkin ng
mga pulitikong nasa lokal na pamahalaan sa
pamamagitan ng pagiimprenta ng mga pangalan
at posisyon sa mismong katawan ng sasakyan.
Kadalasan kong nakikita na walang laman. At kung
mayroon man eh isang Poncio Pilato na gustong
lumusot sa mga nagsisiksikang sasakyan.

Ayoko ng tunog ng wang-wang.
Lalo na ngayon. Iba ang hatid na takot sa akin.
Tunog kamatayan. Iba kapag naranasan mo
ang totoong silbi ng ganitong uri ng sasakyan.
'Yon na yata ang pinakamatagal na
byahe na maaring maranasan ninuman. Ang
pinakamatagal na byahe na naranasan ko, ang
sumakay sa sasakyan na patungong kamatayan.
Para kang sumakay sa barko na nasa gitna ng
karagatan kung saan hindi mo makita ang
patutunguhan. Isang byahe na nagsisilbing hatol
para sa iilan.

Isang byahe na mahirap makalimutan
kapag naranasan. Isang byahe na di mo na
kakayanin kung maulit ng isa pang minsan.

Miyerkules, Hunyo 29, 2011

HUWAG MASYADONG TITIGAN

Nanginginig
Aking dibdib
Mga daliri
Hindi mapakali

Ako'y natatakot. Huwag mo akong diligan ng mga matatalim mong titig. Ako'y nakikiusap. Ako'y nagmamakaawa. Ako'y natutunaw. Tama na. Dahil ang mga nalulusaw na bahagi ay s'ya ring umaapula sa umaapoy kong damdamin.

Naabo
Aking puso
Hangin umihip
Saki'y sumagip

Nilipad
Sa kalawakan napadpad
Lumulutang sa kalungkutan
NAIS HUMIRAM NG KALIGAYAHAN

Martes, Hunyo 21, 2011

MINSAN MAY ISANG IKAW SA BUHAY KO

Nabuo ang tulang ito para sa isang kaibigan.
Ito ang dahilan upang mabuhay muli ang nananamlay na kinasanayan.


Nung minsan may ikaw sa buhay ko
Lahat ng hirap at pagdurusa ay di inalintana
Bawat yugto ay mahalaga at nabubuo
Basta't nariyan ka at kapiling ko

Sabay nating pinagsaluhan ang ating mga pangarap
Mga pangarap na sinulat natin sa ulap
Ngunit lahat ng ito ay biglang naglaho kasabay ng pag-ihip ng hangin
Kaya ang buhay ko ngayon ay di malaman kung saan babaling

Ako ay iyong iniwan sa Gitnang Silangan na may damdaming sugatan
Mag-isang nangangarap at binabalikan
Ang ating mga masasayang nakaraan
Ngunit ako ay lalong nahihirapan pag ang larawan at mensahe ay nasisilayan

Kaya ngayon ako ay nagpasyang tanggapin na lang ang katotohanan
Na sa sarili ikaw ay di na muling makakapiling
Kahit na sa isip ko'y maraming mga katanungan
Na hanggang ngayong ay nanatiling walang kasagutan

Ang mahalaga ay ang mga ala-ala na minsan may isang ikaw
Na bumuo sa buhay ko

Martes, Hunyo 14, 2011

BADJAO

Sir/Mam,

Ako po ay isang "BADJAO" humihingi sa inyo ng kaunting tulong.

Salamat po.



Hindi pangkariniwan ang ganitong tagpo ngayong tag-ulan. Madalas kasi ang makikita mo sa ganitong pagkakataon ay yung mga bata na papanhik sa dyip at dudumihan pupunasan ng maduming basahan ang sapatos ng mga pasahero. Subalit nitong umaga mga batang Badjao ang nakikipagpatintero sa mga sasakyan sa kahabaan ng Alabang-Zapote Road. Akyat sa dyip at magbibigay ng sobre na may nakatatak na katulad ng nasa itaas.

Nagtataka ako kung bakit naka "ALL CAPS" at lutang na lutang ang salitang Badjao? Sinong siraulo ang nagpagawa ng rubbercut nito sa Recto? Bakit itong mga bata na ito ang ginagamit at hinahayaan lang na pakalat-kalat sa kalsada.

Ang galang-galang nung nakaimprenta sa sobre taliwas sa inaasta ng mga bata.

Sinong siraulo naman kaya ang nagturo sa mga batang ito na murahin ang mga pasahero kapag hindi nagbigay? At sasabihin ang ganitong kataga:

"ANG MGA HINDI NAGBIBIGAY AY KUKULAMIN".

Subalit kung ikaw naman ay magbibigay ng barya-barya lang, malamang sa malamang ay ikakasama pa ito ng kanilang kalooban at magwala. Tatanungin ka pa kung bakit barya lang ang ibinigay mo.

Hanggang kailan sila mananatiling nasa kakalsadahan? Hanggang kailan sila gawing sangkalan at gawing negosyo ng mga siraulong mga nasa likod nito. Hanggang kailan manganganib ang mura nilang buhay at isipan?

KAILAN?

Miyerkules, Hunyo 8, 2011

KM2 (ANG HULING EL BIMBO NI MAGDALENA)

Takipsilim. Tikas at kisig ng haring araw ay unti-unting nagagapi’t nilalamon ng kadiliman. Puri ng kapaligira’y halinhinan nitong maaangkin sa harapan ng mga naglilingkisang mga ilaw sa kabahaya’t sasakyan. Nagpapahiwatig ng pagtutol. Pilit lumalaban subalit nagparaya rin sa kalaunan.

Kasabay ng pagliyab nitong mitsa ng gabi ay ang muling pagtatala ng panibagong pahina sa yugto ng pakikipagbuno. Ngunit pangkaraniwan.

Inaaliw ang mga nalulumbay.

Pinapaligaya ang mga nalulungkot.

Pinapainit ang mga nanlalamig.

Habang lumalalim itong gabi’y pilit idinidilat ang mga mata. Katulad ng isang manananggal. Sikmura’y kumakalam.

Tingin sa iyo’y banal.
Sinasamba.
Subalit pinagnanasaan.
Kawangis ay pulot-pukyutan na pinagsasaluhan ng mga langgam habang dahan-dahang inuubos ang taglay nitong tamis. Tila isang maharlika na tadtad ng ginto ang buong katawan.

Ika’y Magdalena ng mapanghusgang lipunan na pilit sumasabay sa makabagong panahon.

Umiindayog. Ihinahain ang katawan katulad ng isang pulutan na ginagawang pampagana sa inuman. Sa harap ng malapad na salamin. Sa entablado’y pinapalibutan ng makukulay ngunit patay-sinding mga ilaw. Kasabay ng pagbulusok ng mapusok na usok ay marahang tinatanggal ang kapirasong saplot na sa kuyukot ay bumabalot.

Gumigiling sa bawat bigkas ng liriko sa awiting Huling El Bimbo. Hinahaplos ang kaselanan.
Paitaas.
Paibaba.
Sumusunod sa bawat alingawngaw na dulot ng hiyawan. Nanlilisik at namumungay na mga mata’y nagdiriwang. Animo’y mga mata ng mga paniki na kayang magbigay liwanag sa isang malaking yungib.

Sa loob ng malamig na silid ay nagingibabaw ang init ng mga bisig na sa katawa’y gumagapos. Bisig na kahambing ay dikya sa karagatan. Taglay ay kakaibang kuryenteng sapat upang daluyin ang buong kalamnan at gisingin ang natutulog na pagnanasa. Sa bawat hugot at baon ng kanyang pagkalalaki ay namamayani sa buong silid ang mga mapagkunwaring halinghing.

Pagtatampisaw ay nagwakas. Katawa’y lupaypay. Pagkatapos parausan ay iniwan.
Nangangalumata.
Wala sa sarili.
Panibugho sa damdami’y bumabalot na tiyak peklat ang magiging dulot.
Nagtatanong.
Naghahanap ng kasagutan.

Takipsilim. Kisig at tikas ng damdamin ay unti-unting tumitibag sa pader na dulot ng buhay na lugami sa hirap. Naglilingkisang mga ilaw sa kabahaya’t sasakyan kasama ang maluwalhati na paghingi ng gabay sa Maykapal ay s’yang liwanag upang adhika’y makamtan.

Martes, Hunyo 7, 2011

PASAKALYE SA KM 2 NG AKING KATRABAHO

Ni Roch Abadilla

I can preDIKYA gona HUG OTher's arms. tuLUG AM I? no, i'm not sleeping. Dreaming, maybe yes.. I was dreaming that I see the KUYUKOTest face i've ever seen. but hADHIKAm closer, i wouldn't be wanting to see you dLUWALHATIn (dwelleth in) my place.

there is a pain in MAHAR LIK A spear thrown to my chest... and the blood, sHALINGHING (sailing in) my veins is ALING AWN GAWing (ailing on going) beyond what's ADHIKAting, like an addiction of PANI BUG HOvering (funny bug hovering) in the meadows... but there's a PUL OT... "PUK YU" TAN (pull at... f^ck y@u than) any other phrases... and its always pulling me back.

being with coNAN GANG A LUM AT A (being at Conan Gang, a loom at a) crowd has BAN AL (been all) my greatest fear.. but having croPEK, LATte, and a dash of grains makes a MAN AN A NGGAL (man and a gal) go together and makes me grin inside.

Miyerkules, Hunyo 1, 2011

GUNITA

Unang araw ng Hunyo
Ang araw ng paglisan mo
Sariwa pa sa alaala
ang pangyayari
Sinag ng haring araw sa
higaa'y naghari

Nang ako'y nagising, sa
aking sarili'y nagtanong
Sa araw na ito ano ang mayroon?
Habang ang oras ay lumalaon
Ako'y pabiro na sinagot
ng pagkakataon

Natanggap ang hindi
magandang balita
Tinig ng iyong ina ang
nasa kabilang linya
Kahit nauutal sa
nais sabihin
Pilit na pinapakalma
ang damdamin

Ang sinabi ng iyong ina
Daddy si DM pumanaw na
Tila sinakluban ako
ng langit sa narinig
Damdami't kalamna'y
nanginginig

Sa paglipas ng isang taon
Alaala mo'y nanatiling
nakakahon
Hapdi't kirot ay hindi
pa rin nabawasan
Dahil ikaw ang nagbigay sa
amin ng lubos na kaligayahan

Kahit 'di man tayo nagkita
Sa isipa'y yakap at buhat ka
Ang iyong tinig sa kabilang linya
Sa aki'y manatili at
habang buhay na musika

Umaawit ako sa Maykapal
at humiling
Kahit isang araw
sana ika'y makapiling
Maramdaman ang saya
bilang isang pamilya
Sa gitna namin ng iyong
ina maririnig ang
halakhak mo't tawa

Lunes, Mayo 30, 2011

SA PILING MO

Hatinggabi
Magkatabi
Sa higaan
Naglampungan
Magkayakap
Nangangarap
Ngunit
Hagupit
Ng kahapon
'di umayon
Luha
Sa mata
Dumaloy
Puso
Nanaghoy
Natauhan
Nagsumpaan
Tayong dal'wa
Magkasama
Habang buhay
Kaagapay
Sa mundo
Katiyakan
Di malaman
Subalit
Ang ikaw
Ako
At tayo
Ay magpakailanman

Miyerkules, Mayo 25, 2011

PAG LASING KA LANG MALAMBING

Sabi mo, ayaw mo inaaway kita
dahil s'ya naaalala mo.
Sabi mo ayaw mo na sinisermunan kita
dahil hindi ka na bata

Sabi mo, minsan pumapasok sa isip mo
kunwari totoong nanliligaw ako sa'yo
Sabi mo, kunwari magiging tayo
kunwari may kinabukasan tayo

Sabi mo, sarado pa ang puso mo
kaya ayaw mo pa pumasok ulit sa isang relasyon
Sabi mo, nahahabag ka tuwing magkusap tayo
dahil s'ya pa rin ang nasa isip mo

Sabi mo, patawarin kita
Dahil ginagamit mo lang ako
Sabi mo, nais mo lang limutin s'ya

Sabi ko, nais ko lang tulungan ka

Sabi mo, natatakot ka sa'kin
Dahil baka pilitin kitang maging tayo

Sabi ko, hindi ko gagawin 'yon
Dahil di ka liligaya sa'kin
Sabi ko, wala kang kinabukasan sa'kin
Dahil tiyak luluha ka lang


Tanong mo, paano kapag ako'y nagsawa?
Paano kapag ayaw na kitang intindihin?

Sinagot kita, aalalayan lang kita
Hanggang sa makabangon ka


Sabi mo, gago ako
Dahil hinayaan kong gamitiin mo ako

Sabi mo, ayus na sa'yo na ganito tayo
Ang mahalaga masaya tayo

Tinanong kita kung masaya ka ba talaga

Sabi mo, kung masaya ako ay ganun ka rin

Sabi mo, shit ako
Dahil gumaganti ako

Sabi ko, matulog na tayo
Dahil napapraning na ako


Sabi mo, napapraning ka na rin katulad ko

Tinanong kita kung kanino

Sabi mo, gago ako
Dahil tayo lang ang nag-uusap

Sabi ko, bawal kang mapraning

Sabi mo, madaya ako
Tinanong mo ako, kung bakit hindi
ka pwede mapraning

Umiyak ka!

Kaya sabi ko, sige mapraning ka!

Natuwa ka!

Tinanong kita, bakit noon nagalit ka?
Nung napraning ako sa'yo

Sabi mo, gago ako

Sabi mo, wag ako mag-alala
Dahil pagkagising mo
wala na yang pagkapraning mo
Kinabukasan,

Sabi ko, patawarin mo ako sa inasal ko
Sabi ko, masaya ako sa usapan natin kagabi

Sabi mo, hindi mo maalala
Dahil kagabi ay lasing ka


Sabi ko, madaya ka!
Kaya pala ang lakas ng trip mo

Sabi mo, kalimutan ko na 'yon


Bakit ganun? Pwede namang hindi ka lasing.
Pwede namang hindi mo ako pinagtripan.
Bakit hindi natin kontrolado ang panaginip?
Pwede namang hindi na umabot sa paglalasing mo
Pwede namang nagising ako sa masayang bahagi.

Martes, Mayo 24, 2011

SINANIBAN AKO NG BABAENG SANTANAS

Essa at Joey sa tahanan ni Jkul

At nilasing ko ang buwan sa himpapawid;
Ang isipan ko ay kumikitid.
Pagnanais sayo'y walang batid
Dahil sa kaligayahang iyong hatid.

Banaag ang agos ng ulan:
Ala-ala nung minsan tayo ay naghahabulan.
Sa lamig ng hangin at liwanag ng buwan,
Minahal kita ng lubus-lubusan.

Busilak ng iyong puso ay aking nasilayan,
Ni hindi ko naisip ang napipintong kabiguan.
Hinatid mo ako sa kakaibang kamalayan
Ng pag-ibig, rebolusyon at kalayaan,

Na tanging ikaw
at ako lamang
ang maaring maliligayahan


Nang makakamtan ay napinid ang damdamin,
Iniwan mo akong wala nang sasapitin.
Di alintana kung tingin mo saki'y sakim
Kaya ngayon ako'y puro hinagpis na lamang sa hangin

Sabado, Mayo 14, 2011

LIGO LANG

Madaling-araw
Dumungaw
Tulala
Nakatunganga
Nagutom
Lumamon
Ala-ala
Sinariwa
Isipan
Nilabanan
Nalungkot
Sumimangot
Damdamin
Nilalamig
Katawan
Nainitan
Singit
Lumagkit
Nagtampisaw
Ligaya
Umapaw
Lungkot
Nalimot

Miyerkules, Mayo 11, 2011

PILA TAXI

Ako: Knock! knock!
Ikaw: Who's there?
Ako: PILA TAXI
Ikaw: Pila taxi who?
Ako: Im your biggest fan
I’ll follow you until you love me
Pipi-pila taxi,
Baby there’s no other superstar
You know that i’ll be your
Pipi-pila taxi

Photobucket

Lunes, Mayo 9, 2011

IKAW ANG BIDA AT AKO ANG KONTRABIDA

Katulad ng barya, ang bawat kwento ay may dalawang panig. May kwentong totoo at mayroon namang ginawa lang na makatutohanan.

Taragis ka! Di mo man lang ako pinagbigyan. Pati yung panig na para sana sa akin ay inangkin mo ang kalahati. Ganun ka na ba kadesperada para makuha ang simpatiya ng halos lahat ng mga kaibigan at kakilala natin? Sige ikaw na ang naagrabyado! Ikaw na ang kinawawa! Sa'yo na lahat ng mga naging kaibigan natin! Binibigay ko na sa'yo lahat yun. Masyado kang makasarili. Oo nga't nagrabyado kita. Iresponsable na kung iresponsable ako. Pero sana man lang naisip mong "TAYO" ang nakaagrabyado. Hindi ikaw ang nawalan. Ikaw ang nagkaroon. Huwag kang magmalaki. Matuto kang ilugar ang sarili mo!

Kapag ikaw nagkwento ikaw lagi ang bida. Ikaw ang kinawawa. Ikaw ang ginago. Ikaw ang pinabayaan. At ang kontrabida? Syempre walang iba kundi AKO. Sa'yo na yang mga kaibigan, di ko sila kailangan. Nakarating ako sa buhay ko na ito na walang inaasahan kaibigan. Nabuhay ako sa sarili kong mundo. Tingnan natin kung hanggang saan sila sa panig mo. At tingnan natin kung hanggang kailan sila maniniwala sa mga kwento mo. Mga kwento mong ginawa mong makatutohanan.

Huwebes, Mayo 5, 2011

HALIK NG ESTRANGHERA

Magandang pangtanggal ng badtrip
sa gitna ng trapik ay ang gumawa ng tula.

Pagsakay ko ng dyip aura mo ang napansin ko
Hindi ka kagandahan pero ang lakas ng dating mo
Umupo ako sa tapat mo upang magpapansin sa'yo
Hindi ako nabigo dahil napansin mo ako

Nagkatitigan tayo at napansin ang mga labi mo
Lagi mo itong binabasa kapag ako'y titingin sa'yo
Naintriga ako at gusto kitang kausapin
Pero inisip ko baka tayo lamang ay mabitin

Kaunti nalang ang pasahero sa dyip
Kaya banaag ko na ikaw ay naiinip
Kunwari lamang ay naiinitan sa pwesto ko
Lumipat ako sa tabi ng kinauupuan mo

Ngayon katabi na kita nais kong makausap ka
Tangi kong nasabi ang ganda ng mga labi mo
Tinanong kita kung maari ba akong humiling
Inasahan kong sagot mo ay tanging iling

Biniro mo ako na hindi ka isang fairy
Kung ano man ang kahilingan ay isantabi
Tinanong kita kung pwede isang pabor
Ingatan ang iyong labi na di mawalan ng amor

Maari ko bang maramdaman ang lambot ng labi mo?
Imbes na galit ay ngiti ang sagot mo sa tanong ko
Sapat na iyon upang maglakas loob na halikan kita
Kasama mo pala ang mama mo kaya sampal aking napala

SANDOK AT ISDA

Carol Javier

Ang buhay natin ay tunay na mahiwaga
Di sigurado di tayo ang namamahala
Ang sabi mo nga ika'y sandok at ako'y isda
Na kahit anung mangyari malabong magkita

Ang biro ko sa'yo ito'y magkikita din
Lalo na kung sa pagluluto gagamitin
Akalin mong nangyari at nagkatotoo
Ito nga nagkita at nagkasama tayo

Sa simula ay malabo at magulo
Pagkat ang pagkakaiba ay di maitago
Sa kabila ng mga tampuhan at pagtatlo
Madalas naman ang unawaan at pagkakasundo

Buti na lang dumating kahit di hiniling
Ang isang regalo at biyaya sa atin
Di man aminin, alam kong nagpatibay sa atin
Biyaya na sa samahan ay nagpapalalim

Mabuti na lang may pagtitiwalang nabuo
Na naging sandalan natin sa pagkakalayo
Kaya di dapat matakot at mag-alala
Pagkat hinihintay pa din ang oras na magkasama.

Ang tagal na ng tula na ito. Ginawa nya ito habang hinihintay ang aking pagbabalik. Ito yung panahon na buo pa ang lahat ng mga pangarap at tiwala.

Miyerkules, Abril 27, 2011

PAKYU KA! BULUTONG! (REPOST)

Walanghiya ka! Sa tanda kong ito ay nakuha mo pa akong dapuan. Hindi ka nakakatuwa! Hayup ka! Ang dami mong sinirang schedule. Nagawa kong lumiban sa trabaho dahil sa'yo. At pinagkait mo sa akin ang bonding time namin ng mag-ina ko. Hayup ka talaga!

Dapat ay tatakbo ako sa Earth Day Run ng NatGeo. Mahigit isang buwan ko pa namang pinaghandaan ang nasabing kaganapan. Pero ano ang ginawa mo? Inagaw mo sa akin ang makatulong sa lipunan. Pinagkait mo sa akin ang pagkakataong iyon. Gago Ka!

Walang pakundangan mo ring sinira ang aking mukha. Na tangi kong puhunan sa buhay. Papaano nalang ngayong ang mga movie projects ko? Ang TV guestings? Ang sakit mo sa ulo! Tarantado ka!

Hindi ka pa nakontento. Pati likuran at dibdib ko ay hindi mo man lang pinalagpas. Dahil ba sobrang hilig ko sa utong? Kaya mo ako nilagyan sa dibdib ng mahigit sa sampu? Para kapag kailangan ko ng mahihimas ay may hihimasin ako? Pakyu ka!

Gumapang ka pa pababa. Pumunta ka sa may hita. Hindi mo man lang nakuhang lagpasan ang ISLA ASUL. Na nababasa lamang sa tuwing ako ay naliligo. Tumambay ka pa at pinagtripan ang IBONG ADARNA. Sinamantala mo naman. Dahil alam mong malapit ko na itong itapon dahil nagagamit ko na lamang ito kapag ako ay umiihi? Bading ka!

Martes, Abril 19, 2011

SA LAOT NG PANAGINIP

Isang gabi nanaginip ako.
Naglalakad ako sa dalampasigan.
May nakasalubong akong isang dilag.
Kinausap ko s'ya. Nagkwentuhan kami.
Habang unti-unting nagkaroon ng
ngiti sa kanyang mukha ay unti-unti
namang nahuhulog ang loob ko sa kanya.
Nagtampisaw s'ya sa tubig. Pinagmasdan
ko lamang s'ya. Unti-unti s'yang
lumalayo. Sinundan ko s'ya.

Noong malapit na ako sa kanya ay
namalayan kong may kalaliman na
ang parteng iyon ng karagatan.
Kinausap n'ya muli ako upang
magpaalam. Nagpumilit akong sumama.
Hindi daw n'ya alam ang tungo n'ya.
Sabi ko ayus lang basta sasama ako.

Masaya kaming lumalangoy. Narating
namin ang laot. May paparating na bangka.
Kinawayan n'ya iyon. Huminto ang
bangka at sumakay ang dilag. Bago lumarga
ang bangka may sinabi s'ya sa akin.
LUMANGOY KA NA PABALIK SA DALAMPASIGAN
BILISAN MO LANG AT MAY PAPARATING NA BAGYO.

Lumangoy ako ng lumangoy hanggang sa
nagising ako na humahangos at umiiyak.

Linggo, Abril 17, 2011

PAALAM DREADLOCKS!

090909. Ang petsa kung saan pagkatapos ng isang linggong walang tulugan ay nakompleto ko rin sa wakas ang 75 piraso mong hibla. Hindo ko maipaliwanag ang kaligayahang naramdaman noong mga panahong iyon. Marahil maituturing kitang usang obra. Obra na nagpapahayag ng sariling nararamdaman laban sa kompanyang dating pinapasukan.

Noong una itinuturing lang kitang isang uri ng pagrerebelde at pagtutol sa hindi makatarungang pagtrato ng isang kompanya sa kanilang mga empleyado. Pero hindi nagtagal ay naging libangan kita upang labanan at pansamantalang takasan ang homesick na aking nararamdaman noong mga panahong iyon.

Alam mong hindi ikaw ang unang dreadlocks sa aking buhay. Pero para sakin ikaw ang pinakagusto ko minahal ng labis. Sa paglipas ng panahon ay gamay na natin ang isa't isa. May mga panahong napapabayaan na kita. Pero mayroon din namang pagkakataong alagang-alaga kita. Sinashampuhan kita ng mamahaling shampoo para naman maging kaaya-aya ka sa paningin ng karamihan.

041111. Ang petsa kung saan nagtapos ang kulang-kulang dalawang taon nating pagsasama. Tinanggal kita ng hindi labag sa aking kalooban. Ilang linggo ko rin pinag-iisipan ang tungkol dito. Masakit para sa akin ang ating paghihiwalay. Lahat naman ng bagay sa mundo ay may katapusan. Hindi lang tayo pinalad dahil isa ang samahan natin sa nagtapos.

Pero huwag kang mag-alala mananatili ka sa aking puso at kamalayan. Kahit kailan ay hindi kita makakalimutan, pangako yan. Kaibigan kitang maituturing. Naroon ka at naging saksi kung papaano ako nagtampisaw at nalubog sa putikan. Naroon ka noong ako'y hinagupit ng matinding bagyo. At lalong naroon ka noong muli kong binuo ang mga pangarap na minsan ng gumuho.

Maraming salamat kaibigan!

Huwebes, Abril 7, 2011

ANTOK

Sadyang napakahirap labanan ang alok ng antok. Sabi n'ya sasamahan daw n'ya akong lumangoy sa dagat ng mga pangarap. Lilipad daw kami sa ulap ng mga panaginip. Ang tanging sagot ko sa kanya, masaya na ako sa riyalidad na kasalukuyan kong tinatamasa. Pero sadya s'yang mapilit. Kaya ito ako ngayon nag-uumpisang magtampisaw. AKO AY MULING LALANGOY SA DAGAT NG MGA PANGARAP AT LILIPAD SA ULAP NG MGA PANAGINIP.

SINUNGALING SI NANAY!

Eksena sa bahay;

Ako: Nay hindi ka ba natutuwa na sobrang gwapo ng anak mo?
Nanay: Hindi ka kinilabutan sa sinabi mo?

...After 30 minutes;
Ako: Hindi nga Nay ang gwapo talaga ng anak mo no?
Nanay: Alam mo, wala namang ina na hindi pinupuri ang anak. Kaya kahit napipilitan ako, Oo na, GWAPO KA NA!

Martes, Marso 29, 2011

IKAW AT AKO

Ang nais ko lang ay handugan ka ng isang awitin sa aking pagdating. Nasa dyip pa lamang ako ay kinakabisado ko na ang kanta. Nakailang ulit ko rin pinakinggan ang kanta ngunit mahina talaga ang aking memorya. Hanggang sa nakababa nalang ako sa dyip ay hindi ko pa rin ito nakabisado. Bumili muna ako ng pisbol sa kanto para mag-ipon ng lakas ng loob. Alam mong salat ako sa talento sa pag-awit. Pero akin pa rin itong ipinilit.

Sa aking pagbungad natanaw kitang nakaupo sa may malapit sa bintana. Naramdaman mo na ang aking pagdating. Inumpisahan ko ang baybayin ang mga salita sa awiting aking kinabisado. Nagalit ka. Sabi mo tumahimik ako. Baka magalit ang mga kapitbahay natin. Hindi kita pinakinggan sa iyong sinabi. Samakatuwid itinuloy ko pa rin ang pag-awit. Sabi ko

"ikaw at ako pinag-isa.
Tayong dalawa may kanya-kanya.
Sa isat-isa tayo ay sumasandal.
Bawat hangad kayang abutin.
Sa pangaba'y di paalipin.
Basta't ikaw ako tayo magpakailanman.
Kung minsan ay di ko nababanggit, pag-ibig ko'y
di masukat ng anumang lambing."


Sa halip na ikaw ay matuwa sa ganda ng mensahe, nagalit ka pa lalo. Kaya tumigil na ako si aking pag-awit. Pumasok na lang ako sa loob ng bahay na bagsak ang balikat. Hindi mo man lang binigyan ng papuri ang aking inaalay na awitin para sa'yo. Noong nasa higaan na tayo. Nagdrama ako. Sabi ko sa'yo nakakinis ka hindi mo man lang binigyan ng halaga ang aking pag-awit. Pero sagot mo "akala ko nambubulahaw ka lang". Umiyak ako. Sabi ko sa'yo kinabisado ko pa naman yun. Nais ko sanang ulitin ang pag-awit ngunit nakalimutan ko na ang mga linyang nakapaloob sa awiting iyon. Kaya kinuha ko yung ipod. Parehas nating ikinabit sa ating magkabilang tenga ang headset.

Kahit sintunado ay sinabayan ko ang pagkanta. Hindi ko namalayan dumadaloy na ang mga luha mula sa aking mga mata. Nagkatitigan tayo. Pinunasan mo ng iyong mga kamay ang aking mga luha habang patuloy akong humikbi. Hinalikan mo ako sa pisngi. Nangako ako sa'yo na tuwing dadating ako kakantahan kita. Ayun napako na naman ang aking pangako. Nandito pa ako sa opisina at tinatapos ang trabaho. Pero wag ka mag-alaala kahit tulog ka na sa pagdating ko. Aawitan pa rin kita. Sa pagkakataong ito kabisado ko na. Pinagpraktisan ko ito mula pa kaninang umaga.

ANG INIT NG KATAWAN AY HINDI NADADAAN SA LIGO LAMANG

Hindi ko alam kung ang gawaing ito ay makatulong sa panukalang RH Bill. Kinasanayan ko na kasi simula pa noong ako ay nasa kolehiyo palamang ang tumakbo tuwing umaga. Isang pamamaraan ko ito upang matanggal ang alibadbad sa aking isipan. At para na rin maalagaan ang kalusugan. Isa ang pagtakbo sa pinakamabisang paraan upang maiwasan ang malulubhang sakit. Kaya naman hanggang sa kasalukuyan ay napanatili ko ito. Lalong lalo na at patok na patok ngayon ang mga "fun runs".

Sa dami ng nahuhumaling dito ay biglang umiinit ngayon na libangan ang fun run. Halos linggo-linggo ay mayroong ganitong nagaganap. Kasing init ito ng panukalang RH bill na naisipan kong gawan ng tagline "BETTER LOTION THAN POPULATION EXPLOTION" na kasalukuyang pinag-uusapan sa kongreso at senado. At dahil bobo ako. Hindi ko tatalakayin ang tungkol dito masyadong sensitibo ito. Marami ang nagtataasang kilay kapay ito ay pinag-uusapan.

Kamakailan lang, aking napagtanto na ang pagtakbo ay maaring makatulong upang hindi na tataas pa ang populasyon ng ating bansa. Hindi natin maiiwasan na tumataas ang libido natin sa katawan. Kaya kadalasan sa mag-asawa, si misis ang napagbabalingan ni mister. Kaya ayun may panibagong bunso na naman. At sa mga binata naman si Marian Palad ang libangan. Pupunta sa banyo at magtikol. Madalas sa kumot na nga lang. Papatay na naman ng walang kamalay-malay na bata na maaring maging presidente balang araw.

Minsan ang init ng katawan ay hindi nadadaan sa ligo lamang. Kailangan mo itong ilabas. At total mapapagod ka rin lang naman kung sisiping ka kay misis na maaring ang kahahantungan ay ang panibagong bunso nga. O ang magtikol na tila pupulikatin ka para lang ilabas yang init sa katawan mo. Bakit hindi nalang subukang tumakbo sa tuwing nakakaramdam ka nito. Pagpapawisan ka rin lang kaya tumakbo ka na lang.

Huwebes, Marso 24, 2011

ARTE NYO! OGAG!

Ang pamagat at laman nito ay sarili kong bersyon sa narinig ko sa Top 10 ng The Morning Rush ni Chico Garcia and Delamar.

Sa araw-araw na ginawa ng Panginoon, dalawa hanggang apat na beses akong sumasakay ng pampasaherong dyip. At sa araw-araw na laman ako ng pampublikong sasakyan na ito ibat ibang klase ng tao. Ibat ibang pangyayari. Ibat ibang istorya. Ibat-ibang tsuper. Pero may isang kumon na salita akong sinasabi, ARTE MO/NYO!OGAG! Ito ang ilan sa mga tumatak na tagpo:

1. MAPANGMATANG ALE - Papasakay lamang ako nakita mo agad ako, sinundan mo ako ng tingin hanggang sa makaupo ako. Tinignan mo ako mula ulo hanggang paa at di ka pa nakontento bumalik pa ang tingin mo pataas hanggang sa magkatitigan tayo. Mukha akong gusgusin sa iyong paningin. Mukhang mandurukot. Tinaasan mo ako ng kilay sabay tago ng telepono mong Blackberry sa dala mong bag at isinukbit mo ito sa iyong balikat hudyat na nagdududa ka sa'kin. Sa puntong ito tinanong kita, bakit mam? Kamukha ko ba yung nandukot sa'yo? kung makatingin ka kulang na lang ipagsigawan mong mandurukot ako. ARTE MO! OGAG!

2. KONYONG ESTUDYANTENG BABAE - Malaporselana ang iyong kutis halatang laking aircon. Pagkasakay mo palang kilatis na agad kita. Mayaman ang iyong angkan at mukhang may respeto ka sa bawat tao sa dyip. Pero nung nagbayad ka ito ang iyong sibnabi "Mamang driver here is may bayad estujante po". Oo "j" talaga pagkabigkas mo. At di ka pa nakontento nung bumaba ka ang sabi mo pa "mamang driver para po jan sa corner". ARTE MO! OGAG! Oo nga't bata ka palang salitang Ingles na ang tinuturo sa'yo ng magulang mo dahil mayaman nga ang angkan n'yo pero hindi ba itinuro sa'yo ang kahalagahan ng salitang sariling atin? Oo nga't madalas Ingles ang gamit n'yong salita ng iyong mga kabarkada tuwing kayo ay nagkikita. Pero mahalaga pa rin ang pagsasalita ng tuwid na tagalog lalo kapag ikaw ay nasa pampublikong lugar.

3. TATLONG CALL CENTER GIRLS - di naman maikakaila na mga callgirls kayo dahil sa ang laki ng logo na nakalagay dyan sa id lace n'yo. Pero ang mag-usap kayo gamit ang salitang Ingles sa pampublikong dyip ay hindi kaayaaya. Oo na, magaling na kayo pero nakalimutan nyo po yata ang sinabi ng mga matatanda na "kung saan kayo magaling, gamitin ito sa magandang bagay na makakatulong at hindi magpahamak ng kapwa". Ingles nga kayo ng ingles pero ang pinaguusapan n'yo lang naman ay puro tsismis tungkol sa mga kaopisina n'yo. Hindi batayan ng pagiging matalino ang husay sa ingles dahil marami sa atin ang hindi nakapagaral pero maalam sa salitang banyaga. Maaring isa itong ugali nating mga pilipino na gusto ng ibang lahi madali tayong kausapin dahil sa kaalaman natin sa madaming lingwahe. Pero kung gusto n'yo lang ipaglandakan na nasa call sinner kayo nagtatrabaho, ANG ARTE N'YO! OGAG!

4. ATE NA BAGONG TUWID ANG BUHOK - Pagkasakay ko pansin ko agad yung tuwid mong buhok ate, tinignan kita at napansin mo akong tumingin sa'yo. Pagkatapos noon wala ka ng ibang ginawa kundi hawiin ng hawiin yang buhok mo. Sa ginagawa mo halos lahat ng taong nasa dyip ay napansin ka na. Yung ilang babae pa nga nagtaasan na ang kilay dahil sa ginagawa mong pagyayabang lang naman sa tuwid na tuwid mong buhok. Nung bumaba yung katabi ko lumipat ka ng upuan at tumabi sa'kin. Hindi ko alam kung nanadya ka dahil sa pagkakaiba ng buhok natin. Sa lakas ng hangin at kabilisan ng takbo ng dyip hinahampas hampas na ng buhok mo yung mukha ko. Sa una di ko pinansin pero makailang beses nangyari ang ganung tagpo. Hinahawi mo pa lalo yang buhok mo para matamaan talaga ako. Pumalag ako. Sabi ko sa'yo ARTE MO! OGAG! Ikaw kaya hampas-hampasin ng dreadlocks ko? Natakot ka yata at ayon itinali mo na ang iyong buhok.

5. ATE NA NAKA MINISKIRT NA TILA PAMALO NG DALAG ANG HITA - Ate naman may salamin naman siguro sa bahay n'yo. Hindi ko naman sinasabing nakakasama sa pagkatao mo ang pagsuot ng mini skirt ate. Hindi ako nangingialam doon. Ang akin lang naman, kung gusto mong matatakpan yang malapamalo ng dalag mong hita hanggang tuhod ay huwag na huwag ka ng magmimini skirt. Pakiusap lang. Hindi yung hilahin mo ng hilahin yang suot mo na tila gusto mo yatang umabot pa yan hanggang tuhod mo. Hindi ko alam kung nahihiya o naiinis ka sa'kin dahil napatitig ako sa hita mo. Nahihiya dahil nakikita ko yung anino ba yan o sadyang maitim lang yan kasuluksulukan mo dyan. Naiinis ka dahil nakita ko ang tinatago mo. ARTE MO! OGAG!

6. MANONG MANDURUKOT - Ang aura manong ramdam ko na, pagkapasok ko pa lang ng dyip. Ikaw yun, may gagawin kang hindi maganda. Hindi naman sa nanghuhusga ako. Medyo namumukhaan lang kasi kita e. Galit pa yung titig mo sa'kin nung sinulyapan kita. Marahil nakasabay mo na rin ako minsan? O naghihinala ka rin sa'kin? Na isa ako sa mga katulad mo. May kompetisyon ba? O di kaya tingin mo sa'kin mukha akong pumapalag. Manong nagmamasid lang ako, kung sa'kin mo gagawin natural papalag ako. Pero sa iba mo gagawin manunuod lang ako. Pero nakita mo akong nakatingin sa ginagawa mo nag-aalangan ka. ARTE MO! OGAG! Pinapanuod lang kita kung papaano mo gagawing dukutan yung estudyanteng taga San Beda Alabang. Hindi mo na itinuloy ang masamang balakin dahil nga nakatingin lang ako. Bago ako bumaba ng dyip binulungan kita "Manong ang hina mo". Nagpantig siguro ang tenga n'yo sa narinig galing sa'kin. Wala kang imik. Tinitigan mo lang ako ng masama. Pero kung kailan nakababa na ako saka mo ako tinuturo. Akala mo siguro natatakot ako. Binalikan ko yung dyip na hindi pa tumakbo. Hinamon kita na bumaba ka pero hindi mo ginawa. DUWAG MO! OGAG!

7. MANONG TSUPER - Alam ko naman po na naghahanap-buhay ka. Sana alam mo rin na naghahanap buhay kami. Ang siste kasi gusto mo lang kumita, bawat kanto hinihintuan mo. Pati yung mga naliligo pa sa mga bahay nila ay balak mo pa yatang hintayin. Ayus lang naman sa'kin dahil kaya ko naman na magtimpi sa mga katulad mo iniintindi ko kayo. Dahil sa marami yata kayong pamilyang binubuhay. Naiintindihan ko manong. Pero bakit ang mga pasakay lang na pasahero ang inaasikaso mo. Bakit yung mga pababa kahit nakailang para na ay tila wala kang naririnig. At kung sumigaw na sa galit sasabihin n'yo lang bawal magbaba dyan. ARTE MO! OGAG! Tangina ka! Yung mga kantong pinaghihintayan mo ng pasahero alam mong bawal magbaba at magsakay pero halos abutin ka ng 30 minutos sa paghintay ng pasahero. Hindi ba sumagi man lang sa isip mo na bawal doon magsakay at magbaba? O sadyang ganid ka lang? Tapos nung napuno na yung dyip mo dumaan ka pa ng gasolinahan para magpakarga. Tangina ka pala alam mong babyahe ka bakit di mo pinakargahan muna yang sasakyan mo. Ay pasensya na! Nagalit ako hindi ko naiisip baka hindi pinakargahan ng nirelyibuhan mo yang dyip na minamaneho mo. At naubos rin ang gasolina sa kakahintay mo ng pasahero. Gago ka kasi!


Mababaw lang kung maituturing ang mga bagay na ito. Maraming bagay akong dapat inaasikaso at pinagtutunan ng pansin. Pero karamihan sa'tin ay naranasan rin itong mga naranasan kong ito. Pero bakit nga ba may ganito pa sa huli? ANG ARTE MO JOEY! OGAG KA!

Miyerkules, Marso 23, 2011

ANG TAKBO NG PUSO (baduy mali-mali naman)

Ang pagtakbo ay mahahalintulad sa tuwing ikaw ay nagmamahal. Nakakaramdam ka ng pananabik sa umpisa. Napakasarap, sobrang sarap sa pakiramdam. Lahat ng nangyayari ay may MAGIC. Ngunit sa kalaunan makakaramdam ka na ng pagkahapo at sakit. Papasok sa isipan mo na dapat ka nalang tumigil at sumuko. Pero kung ang nasabing pagod at sakit ay iindahin, walang mangyayari. Maari ka namang magpahinga sandali hihinga ng malalim. Pagkatapos, magmahal ka muli. Siguradong sa pagkakataong ito masisiyahan ka na naman. May magic na uli. Yung pagod at sakit na naramdaman mo sa umpisa ay nalagpasan mo na. Tiyak hindi mo na iindahin ang mga iyon. Sasabihin mo nalang sa iyong sarili "napakasarap magmahal di na ako titigil pa".

Miyerkules, Marso 16, 2011

MANIBELA

Pangarap ko dati na maging isang sasakyan na panglupa na lamang dahil walang damdamin, hindi nasasaktan kahit ibangga sa kung saan-saan. Dinadala na lamang sa talyer upang ipaayos sa tuwing nasisira. Kahit sino pwedeng gumamit basta may lisensya. Pwede rin sumakay ang kahit na sino basta may pamasahe. Titigil kung inaapakan ang preno. Maaring bilisan maaari ring bagalan. At kung ito naman ay nabahiran ng dumi dadalhin mo lamang ito sa car wash upang linisin.

Pero ang tanong ko, "kung ako ba ay magiging sasakyan at ikaw ang may hawak at magmamaneho ng manibela nito ibabangga mo ba ako sa pader ng kabiguan?"

Sabado, Marso 12, 2011

TANG NA JUICE

Akda ni Carol Javier

Nakakabaliw,
Nakakaaliw,
Magliwaliw,
At maging agiw.
Sa buhay,
Sa bahay,
Tumatambay,
Nakakaumay.
Tamad,
Lumalapad,
Alibadbad,
May sayad.
Kahapon,
Itapon,
Ikahon,
Ibaon.
Lumaban
Kapalaran,
Buksan

Lunes, Pebrero 28, 2011

TAGLAMIG SA TAG-INIT

Umpisa na marahil ang tag-araw bukas
Pero tila taglamig ang aking nararamdaman
lalo pag sumasapit ang gabi
nang hindi kita kayakap at katabi

Biyernes, Pebrero 18, 2011

SA IYONG PAGLISAN (GALING SA ISA KONG BLOG)

Mahigit dalawang buwan na ang nakakalipas pero sariwa pa rin ang sugat, ramdam pa rin ang sakit sa iyong paglisan, paglisan na ni kailanman ay hindi na muling masisilayan. Palagi pa rin bumabalik sa aking alaala ang lahat ng pangyayari. Masakit di lang sa'kin kundi pati sa buong pamilya lalo sa mama at tita mo. Binigyan mo ng buhay ang buong bahay simula nung ikaw ay dumating. Ngunit ikaw pala ay sadyang saglit lang pinahiram sa amin para ituwid ang mga pagkakamali, pero bakit ikaw ang kailangan lumisan? Pwedeng naman andito ka lang kasama namin at ituwid ang ang pagkakamali at sabay tuparin ang mga plano sa buhay.

Tandang tanda ko pa nun, isang araw bago ang masakit na pangyayaring yun. Pumunta ako sa isang kaibigan upang i-repair ang dreadlocks nya. Nakasanayan ko itong gawin tuwing katapusan ng buwan upang manatiling maayos ang kanyang buhok. Masaya kaming nagkukwentuhan kasama ang mga pinsan n'ya habang kinakalikot ang dreadlocks may konting toma rin para lalong sumaya ang sisyon. Inabot ng gabi at di pa rin natapos ayusin ang dreadlocks kaya napagpasyahan namin na kinabukasan nalang ituloy. Habang nagpapahinga naisipang kong magbrowse sa internet at mag youtube. Hinanap ang mga "RnB" na mga awitin (Reggae na Bisaya). Pero di ko alam sa anong kadahilanan pero may nagtulak sa'kin i-play ang "Fireflies" ng isa sa hinahangaang banda sa Pilipinas ang Hemp Republic, may hipnotismo para sakin ang kantang ito dahil na rin sa gandang ng beat at ng basslines nito. Napadami na ang mga kantang napanuod at napakinggan ko kaya napagpasyahan kong lumagok ulit ng beer upang dalawin ng antok.

Habang nagmumuni muni at lumalagok ng beer nakatanggap ako ng tawag galing sa Pilipinas, si nanay ang nasa kabilang linya at naghayag ng mga hinaing nya tungkol sa isa pang pangagrabyado ko sa isang buhay na iniwan ko. Habang kausap ko si nanay ay naririnig ko ang boses ng aking munting anghel na tumatawa. Tawa na madalas kong nadidinig sa tuwing tumatawag sa akin kahit sino man sa pamilya. Tawa na sa telepono ko pa lang nadidinig at hindi pa nasisilayan ng personal mula nung siya ay isinilang. Tawa, na sa tagpong iyon ay ang huling tawa na pala maririnig ko mula sa kanya.

Kinabukasan, (June 1) nagising ako sa sikat ng araw na pumasok sa bintana dahil medyo nakalihis ang kurtina. Masaya ang gising ko nung umagang 'yun may ngiti sa mga labi, nag unat at binati ang sarili ng magandang umaga at binigkas ang katagang Ohhhh June 1 what's in store for me today? Gising na rin ang tropa at nag yayang magkape, nagyosi at inumpisahan ulit ang session ng pagdreadlocks hanggang sa matapos ito. Natapos ang sisyon at napagpasyahan ng aking kaibigan na ihatid nalang ako sa bahay para hindi na gumastos ng pamasahe. Bago ako hinatid dumaan muna kami sa opisina nya at kinuha ang schedule ng trabahong gagawin sa araw na yun.

Masaya kaming nagkukwentuhan sa sasakyan at tinawagan namin ang isang tropa at kinakamusta sa bago nyang napasukang trabaho. Mismong tagpong yun nakatanggap ako ng tawag galing sa Pilipinas, Si irog ang nasa kabilang linya umiiyak habang binibigkas ang katagang "daddy, sorry wala na si baby". Para akong sinakluban ng mundo sa balitang yun. Alam kong hindi nagbibiro si irog ng ganun. Gusto kong tumalon sa sasakyan ng mga oras na na yun wala na ako sa katinuan dahil sa narinig. Pinapakalma akong ng aking kaibigan pero nangingibabaw pa rin ang sakit ng aking nararamdaman.

Masakit ang nangyari dahil ni minsan di ko man lang naransang makarga ang anak, hindi narinig ang unang iyak, hindi nasilayan ang una nyang ngiti, hindi nakita ang unang ngiping tumubo. Lahat ng pinangarap at dapat maransan ng isang ama ay di ko man lang naranasan sa kanya ganun din sya sakin. Lumisan siyang di nangyari samin ang ganung tagpo bilang mag ama. Alam ko kailangan tanggapin ito, pero habang nilalabanan ko na wag magpadala sa emosyon, dumadami ang mga bagay bagay ang pumapasok sa aking isipan. Kasama na dun ang panghihinayang at pagsisisi sa mga naging desisyong ko sa buhay. Mga bagay bagay na aking nagawa at di ko nagawa. Aminado akong masyado akong nagpatihulog at nilamon ng sistema ng buhay ko kaya binawi agad ang munting anghel. Kagustuhan ng nasa itaas ang nangyari, kinalabit lang siguro ako upang magising na at ituwid ang nalihis na buhay.

Miyerkules, Pebrero 16, 2011

SARILING KALIGAYAHAN

Manatili ka nalang bang nag-iisa?
Sa buhay at ayaw mo ng katuwang?
Dahil kaya mo at alam mo
Kung papaano lumigaya ang iyong sarili?

Oo kaya mong abutin ang kaligayahan na iyon
At di mo kailangan ng ibang tao para dito.
Pero may pagkakataon sa ating buhay
Kailangan natin ng karamay at masasandalan.

Lalo kapag ang inaasam na kaligayahan
tila hinahadlangan ng makakapal na pader
na di mo kayang tibagin mag-isa.
'Wag kang magmatigas lumigaya kang may karamay

DSC_0208

Martes, Pebrero 15, 2011

ANG BUHAY AY PARANG SINIGANG

Marami sa atin ang sobrang abala sa paghahanapbuhay, kayod sa umaga kayod sa gabi upang maitawid lang ang pamilya sa ara-araw. At dahil dito, kadalasan nakakalimutan na natin ang ating sariling kalusugan. May ilan sa atin na binabalewala lamang ang pagtulog makapaghanapbuhay lang at kapag pinagsabihan mo sasagutin ka lang ng DI BALE NG WALANG TULOG KAYSA WALANG GISING.

Kung mayroong biniyayaan ng sobang kasipagan mayroon namang saksakan ng katamaran na walang ginagawa sa buhay kundi lumamon lang at matulog ang ginagawa sa buhay. At kung pinagsasabihan mo, ito naman ang isasagot sa'yo "DI BALE NG TAMAD, HINDI NAMAN PAGOD".

Pero kagabi pagdating ko sa bahay napanuod ko sa balita ang tungkol sa pagkakaroon ng sapat na tulog. Kailangan ng ating katawan ito upang maiwasan ang mga malulubhang sakit tulad ng stroke at atake sa puso. Ayun sa pag-aaral kapag kumulang daw sa anim na oras ang pagtulog mo ay may 48% ang posibilidad na aatakihin ka sa puso at 15% naman ang posibilidad na ma-stroke ka. At para sa sinaksakan ng katamaran sa katawan na higit sa walong oras kung matulog sa isang araw sana naman ay masindak na kayo dahil nanganganib rin yang buhay nyong iyan. Dahil ayun rin sa pag-aaral na nabanggit sa balita, ang sobrang tulog ay mayroong 65% ang posibilidad na ma-stroke at 38% posibilidad aatakihin ka sa puso. Lahat nga naman talaga ng sobra at kulang ay hindi maganda sa buhay ng tao.

Habang pinapanuod ko ang balitang iyon naglalaro na sa aking kamalayan ang tungkol sa paghahambing ng buhay ng tao sa paboritong ulam nating mga Pinoy, ang SINIGANG. Ayun sa paghahambing Ang buhay parang sinigang lang yan. Dapat sakto lang. Dahil kapag kulang sa asim nilaga ang kakalabasan at kapag nasobrahan naman sa asim paksiw ang kalalabasan nito.

Biyernes, Pebrero 11, 2011

BACHURGI



Nakasalubong ko lamang ang salitang ito sa pahina ni Banjo habang ninanais kong mag-iwan ng puna sa isa n'yang lathala. Di ako sigurado pero parang narinig ko na ang salitang ito sa kung saan ay hindi ko alam. Kung kasama man ito sa diksyonaryo ng mga salitang bading, ano kaya ang ibig sabihin nito sa lingwahe nila?

Sumakit ang aking ulo sa kakaisip ng aking sariling bersyon ng maaring ibig sabihin ng salitang Bachurgi. Pasensya na kayo at ito lang ang tanging nakayanan ng utak ni Joey.

"BACHURGI" BAKLANG CHUMURVA RUMEKTA KASO NALUGI

Huwebes, Pebrero 10, 2011

NAPANSIN KO LANG

Patok ngayon ang larong football sa bansa dahil sa kupunan ng Azkals. Pumukaw sa aking atensyon itong si Phil Younghusband dahil hindi lang ang mga babae mapabata man o matanda ang nahuhumaling sa taglay nitong kagandahang lalaki at sa husay nitong maglaro pati ang mga bakla ay tinitilian s'ya. Ang sabi nga nung isa kong kaibigan "laglag panty ikot bra" nga raw itong si Younghusband na ito. At habang nanunuod ng laban nila dumating ako sa punto upang maanalisa ang isang bagay. Kapag nakatalikod pala s'ya at nakadreadlocks, MAGKAHAWIG pala kami. Nagkakatalo lang sa kulay at tangkad.

Martes, Pebrero 8, 2011

GOOGLE IS SOMETIME A MOLECULE PLASTIC

Talaga bang ang tagalog ng Dolphin ay Lumba-lumba? Di kasi ako kumbinsido kay pareng google. Imbis na makasigurado ay lalo lang akong nagdududa kay google dahil sinubukan kong isalin sa wikang Pilipino ang seahorse, ang lumabas "dagat kabayo". Pero sa kabilang banda may tama naman siya eh kasi kung gawin mo itong kabayong dagat at isasalin sa salitang Ingles ay magiging "horsesea". Naguguluhan lalo ang mga hibla ng dreadlocks ko kaya nagpasya akong maghanap pa ng iba pang salita na bihira kong madinig sa pang araw-araw, yung tipong kailangan mo pang hanapain ang tunay na kahulugan nito. Pero papaano ka pa maging kumbinsido kung ganito ang lumabas sa salitang nais mong isalin sa wikang Pilipino? Molecule mad - Titing galit na galit aysus! Makailang beses ko na ring sinubukan ito. Nagbabakasakaling magbago pa ang kahulugan ng molecule mad. Baka kasi nagkamali lang ang mga may hayop na may pakana ng lahat ng kabulastugan na ito.

ANGELO REYES

Kinikilabutan ako ng marinig ko ang balita tungkol sa pagkamatay ng dating Hepe ng sandatahang lakas ng ating bansa na si Angelo Reyes. Maaring hindi na n'ya kinaya ang mga anumalyang pinupukol sa kanya sa kasalukuyan. Narinig ko lang din sa balita kahapon na hindi na ito sumisipot sa mga pagdidinig sa senado tungkol sa kaso.

Marami ngayong katanungan na di lang ako ang naghahanap ng kasagutan kundi pati ang iba pa nating mga kababayan. Bakit s'ya pinanghinaan ng loob sa pagkakataong ito? Ano kaya ang gusto n'yang ipahiwatig? Inaakusahan pa lamang ang heneral kahit masasabi nating maraming tao ang kayang magpapatunay tungkol sa anumalya pero patuloy pa lamang itong sinisiyasat.

Pananaw ko lamang ito at alam kong kayo rin ay may sariling pananaw tungkol dito. Gusto ko lang malaman ang katotohan tungkol dito dahil di ito patas sa iba pang mga sundalo na nagbubuwis ng buhay sa Mindanao habang ang mga matataas na opisyal nila ay nagpapakasasa kuno sa kayamanan na may natanggap raw na pasalubong at pabaon habang sila kahit sapatos di kayang punduhan pero patuloy na nakikipaglaban at nanatiling tapat sa serbisyo.

Anong nga ba ang dahilan sa likod ng pagkamatay ni Angelo Reyes? Guilty nga ba s'ya sa mga pinaratang sa kanya? Ngayon sa pagkawala n'ya ano ang patutunguhan ng pagsisiyasat? Sino ang paparusahan kung guilty ang hatol sa dating Heneral ngayon patay na s'ya? At kanino naman kaya isisi ng pamilya na naiwan ni Reyes ang nangyari sa dating Heneral?

Linggo, Pebrero 6, 2011

TAKBO PARA SA MGA DOLPHINS (THE CONDURA SKYWAY MARATHON)

Nitong nakaraang linggo, sa pangalawang pagkakataon sumali ako sa isang "fun run/ marathon". Ito yung sa Condura Skyway Marathon hangarin nitong maipagtanggol ang mga nanganganib na mga dolphins. Nasa humigit kumulang sa labintatlong libo katao ang nakilahok dito. Maliban sa pagtatanggol ng mga dolphins ang isa ko pang hangarin dito ay ang malagapasan ang 30 minutos na naitala ko sa kategoryang 5k noong unang fun run na aking sinalihan. At sa awa ng Panginoon nagawa ko naman itong malagpasan dahil natapos ko ang 5k sa loob lang ng 27 minutos. Enero palang nagumpisa na akong magsanay tumakbo di lang para paghandaan ang kaganapang iyon kundi para na rin maging malusog ang pangangatawan dahil ayon sa pag-aaral nakakatulong daw ang pagtakbo upang mapangalagaan ang ating puso at baga.

Sa nasabing kaganapan may ilang bagay lang akong napansin sa ilang lumahok dito. Una, may mga hinimatay. Ang pagtakbo ng mahaba ay di birong bagay kailangan natin dito ang preparasyon, ensayo dalawa hanggang apat na beses sa isang linggo dalawang buwan bago ang takbo upang masanay ang iyong katawan. Porke ba uso ang ganitong uri ng libangan ay makikiuso ka na rin? Isang malaking pagkakamali ang sumalang agad kung naisipan lang. Ensayo muna at patingin sa doktor kung akma ba ito sa'yo.

Pangalawa, Ilang araw bago maganap ang Marathon na iyon may mga pinadalang mga alituntunin ang mga may pakana nito sa pamamagitan ng email. Nakalagay doon ang mga dapat at hindi dapat gawin sa race area. Pero bakit marami pa ring hindi sumusunod? Dahil ba naturingan tayong Pilipino ay garapalan nalang din nating gawin ang mga nakasanayan na hindi naman dapat gawin?

Pangatlo, lahat kaya ng lumahok ay alam ang hangarin kung bakit sila naroon? Kung oo, aba'y maganda yan pero bakit ang pinag-inuman na plastic na baso sa mga water stations ay tapon dito at tapon doon ang eksena? Dahil ba para sa mga dolphins na nasa karagatan ang ginawa natin e pabayaan natin ang mga nilalang na nasa lupa? O simplihan natin, delikado ang mga basong iyon sa mga kapwa natin tumatakbo dahil may mga laman pa itong kaunting tubig na maaring magpapadulas ng daanan o yung baso mismo kung maapakan. Pati na rin yung mga plastic ng freebies na binibigay ng mga sponsors na hindi rin nag-iisip na numero uno ang plastic na lubos na makakasira ng mundo.

Kahit may mga ganong pangyayari ay matagumpay namang naidaos ang nasabing marathon. Sana sa susunod mayroon namang fun run/marathon na para sa mga buwaya. BUWAYA NG LIPUNAN

Photobucket

Martes, Pebrero 1, 2011

PASISIKATIN N'YA AKO

Noong nakaraang gabi naisipan kong silipin sandali ang aking Facebook upang makibalita sa mga kaibigan kung ano ang bago. May nakita akong mensahe mula sa isang kakilalang medyo may katagalan nang hindi nakikita.

Si Kuya Ricky, dati kong kasama sa bahay noong minsang ako'y sa Gitnang Silangan pa naghahanap-buhay. Bago pumuntang Gitnang Silangan ni kuya Ricky ay dati syang namamasukan bilang Talent Coordinator, may kridibilidad s'yang tao pagdating sa trabaho at pagiging isang kaibigan pero syempre di mawala ang pagiging bolero pagdating sa mga babae. Naikwento n'ya lahat tungkol sa trabaho n'ya noong araw at kung papaano nila nagawa ang ilan sa mga sikat pelikula lalo ang Machete ni Gardo at Osang. Bilang isang dating nagtatrabaho sa pelikula at telebisyon ay napakahusay nitong kumilatis ng mga taong pwedeng maging karakter sa isang pelikula.

Pero Setyembre noong nakaraang taon ay napagpasyahan namin parehas na umuwi na lang ng Pilipinas at dito nalang makikipagsapalaran pero simula noon di na kami ulit nagkita kahit kaunting kamustahan man lang sa facebook ay wala na. Kaya laking gulat ko nalang na may mensahe akong natanggap galing sa kanya. Ito ang mensahe nya:

Pwede ka bang Rapist? Kailangan ko sana eh. Magmessage ka lang ha. Seryoso.


Nanlamig ako bigla. Tila tumigil ang pag-ikot ng mundo. Lahat ng nakikita ko ay puro liwanag. At tanging hiyawan ng maraming tao ang aking naririnig ng may bigla tumapik sa aking batok at sumigaw HOY ANO'NG NANGYAYARI SA'YO?! Nahimasmasan ako, napakaaga masyado ng aking pagdiriwang. Lahat ng nasa utak ko ay ang pagiging uhaw lamang sa kasikatan at di ko man lang muna pinagnilaynilayan ang nabasa kong mensahe.
Ito naman ang tugon ko kay kuya Ricky:
PARA BA ITO SA PALABAS SA TV O SA TOTOONG BUHAY?

Nakakatawa ang mundo! Nung ako'y nag-aaral pa lamang sa kolehiyo madalas akong kalbo kaya madalas akong napagkakamalang holdaper tapos ngayong nakadreadlocks na ako manggagahasa naman. May antas pala ang kalidad ng pagkakaroon ko ng istilo ng buhok. ANG KATI SA ANIT.

Linggo, Enero 30, 2011

ANG MGA BABAENG NAGPAPANTASYA SA AKIN

Dahil sa naunang lathala bago itong kasalukuyan ninyong binabasa pinuputakte at pinaulanan ng galit at sama ng loob ang inyong lingkod. Pero ang galit at sama ng loob na ito ay hindi galing sa mga dilag na pinaparinggan ko sa nasabing lathala kundi ito'y galing sa mga babaeng nagpapantasya sa akin at nag-aasam na maangkin at matikman ang malainukit kong pangangatawan. Bakit di nalang daw sila ang pagpapantasyahan ko at wag nang sayangin ang panahon sa kakapantasya sa mga babaeng hindi interesado sa akin. Ngunit nang sagutin ko sila ng pabalang na "Kapag nangyari yang kagustuhan ninyo hindi na mabubuo ang tinatawag nilang food chain" ay lalo silang nagngitngit sa galit at pinagbantaan ako. Ito ang banta nila sa akin: JOEY DARATING RIN ANG ARAW NA TANGING MUKHA MO NALANG ANG MAGAGALIT SA'YO AT SA ARAW RIN NA IYON TIYAK BALAHIBO MO NA LANG ANG TATAYO SA'YO.

Nakakasindak ang mga katagang 'yan, ano nalang ang gagawin ko kapag dumating ang araw na mangyari ang sinasabi nila.

Biyernes, Enero 28, 2011

MGA BABAE SA AKING PANTASYA

Ang mensaheng ito ay para sa inyong
mga dilag na aking pinapangarap.
Marahil ni sa panaginip ay di ko
kayo magawang mahagilap upang makasama
kaya titingala na lang ako sa kalangitan
at makontento na lang sa pagbulong ng
"DARATING DIN ANG ARAW NA LUHA NALANG
ANG KAKATAS SA INYO"

Martes, Enero 25, 2011

BOMBAHAN NAMAN NGAYON

Ilang araw pa lang ang nakakalipas nung kumalat sa radyo at telebisyon ang kahindikdik na balita tungkol sa krimen di lang pangangarnap kundi pangingidnap at pagpatay sa ilan sa mga negosyante ng mga segunda manong sasakyan. Hanggang sa kasalukuyan di pa rin mawaglit sa isipan ng sambayan sa kalunoslunos na pangyayaring iyon marahil hindi pa tapos ang pagsisiyasat sa kaso at hanggang sa kasalukuyan ay di pa rin nahuli ang ilan sa mga utak ng krimen. Patuloy pa rin itong bukambibig ng mga Reporter sa radyo at telebisyon mapaumaga, tanghali at lalong lalo na sa gabi.

Di pa man tapos ang nakaraang dagok ay ito na naman tayo sa panibagong delubyo. Ang nauulat na pagsabog ng isang pampublikong bus na byaheng EDSA na kung saan 2 ang naiulat na nasawi at di bababa sa 17 ang sugatan. Sino ang may kagagawan nito? Terrorista ba? O baka ang mga taong sangkot lang din sa krimen na nangyari nitong nakaraang linggo na aking nabanggit sa itaas para lang maibaon yon sa limot dahil masyado na itong "talk of the town".

Puro nalang negatibo ang mga laman ng balita ngayon. Pagkatapos ng pangangarnap at patayan, bombahan naman ngayon? Di ba pwedeng MAGMAHALAN nalang tayong mga Pilipino? Ang sarap sa tenga kung ganito ang magiging laman ng balita "MAY PAG-IBIG SUMABOG SA KANTO NG BUENDIA AT EDSA APAT ANG LUBHANG NATAMAAN AT SA KASALUKUYAN SILA AY NAGMAMAHALAN"

Miyerkules, Enero 19, 2011

ULAN

Mainit na champorado, umuusok, may kasamang tuyo. Yan ang nais ko ngayong malamig at maulang araw na ito. Masarap din maglakad sa labas. Basa at matubig ang daanan. Marami kang makikitang may dalang payong panangga laban sa ulan dahil ayaw nilang magkasakit. Pero di ba ang sarap mabasa ng ulan?

Manunumbalik sa iyong ala-ala ang mga pangyayari nung ikaw ay bata pa. Wala pang malay sa mga pangyayari at riyalidad ng ng buhay at lipunan. Nung panahon na pag may problema o nadapa ka. Umiiyak. Nariyan lang si inay mo at pupunasan ang mga luhang dumadaloy sa iyong pisngi. At gagamutin ang kung ano mang sugat na iyong natamo sa iyong pagkadapa.

Ang maglalakad sa ilalim ng malakas na ulan ay maituturing kong isa sa mga maraming paraan upang takasan saglit ang kasalukuyan. Pagtakas hindi para talikuran ng tuluyan. Kundi para magkaroon ng tapang upang harapin muli ang mga hamon ng kinabukasan. Dahil sa tumataas na ang antas ng pang-unawa natin sa mga pangyayaring nagaganap sa ating buhay at sa lipunan. Tumataas rin ang antas ng hamon at pagsubok na ating kaharapin sa kinabukasan.

Dahil dito tataas rin ang posibilidad na tayo ay madapa at masugatan. Pagkadapa na tanging sarili mo lang ang maaaring tutulong at aalalay sa'yo. Pagkasugat na tanging ikaw mismo ang gagamot upang maghilom ito at upang mapawi ang hapdi at sakit na nararamdaman. Malaki ka na. Nariyan nga si inay pero marami ring mas mabibigat na pagsubok ang nilalabanan nya sa ngayon. Ang tangi nya lang maibigay sayo ay ang payo at pagkalinga. Payo at pagkalinga sa isang anak na naghahangad ng gabay ng isang ina.


Hanggang diyan nalang yan dahil napansin ko papalayo na ng papalayo ang sinasabi ko.
Napansin mo? Mula sa champorado napunta sa ulan. Naging payong. Napunta sa pagkabata. Nadapa. Naging problema na naging nanay? Ang lalyo na diba? Pero salamat sa pagbabasa :D inom ka nalang ng biogesic pagkauwi mo sa bahay kung ikaw ay naulanan baka magkasakit. At wag kalimutan ang champorado na may tuyo masarap yun :D

Linggo, Enero 16, 2011

ANG LEO NAGKACANCER

Marahil di na lingid sa ating kaalaman ang pagbabagong naganap sa ating mga Zodiac Signs na simulat sapul nung tayoy pinanganak ay atin ng kinagisnan. Ang nasabing pagbabago ay dahil daw yung sa pagbalentong ng mundo sa kanyang kinasanayang daanan na syang nagdulot ng isang buwang pag usog ng mga bituin.

Marami ang nagulat at hindi sumang ayon sa nangyari dahil ang ating kinasanayang Zodiac Signs mula nung pagkabata ang syang naging basehan ng karamihan sa atin ng ating pagkatao kung papano tayo umasta at makipaghalobilo sa karamihan. Meron namang iba na balewala lang, kumbaga "wa paki". Ano nga ba ang magiging epekto ng pagbabagong ito sa ating pagkatao? Ako? Hindi ko rin alam.

Ang nakatawag lang pansin at kumiliti sa aking isipan ay ang napakaimposibleng "PAGBABAGO" na naganap. Sino sa atin ang magaakalang mangyayari ito? Muling nanumbalik sa aking isipan ang kasabihang walang permanenteng bagay sa mundo kundi ang pagbabago. Ngunit pwede rin natin itong salungatin, e bakit ang uwak di pa rin pumuputi? O yung tagak bakit di parin umiitim? E bakit ako di pa rin ako pumuputi kahit nag o-OLAY na ako? Ang pagbabago ay maaring mangyari ng di inaasahan tulad ng nangyari sa ating Zodiac Sign at pwede ring mangyari ang pagbabago kung ating nanaisin. Ngunit pano nga ba uumpisahan ang pagbabagong nais nating gawin? Yung mga pagbabagong pansarili, para sa ibang tao o yung para sa karamihan?

Pero pagtuunan nalang nating ng pansin ang pansariling pagbabago wag nalang yung para sa lipunan (na nangyayari lamang sa listahan at sa dila ng mga buwayang pulitiko pag parating na ang halalan). Magumpisa muna tayo sa maliit, sa sarili natin dahil ito ang maituturing nating mahirap na kalaban. Posible nga bang mangyari ang ninanais na pagbabago sa sarili? Ang sagot? Dalawang bilog lang OO. Basta gustuhin mo! Yung Zodiac Sign nga na imposibleng magbago, nagbago! Ikaw pa kaya.

Pero teka ano nga ba ang silbi ng pinagsusulat ko nito? Wala! Walang silbi to!Nagsasayang ka lang ng oras sa pagbabasa nito dahil kahit ako di ko alam pinagsasabi ko.