Lunes, Disyembre 5, 2011

KUNG SAAN NAGTATAGPO ANG LANGIT AT LUPA

doo'y malayang dinadaloy
at hinahalikan ng tubig
ang bawat biyak ng lupa.
lagaslas at lamig na dampi
ng sariwang kristal
pumapawi sa matinding uhaw

doo'y marahang dinuduyan
ng mga mala-sutlang ulap
ang mga dahong nagsisiping.
kumikinang na pawis
ng giniginaw na hamog
ang umaangkin
sa mapagparayang gubat

doo'y dagliang naitataboy
ng ligaya ang kalungkutan.
sa tuwing yumuyuko ang langit
at tumitingala ang lupa
lasap ang asam na tamis
mula sa pusod ng diwa

7 komento: