Martes, Disyembre 20, 2011

HINIGUGMA: GAHAPON, KARON OG UGMA

(handog kay Carol Javier)

sa babaing minahal
ko kahapon

binagtas ko ang abenida
patungo sa tanging tudla
at nag-iisang pangarap,
ang iyong puso

gabay ang liwanag
ng bulag na kidlat
na tumatagos sa ulap
at dagundong ng piping kulog
na umalingawngaw sa kabundukan

sa pagtingkad
ng kulay ng umaga
sabay nating niyakap
ang mga tinik
ng nadadarang na gunita

sa karimlan ng gabi
sabay nating binaybay
ang dalampasigan
na nilamon ng daluyong

sumugal tayo't hindi umurong
ating nilasap
ang magkahalong pait at tamis
na lasa ng pag-ibig
ningas ng pagtangi
ang tumupok sa lahat
ng pag-alinlangan

sa babaing minamahal ko
sa kasalukuyan

malayo-layo na
ang ating paglalakbay
sa 'di tiyak na buhay
unti-unting nabubura
ang daluyong sa alaala

lulan sa bangka
na niyayapos ng sinag ng buwan
at dinuduyan ng nagniningning
na mga bituin sa kalangitan

minamasdan natin
ang agos ng mga mukha
ng sari-saring alon,
payapa't mapupusok

nakikiramdam tayo
sa pinapahiwatig ng hangin
mulang katimugan,
banayad at minsa'y humahagupit

magkahalong lamig at lagkit
ang nasok sa damdamin
habang unti-unting
inaanod ng mga pawis
ang mga gapnod
na lumulutang sa haraya


sa babaing mamahalin
ko bukas

ating dudungawin
ang bukang-liwayway
sa pagkupas
ng kulay ng gabi

tangan ang kamay
ng isa't-isa
ating kukulayan
ang paparating
na umaga

at sa bawat andap
ng kulay-lilang gunita
sa ating isipan
tamis ng halik
ang pipigil sa pagdapo nito

at sa bawat hungkag na sulok
ng ating mga damdamin
mainit na yakap
ang pupuno sa bawat espasyo

kung sakaling mahapo
sa mahabang paglalakbay
ating hahayaan ang pag-ibig
ang magiging gasolina
sa mga pusong maghahatid
sa atin patungo
sa landas kung saan
nagtatago ang galak at ligaya

----------------
ito'y opisyal na lahok sa patimpalak ni GasDude sa pagdiriwang ng anibersaryo ng kanyang sangtwaryo.

12 komento:

  1. kay ganda ng iyong handog
    nawa'y mabasa ng iyong iniirog

    My recent post Bangungot ng Bagyong Sendong

    TumugonBurahin
  2. ibang klase ka talaga kung magsulat.....galing.....akala ko walang salita na gasolina.....nasa may huli na pala....

    TumugonBurahin
  3. matagal-tagal na rin ata 'kong hindi nakakapagsulat ng matinong tula. okey 'yung hagod ng mga taludtod. hindi ko alam kung magkakaibang babae 'yang minahal mo kahapon, ngayon, at bukas pero mas okey sa olrayt kung iisa lang silang lahat. hehehe.

    merikrismashapinuyirhapitrikingshapibalemtayms, pareng joey! \m/

    TumugonBurahin
  4. ganda! istorya ng pag-ibig noon, ngayon at bukas.

    TumugonBurahin
  5. oy,joey! ikaw na ang mapagmahal. happy new year, bro! sa'yo at sa lahat ng mahal mo. goodluck!

    TumugonBurahin
  6. luuuuuuuh. Hangsweet naman nito Sir Joey. Sana susunod tula na pang ama naman. ;D hMMMNN, PANO KAYA MGA LINTANYA NYO DON? MWEHEHE

    TumugonBurahin
  7. After more than a month of reading and putting scores on each entry, FINALLY! Check my blog for the list of winners. Salamat sa paglahok at pagsuporta sa aking munting patimpalak. :)

    TumugonBurahin
  8. sa pamagat pa lang, pagkain na ng diwa, para sa 'yong hinigugma.. hindi na siya magugutom.. tapos 'yung laman ng tula mo, 'yun 'yung armor niya laban sa marahas at mapanlinlang na paligid.. hinding-hindi na siya maaano, kagahapon, karon, ug ugma.. good luck sayo adre..

    TumugonBurahin
  9. ito ang dahilan kung bakit kita idol!

    TumugonBurahin