Huwebes, Oktubre 6, 2011

TUWING UMUULAN AT KAPILING KA

KAHAPON. Masaya kaming nakahiga sa papag ng aking asawa sa loob ng bahay habang nakikinig ng mga awitin. Sa labas nama’y sumasayaw sa ritmo ng tugtog ang pagbuhos ng malakas na ulan. At sa bawat indayog nito ay isa-isang naalis ang mga alikabok na nagkukubli at naninirahan sa mga dahon ng mayayabong na mga halaman at sa makukulay na bubong ng mga kabahayan. Habang dahan-dahang lumulubog sa baha ang buong kapaligiran ay unti-unti ring nababalot ng pangamba’t pag-aalala ang aming mga damdamin.

May natanggap akong mensahe mula sa ahensiyang nag-aasikaso ng aking mga papeles papuntang Dubai. Dumating na raw ang aking employment visa at kailangan ko raw magpunta sa kanilang tanggapan upang lagdaan ang iba pang mga dokumento. Habang binabasa namin ng aking asawa ang mensahe na ‘yon ay tila tumigil sa pag-ikot ang mundo. Ang kaninang masaya at nagungusap na mga tingin ngayo’y nanamlay. Ang kaninang matatamis na mga ngiti ngayo’y tumabang. Ang kaninang makulay na hinagap ngayo’y kumupas. Ang kaninang mainit na damdamin ngayo’y natuyo at nanlamig. Dumaloy ang luha. Tuluyan na kaming tinangay ng rumaragasang kalungkutan.


pagmasdan ang ulan unti-unting tumitila
ikaw ri’y magpapaalam na
maari bang minsan pa
mahagkan ka’t maiduyan ka
sakbibi ka’t ulan lamang ang saksi?


Nanggagatong pa sa aming kalungkutan ang mga lirikong binibigkas sa awiting tumutugtog. Tumila na ang ulan subalit ang mga luha namin ay patuloy pa ring dumadaloy. Pero bago pa man tuluyang anurin ng  luha ang mga binhi ng pag-asa at mga pangarap ay isa-isa namin itong inipon at ikinahon. Niyakap ko s’ya ng mahigpit. Hinalikan sa noo’t labi. Pinunasan ang mga luha. Hinawakan ko ang kanyang tiyan at dinama ang buhay sa kanyang sinapupunan. Ang nanamlay na mga tingin ay muling sumaya at nangungusap. Ang tumabang na ngiti ay nanumbalik ang tamis. Ang kumupas na hinagap ay unti-unting tumitingkad. At ang natuyo at nanlamig na damdamin ay dahan-dahan nag-aalab. Tinangay na ng mga luha ang bumabalot na kalungkutan.

Dumating na ang takdang araw ng aking paglisan. Baon ang mga binhi ng pag-asa at pangarap kasama ang matatag na kalooban, pagsisikap at masasayang alaala – ito ang mga laman ng dala kong maleta. Bilang pamamaalam , mahigpit kong niyakap ang aking asawa at nangakong ako’y magbabalik sa piling n’ya. Nagpaalam din ako sa magiging anak naming nasa kanyang sinapupunan pa lamang. Pilit kong inihakbang ang aking mga paa. Habang ako’y naglalakad papalayo ay damang-dama ko ang matinding pagkalingaw. Dama ko rin na hinahatid ako ng aking asawa ng kanyang malulungkot na tingin at nangangambang isipan.

Malalim na ang gabi nang ako’y dumating sa Dubai. Makapal na alikabok at matinding init ang sa aki’y sumalubong. Alikabok na pilit pumapatay sa maliwang na hinagap. Matinding init na nagpapaliyab sa ningas ng pangungulila at kalungkutan. Magdamag akong tulala at wala sa sarili. Nais kong sumabay sa aking isipan lumipad pabalik sa Pilipinas. Pakiramdam ko hindi ko kayang mabuhay. Pakiramdam ko talo na ako. Tuyong-tuyo na ang aking damdamin. Blangko na rin ang aking isipan. Tuluyan na akong nilamon ng nagliliyab na kalungkutan.

Lumipas ang mga araw at unti-unti na akong nasasanay. Maliban sa pagiging abala sa paghahanapbuhay, may nahanap akong sandata upang gawing sandalan sa tuwing ako’y dinadapuan ng kalungkutan – ang pagdadasal. Hindi ko na alintana ang matatayog na kabundukan, malalim na karagatan at malawak na himpapawid na s’yang namamagitan sa amin ng aking asawa. Muling nanumbalik ang aking sigla. Nagliwanag ang hinagap. Naging malinaw muli ang ang mga pangarap. At pakiramdam ko ay mas abot-kamay ko na ang mga pangarap na ito nang nalaman kong isinilang na ng aking asawa ang una naming anak. Di matatawarang pananabik ang sa aki’y nananahan.

Mangilan-ngilang tag-init at taglamig pa ang nagsalitan. Araw-araw akong nag-aabang sa pagsikat at paglubog ng araw. Patuloy pa rin akong nakikipagbuno sa hamon ng buhay. Hindi ko na namalayang malapit nang makalbo ang kalendaryo. Ilang pagpilas na lamang ng mga pahina nito at ako’y makakauwi na ng Pilipinas. Muli ko nang makakapiling ang aking kabiyak at sa unang pagkakataon ay mayayakap at makakarga ko na ang aming anak. Ngunit sadya yatang mapagbiro ang tadhana. Kung kailan ka lumalangoy sa alapaap ng kaligayahan at pananabik ay saka ka naman pupukulin upang bumagsak at sumadsad sa matinding pagkalugmok. Tumawag sa akin ang aking asawa upang ipaalam ang hindi magandang balita. Sa kabilang linya ang bulalas n’ya, ang ating anak ay pumanaw na. Sa aking narinig pakiramdam ko ay naiipit ako sa pagitan ng naggigitgitang langit at lupa. Wala akong ibang nakita kundi kadiliman. Wala akong natatanaw kundi ang punit-punit kong diwa. Lungkot at sakit ang sa aki’y namayani. Pumanaw ang aming anak na hindi ko man lamang naranasan ang pangarap maranasan ng isang ama sa kanyang anak. Ang marinig ang una n’yang pagtangis. Ang marinig ang una n’yang pagbigkas ng mga katagang mama at papa. Ang marinig ang una n’yang halakhak. Ang makita ang unang luhang dumaloy sa kanyang pisngi. Ang makita ang una n’yang ngiping umusbong. At higit sa lahat, ang makarga s’ya at mayakap. Gumuho na ang mga pangarap at inanod na ng mga luha. Pumanaw ang aming anak na tanging sa larawan ko lamang nasilayan ang anyo at sa telepono ko lamang naririnig ang tinig.

Matayog na ang lipad ng eroplano sa himpapawid ngunit hindi pa rin nito nahihigitan ang taas ng nalilipad ng aking isipan. Habang ang lahat ay nasasabik sa paglapag ng eroplano, ako nama’y hindi napipigilan ang pagdaloy ng luha. Umalis akong baon ang pag-asa at pangarap katulad ng karamihan. Pero di katulad nila na ngiti at galak ang yumakap at sumalubong. Ako’y umuwi na dalamhati at pighati ang naghihintay.
Habang ako’y naglalakad patungo sa aming tahanan tila nakikiayon sa aking pagdadalamhati ang langit. Isa-isa nitong isinasaboy ang panaka-nakang ambon na s’yang umaapula sa pagbuhos ng aking mga luha. Sa loob ng tahanan akala ko ay hindi na ako iiyak. Akala ko wala ng luha ang dadaloy pa sa aking mga mata. Hindi pa pala. Nang makita ko ang malamig na katawan ng aking anak ay kusa na lamang itong dumaloy. Ang sakit. Sobrang sakit ang aking nararamdaman. Ang bata na wala pa noong ako’y lumisan ay wala na nang ako’y nagbalik. S’ya naman ang lumisan na kailan ma’y hindi na magbabalik. Di ko lubos naiintindihan pero pilit kong inuunawa. Di ko man tanggap pero pilit kong pinag-aaralan. Habang unti-unti kong inuunawa at iniintindi ang mga pangyayari ay may isang bahagi sa aking sarili ang tumitibay. Iyon ay ang pananampalataya.

Ang dalawang linggo kong paalam sa trabaho ay umabot ng dalawang buwan. Hindi ko lamang maatim na iwanan ang aking asawa na mag-isang harapin ang dagok. Dahil kung mayroon mang tao na hindi pa lubos nauunawaan at natanggap ang mga nangyari ay s’ya ‘yon. Kung tutuusin, napaka iksi lamang ng dalawang buwan upang maghilom ang sugat sa aming mga puso. Pero kailanagan kong bumalik upang tugunan ang aking trabaho. Tunay nga na mas masakit ang pamamaalam sa pangalawang pagkakataon kung ihambing sa naunang pag-alis. Mas lalong mabigat ang pagkalingaw. Pero kung nasasaktan man ako, alam ko dalawang beses o mas higit pa ang sakit ang naramdaman ng aking asawa. Sadyang mas masakit ang maiwan kaysa sa mang-iwan. Yan ang bagay na aking natutunan sa pagkawala ng aming anak.

Mag-uumaga na nang ako’y dumating sa Dubai. Makapal na alikabok at matinding init ang sumalubong sa akin. Subalit hindi ko ito alintana. Labis lang akong nag-aalala sa kalagayan ng aking asawa. Alam kong kailangan n’ya ako sa tabi n’ya. Nais ko nang hilahin ang panahon upang mapabilis ang pagtatapos ng mga natirang buwan sa aking kontrata. Habang binubuno ko ang mga panahon na ‘yon ay pananampalataya ang tangi kong sandata. At ang tangi ko na lamang pangarap ay ang muling makakapiling ang aking asawa.

Hindi pa man tuluyang halinhinang naangkin ng taglamig ang tag-init, natapos ko na ang aking kontrata. Muli na akong magbabalik sa Pilipinas. Muli ko nang makakapiling ang aking asawa. Sa pagkakataong ito ay lubus-lubusang pananabik ang sa akin ay namamayani. Katulad ng karamihan, umalis akong baon ang mga pag-asa at mga pangarap. At katulad din ng karamihan na nagbabalik, tangan ko ang karagdagang kaalaman, karansan at lalong-lalo na ang matibay na pananampalataya. Sa aking pagbabalik at tuluyang pananatili sa Pilipinas ay akin itong magagamit bilang kasangkapan upang mapayabong ang huhubuging hardin ng mga mga pangarap. Gamit ang dasal, pagsisikap at pagtutulungan naming mag-asawa natitiyak kong magbubunga ito ng halakhak at wagas na kaligayahan.

Matayog na ang lipad ng eroplano sa himpapawid. Pakiramdam ko ay dinuduyan ako sa labis na kasiyahan ng mga nagbubunying mga ulap. Tila hinihila naman ng iba pang mga ulap ang eroplano upang mapabilis ang paglapag nito. Sa paliparan, sinalubong ako ng aking asawa ng matatamis n’yang halik at maiinit na yakap dala ng labis na pananabik. Katulad na rin ako ng karamihang nagbabalik. Masaya at nakangiti. May luha mang dumaloy pero ito’y dahil sa labis na kaligayahan.

NGAYON. Masaya kaming nakahiga sa papag ng aking asawa sa loob ng bahay habang nakikinig ng mga awitin. Sa labas nama’y sumasayaw sa ritmo ng tugtog ang pagbuhos ng malakas na ulan. At sa bawat indayog nito ay hindi lamang naalis ang mga alikabok na nagkukubli at naninirahan sa mga dahon ng mayayabong na mga halaman at sa makukulay na bubungan ng mga kabahayan. Nadidiligan din nito ang mga namumulaklak na naming mga pangarap.


Buhos na ulan aking mundo’y lunuring tuluyan
Tulad ng pag-agos mo di mapipigil
Ang puso kong nagliliyab
pag-ibig ko’y umaapaw
Damdamin ko’y humihiyaw sa tuwa
Tuwing umuulan at kapiling ka


Sa pagkakataong ito ay kay sarap pakinggan ng mga salitang binabanggit sa awitin. Dahil ang pag-ibig naming umaapaw ay muling nagbunga. Ilang linggo na lamang ang bibilangin at ito’y amin nang masisilayan. Oo nga’t sadyang maiksi ang ngayon kung ihambing sa kahapon. Subalit basta’t kami ay magkasama, maaraw man o maulan ang walang humpay na pagdaloy ng buhay, natitiyak kong marami pang bukas ang magkasabay naming tatahakin hanggang sa dapithapon ng aming buhay.

****************************
Ito ay ang aking opisyal na lahok sa patimpalak ng PEBA bilang suporta sa ating mga kababayang nakikipagsapalaran sa bansang banyaga. Mabuhay kayo. Mabuhay ang Bayaning Pilipino.

21 komento:

  1. SER Joey. kainaman. anong klaseng akda 'to. ang galing... \m/

    TumugonBurahin
  2. @GasDude, sir maraming salamat sa pagdalaw.

    TumugonBurahin
  3. @SG, sir maraming salamat. Naulanan lang. hahaha

    TumugonBurahin
  4. dalawang beses kong binasa...

    wala lang gusto ko lang sabihing dalawang beses ko syang binasa pero wala parin akong masabi

    :-)

    TumugonBurahin
  5. Sphere, akala ko tatanungin mo ako kung ano ang ipinaglalaban ko wahahaha. Salamat mam sa paglaan ng oras sa pagbabasa sa medyo may kahabaang post

    TumugonBurahin
  6. na-wet ako badjao, na-wet ng luha ang mga mata ko. hayuf sa ganda nitong entry mo, sabi ko na nga ba't may igagaling ka pa. magpa-planking ako sa harap ng opisina ng peba kapag di pumasok sa top 5 itong entry na to... itaga mo yan sa ulan...

    TumugonBurahin
  7. @era, salamat. Ikaw nanahimik ka na. mukhang may hinahain ka ring kwento ah. Kamusta ka na?

    TumugonBurahin
  8. Wow.. ang lalim. Ang ganda. Panalo. Goodluck po,, :)

    TumugonBurahin
  9. Salamat sa pagbabahagi ng isang personal na akda Deadlocks :) Inom muna ng tubig, alam kong natuyo ang puso kakahagilap ng mga salitang bumuhay sa nakalipas :)

    TumugonBurahin
  10. True to life,sir joey? Ang bigat talaga ng sakripisyo ng umaalis at naiiwan lagi. Tuloy ang buhay at ang pinakamahalaga, sa kabila nang lahat, magkasama na ulit ang minsang pinag hiwalay.

    TumugonBurahin
  11. bakit ba kailangan pang maranasan ng isang nilalang na naghahangad ng masaganang buhay ang malayo sa kanyang mga mahal?

    Nakalulungkot isipin na ito na ang pananaw ng karamihan sa atin, ang makapangbang bayan upang magkaron ng pagbabago sa pamilya. Kaninong kasalanan ito?

    Subalit hanga ako sa ating mga kapatid na sinusuong ang kalungkutang matagal nyang mararamdaman para sa pagbabago hindi lang ng sarili kundi ng kanyang bayan..

    magandang akda sir joey.. aty lumalalim ka na din :)

    magandang araw

    TumugonBurahin
  12. sobrang nadala ako sa storya...


    ang galing sir!

    goodluck!


    -jay rulez-

    TumugonBurahin
  13. pagpaumanhin sir akala ko nakapagcomment na ko dito. tumatatak sa kin ang kwenton mo'ng ito sa di maipaliwanag na dahilan

    TumugonBurahin
  14. http://dregm.wordpress.comOktubre 10, 2011 nang 8:40 PM

    wow! ang galing naman nito!

    TumugonBurahin
  15. wow sumali kana din pala!! astig!!! God bless sa iyong akda!

    TumugonBurahin
  16. :'''''''''| pauunahan na kita ng congrats sir Joey. Bukod sa LSS ako ng dalawang buwan sa kantang iyan, nalupitan ako't nagawa mong iapply sa buhay OFW itong kantang ito. Ibang klase ka talagan sir JB.

    TumugonBurahin
  17. wala na bang mas hahaba pa dito? aaminin ko ito na ang pinakamaganda mong likha sa tanan nang araw mo sa pagsusulat. wag lang masyadong pilitin minsan :)))

    TumugonBurahin
  18. *kilabot* Ang ganda. Pramis di ako magaling magsulat in Filipino kaya hanga ako sa mga magagaling magsulat in pure Filipino. ^>^

    TumugonBurahin
  19. @pinaywriter, maraming salamat po. Taos puso ko po kayong binabati sa parangal na natanggap sa katatapos pa lamang na PEBA. Mabuhay po kayo!

    TumugonBurahin