Biyernes, Oktubre 14, 2011

ANG PUSO N'YANG SALAWAHAN AT ANG PUSO KONG GINAWANG LARUAN

naroon ako
sa pagitan ng antok
at malay
mga mata ay nakapikit
ngunit diwa ay gising
nananalangi't nangangarap
sa taglay na pag-ibig
ng isang magandang diwata

naroon ako
sa pagitan ng antok
at malay
mga mata'y ayaw ipikit
pagkat kapiling ko na
aking pangarap na diwata
matamis niyang oo
sa aki'y hindi ipinagkait

naroon kami
sa pagitan ng antok
at malay
tingin ng iba
ito'y isang laro lamang
dahil kami'y mga musmos pa
ngunit sa amin ang mundo
kapag kami ay namamalagi
sa lugar kung saan nananahan
ang sandaling naghihiwalay
sa gabi at araw

naroon kami
sa pagitan ng antok
at malay
mga mata'y namumugto
pagkat ako'y nagpaalam
ang pangakong pag-ibig
ay magpakailanman
hanggang sa aking pagbabalik
ay aming panghahawakan

naglakbay ako
kasabay ng panahon at oras
hindi naglaon
nagbago na ang ikot ng mundo
kumupas na ang kulay ng buhay
nagbago na ang pamantayan
ng wagas na ligaya

naroon siya
sa pagitan ng antok
at malay
mga mata'y namumungay
umiindayog sa bawat
indak ng pagnanasa
sa iba'y nakikipaglaro ng apoy
'di alintana ang pagkapaso
ako'y kanyang nilimot

narito ako
sa pagitan ng antok
at malay
'di ko malaman kung saan babaling
sa kaliwa ba o sa kanan?
sinisilayan ang peklat
sa aking puso
na kanyang pinaglaruan
at sinugatan
ang nais ko na lamang
ay linisin ang bawat sulok
ng abenida ng aking isipan
upang mga alaala n'ya
ay 'di na muling matutunghayan

*********
Ang tula na ito ay opisyal na lahok sa Saranggola Blog Awards 3

6 (na) komento:

  1. ako naman ang mag-iiwan ng comment.

    ako'y lihim na humahanga sa iyong mga likha hindi mo man makita ang aking pangalan sa nagkomento asahan mo nabasa ko ito.
    sa totoo, hinahangaan ko naman lahat ng aktibong blogista dahil hindi naman tayo binabayaran para dito pero ika nga "passion" ang nagmamani-obra para gawin natin ang ating "sining". bagama't puno ng ideya ang isipan hindi naman madalas umaayon ang oras sa pagsusulat.
    mabuhay at ipagpapatuloy lang natin ang pagsusulat hindi man tayo yumaman dahil dito yumabong naman ang kaisipan ng maliligaw na bumabasa

    TumugonBurahin
  2. Haydol sir Joey. Pagpalain ang entry na ito. Pagnanalo ka libre kita isang burger.

    TumugonBurahin
  3. halatang tutok gabi-gabi sa teleseryeng AMAYA!

    TumugonBurahin
  4. minsan, gusto kong tanungin ang landas na naghihiwalay sa usad ng buhay ng dalawang tao, tadhana nga kaya o tayo mismo ang pumipili? ako, hirap akong sagutin ang tanong na ito. kadalasan kasi, isa sa kanila ang nangyayari at kung minsan pa, kapwa sila naglalaro sa ating mga buhay. ito'y isang pananaw na naglalaro sa pagitan ng aking antok at malay, sir joey.

    TumugonBurahin
  5. Ito lang masasabi ko, hindi ko dude kaya sumulat ng mga ganito...:D

    TumugonBurahin