Biyernes, Pebrero 18, 2011

SA IYONG PAGLISAN (GALING SA ISA KONG BLOG)

Mahigit dalawang buwan na ang nakakalipas pero sariwa pa rin ang sugat, ramdam pa rin ang sakit sa iyong paglisan, paglisan na ni kailanman ay hindi na muling masisilayan. Palagi pa rin bumabalik sa aking alaala ang lahat ng pangyayari. Masakit di lang sa'kin kundi pati sa buong pamilya lalo sa mama at tita mo. Binigyan mo ng buhay ang buong bahay simula nung ikaw ay dumating. Ngunit ikaw pala ay sadyang saglit lang pinahiram sa amin para ituwid ang mga pagkakamali, pero bakit ikaw ang kailangan lumisan? Pwedeng naman andito ka lang kasama namin at ituwid ang ang pagkakamali at sabay tuparin ang mga plano sa buhay.

Tandang tanda ko pa nun, isang araw bago ang masakit na pangyayaring yun. Pumunta ako sa isang kaibigan upang i-repair ang dreadlocks nya. Nakasanayan ko itong gawin tuwing katapusan ng buwan upang manatiling maayos ang kanyang buhok. Masaya kaming nagkukwentuhan kasama ang mga pinsan n'ya habang kinakalikot ang dreadlocks may konting toma rin para lalong sumaya ang sisyon. Inabot ng gabi at di pa rin natapos ayusin ang dreadlocks kaya napagpasyahan namin na kinabukasan nalang ituloy. Habang nagpapahinga naisipang kong magbrowse sa internet at mag youtube. Hinanap ang mga "RnB" na mga awitin (Reggae na Bisaya). Pero di ko alam sa anong kadahilanan pero may nagtulak sa'kin i-play ang "Fireflies" ng isa sa hinahangaang banda sa Pilipinas ang Hemp Republic, may hipnotismo para sakin ang kantang ito dahil na rin sa gandang ng beat at ng basslines nito. Napadami na ang mga kantang napanuod at napakinggan ko kaya napagpasyahan kong lumagok ulit ng beer upang dalawin ng antok.

Habang nagmumuni muni at lumalagok ng beer nakatanggap ako ng tawag galing sa Pilipinas, si nanay ang nasa kabilang linya at naghayag ng mga hinaing nya tungkol sa isa pang pangagrabyado ko sa isang buhay na iniwan ko. Habang kausap ko si nanay ay naririnig ko ang boses ng aking munting anghel na tumatawa. Tawa na madalas kong nadidinig sa tuwing tumatawag sa akin kahit sino man sa pamilya. Tawa na sa telepono ko pa lang nadidinig at hindi pa nasisilayan ng personal mula nung siya ay isinilang. Tawa, na sa tagpong iyon ay ang huling tawa na pala maririnig ko mula sa kanya.

Kinabukasan, (June 1) nagising ako sa sikat ng araw na pumasok sa bintana dahil medyo nakalihis ang kurtina. Masaya ang gising ko nung umagang 'yun may ngiti sa mga labi, nag unat at binati ang sarili ng magandang umaga at binigkas ang katagang Ohhhh June 1 what's in store for me today? Gising na rin ang tropa at nag yayang magkape, nagyosi at inumpisahan ulit ang session ng pagdreadlocks hanggang sa matapos ito. Natapos ang sisyon at napagpasyahan ng aking kaibigan na ihatid nalang ako sa bahay para hindi na gumastos ng pamasahe. Bago ako hinatid dumaan muna kami sa opisina nya at kinuha ang schedule ng trabahong gagawin sa araw na yun.

Masaya kaming nagkukwentuhan sa sasakyan at tinawagan namin ang isang tropa at kinakamusta sa bago nyang napasukang trabaho. Mismong tagpong yun nakatanggap ako ng tawag galing sa Pilipinas, Si irog ang nasa kabilang linya umiiyak habang binibigkas ang katagang "daddy, sorry wala na si baby". Para akong sinakluban ng mundo sa balitang yun. Alam kong hindi nagbibiro si irog ng ganun. Gusto kong tumalon sa sasakyan ng mga oras na na yun wala na ako sa katinuan dahil sa narinig. Pinapakalma akong ng aking kaibigan pero nangingibabaw pa rin ang sakit ng aking nararamdaman.

Masakit ang nangyari dahil ni minsan di ko man lang naransang makarga ang anak, hindi narinig ang unang iyak, hindi nasilayan ang una nyang ngiti, hindi nakita ang unang ngiping tumubo. Lahat ng pinangarap at dapat maransan ng isang ama ay di ko man lang naranasan sa kanya ganun din sya sakin. Lumisan siyang di nangyari samin ang ganung tagpo bilang mag ama. Alam ko kailangan tanggapin ito, pero habang nilalabanan ko na wag magpadala sa emosyon, dumadami ang mga bagay bagay ang pumapasok sa aking isipan. Kasama na dun ang panghihinayang at pagsisisi sa mga naging desisyong ko sa buhay. Mga bagay bagay na aking nagawa at di ko nagawa. Aminado akong masyado akong nagpatihulog at nilamon ng sistema ng buhay ko kaya binawi agad ang munting anghel. Kagustuhan ng nasa itaas ang nangyari, kinalabit lang siguro ako upang magising na at ituwid ang nalihis na buhay.

3 komento:

  1. Aba, bukas na ang pintuan?

    Hinarap na ba ang nakaraan? Itinago lamang o dinedma na lang.

    May anghel ka na.

    Siguro nga, lahat ng tao o bagay man, may mensahe at layuning nakaatang sa isang tao rin o nilalang dahil tayo ay may dahilan- sa lahat ng pagkakataon.

    TumugonBurahin
  2. Oo kapatid na Jkul bukas na muli ang pintuan hahaha bukas na bukas.

    Ang nakaraan hinayaan ko nalang na manatiling naroroon upang paghugutan ng lakas upang harapin ang kinabukasan.

    TumugonBurahin