Nitong nakaraang linggo, sa pangalawang pagkakataon sumali ako sa isang "fun run/ marathon". Ito yung sa Condura Skyway Marathon hangarin nitong maipagtanggol ang mga nanganganib na mga dolphins. Nasa humigit kumulang sa labintatlong libo katao ang nakilahok dito. Maliban sa pagtatanggol ng mga dolphins ang isa ko pang hangarin dito ay ang malagapasan ang 30 minutos na naitala ko sa kategoryang 5k noong unang fun run na aking sinalihan. At sa awa ng Panginoon nagawa ko naman itong malagpasan dahil natapos ko ang 5k sa loob lang ng 27 minutos. Enero palang nagumpisa na akong magsanay tumakbo di lang para paghandaan ang kaganapang iyon kundi para na rin maging malusog ang pangangatawan dahil ayon sa pag-aaral nakakatulong daw ang pagtakbo upang mapangalagaan ang ating puso at baga.
Sa nasabing kaganapan may ilang bagay lang akong napansin sa ilang lumahok dito. Una, may mga hinimatay. Ang pagtakbo ng mahaba ay di birong bagay kailangan natin dito ang preparasyon, ensayo dalawa hanggang apat na beses sa isang linggo dalawang buwan bago ang takbo upang masanay ang iyong katawan. Porke ba uso ang ganitong uri ng libangan ay makikiuso ka na rin? Isang malaking pagkakamali ang sumalang agad kung naisipan lang. Ensayo muna at patingin sa doktor kung akma ba ito sa'yo.
Pangalawa, Ilang araw bago maganap ang Marathon na iyon may mga pinadalang mga alituntunin ang mga may pakana nito sa pamamagitan ng email. Nakalagay doon ang mga dapat at hindi dapat gawin sa race area. Pero bakit marami pa ring hindi sumusunod? Dahil ba naturingan tayong Pilipino ay garapalan nalang din nating gawin ang mga nakasanayan na hindi naman dapat gawin?
Pangatlo, lahat kaya ng lumahok ay alam ang hangarin kung bakit sila naroon? Kung oo, aba'y maganda yan pero bakit ang pinag-inuman na plastic na baso sa mga water stations ay tapon dito at tapon doon ang eksena? Dahil ba para sa mga dolphins na nasa karagatan ang ginawa natin e pabayaan natin ang mga nilalang na nasa lupa? O simplihan natin, delikado ang mga basong iyon sa mga kapwa natin tumatakbo dahil may mga laman pa itong kaunting tubig na maaring magpapadulas ng daanan o yung baso mismo kung maapakan. Pati na rin yung mga plastic ng freebies na binibigay ng mga sponsors na hindi rin nag-iisip na numero uno ang plastic na lubos na makakasira ng mundo.
Kahit may mga ganong pangyayari ay matagumpay namang naidaos ang nasabing marathon. Sana sa susunod mayroon namang fun run/marathon na para sa mga buwaya. BUWAYA NG LIPUNAN
0 MGA MAARING LUMIGAYA:
Mag-post ng isang Komento