090909. Ang petsa kung saan pagkatapos ng isang linggong walang tulugan ay nakompleto ko rin sa wakas ang 75 piraso mong hibla. Hindo ko maipaliwanag ang kaligayahang naramdaman noong mga panahong iyon. Marahil maituturing kitang usang obra. Obra na nagpapahayag ng sariling nararamdaman laban sa kompanyang dating pinapasukan.
Noong una itinuturing lang kitang isang uri ng pagrerebelde at pagtutol sa hindi makatarungang pagtrato ng isang kompanya sa kanilang mga empleyado. Pero hindi nagtagal ay naging libangan kita upang labanan at pansamantalang takasan ang homesick na aking nararamdaman noong mga panahong iyon.
Alam mong hindi ikaw ang unang dreadlocks sa aking buhay. Pero para sakin ikaw ang pinakagusto ko minahal ng labis. Sa paglipas ng panahon ay gamay na natin ang isa't isa. May mga panahong napapabayaan na kita. Pero mayroon din namang pagkakataong alagang-alaga kita. Sinashampuhan kita ng mamahaling shampoo para naman maging kaaya-aya ka sa paningin ng karamihan.
041111. Ang petsa kung saan nagtapos ang kulang-kulang dalawang taon nating pagsasama. Tinanggal kita ng hindi labag sa aking kalooban. Ilang linggo ko rin pinag-iisipan ang tungkol dito. Masakit para sa akin ang ating paghihiwalay. Lahat naman ng bagay sa mundo ay may katapusan. Hindi lang tayo pinalad dahil isa ang samahan natin sa nagtapos.
Pero huwag kang mag-alala mananatili ka sa aking puso at kamalayan. Kahit kailan ay hindi kita makakalimutan, pangako yan. Kaibigan kitang maituturing. Naroon ka at naging saksi kung papaano ako nagtampisaw at nalubog sa putikan. Naroon ka noong ako'y hinagupit ng matinding bagyo. At lalong naroon ka noong muli kong binuo ang mga pangarap na minsan ng gumuho.
Maraming salamat kaibigan!
0 MGA MAARING LUMIGAYA:
Mag-post ng isang Komento