Biyernes, Disyembre 28, 2012

ANNE CURTIS


Mga mata ko'y nakapikit,
Pilit pinupundi ang diwang maligalig,
Habang ang tainga ko'y nakikinig
Sa bawat pagpatak ng ulan.
Iba't iba ang himig at ritmo,
May sumisigaw at nagwawala,
Mayroon namang tila bumubulong
At nahihiya.
Mayroong nagmamadali
At mayroon ding dahan-dahan.
Bilang na bilang ang bawat patak,
Subalit sa dami'y
Hindi ko na malaman kung ilan.

Nakatikom ang aking mga labi,
Tuyong-tuyo.
Bitak-bitak.
At dumampi ang iyong mga labi,
Dahan-dahan.
Bilang na bilang ko.
Limang ulit lang pero madidiin.
Tuluyang nabasa ang aking mga labi,
Ngunit init ang dumadaloy
Patungo sa aking puso,
Patungo sa aking puson,
Hanggang sa tayo'y nagniig,

Sa aking panaginip, Anne Curtis.

Sabado, Nobyembre 10, 2012

PAMINSAN-MINSAN


Paminsan-minsan kong sinusulyapan
Ang mga dahon sa labas.
Marahan silang kumakaway
Habang ang galit na galit na araw
Ang s'yang pumipigil sa kagalakan
At kalayaan nilang umindayog
Sa marahang ihip ng hangin.

At sila ri'y napapagod.
Nalulungkot katulad ko.
Nagkakasya na lamang
sa pagsulyap sa mga aninong
walang pagkakakilanlan.

Lunes, Oktubre 15, 2012

AKO SI TOLITS, LAKING CANHABAGAT


Sa Hilagang bahagi ng Cebu, isang daan at labing-isang kilometro mula sa siyudad, matatagpuan ang banwa ng Canhabagat. Isa sa labing-siyam na baryo sa lungsod ng Medellin. Katulad ng ibang pook na malayo sa kabihasnan, pangkaraniwan na ang sariwang hangin. Ang awit ng mga ibon na nilalapatan ng musika ng pagaspas ng mga luntiang dahon. Ang lambing ng pook na ito ay pinatitingkad ng matatamis na tubuhan at pinayayabong ng pag-ibig ng dagat. Napananatili ng mga lumad ang tamis at alat ng pamumuhay. Minsan.
Ang mga katulad kong kabataan noon ay nakapaglalaro rin naman ng tumbang-preso at luksong-baka, subalit ito’y mga palabok lamang. Dahil ang tunay na laro sa amin ay ang magtanim at mag-ani ng mga tubo at ang sisirin ang malalim na karagatan. Maaga kaming pinahinog ng mainit na sikat ng araw. Upang mabuhay. Upang makapag-aral. Kaya may iilan, katulad ko na nilamon ng karuwagan at tinakasan ang kinasanayan (nang maganda pakinggan, upang magkaroon ng magandang kinabukasan). Naglakbay. Nakipagsapalaran sa ibang bayan. Nagpakabihasa sa hindi matukoy na larangan.
Ilang taon ko ring nilisan ang banwa kong kinalakihan. Nang ako’y nagbalik, tangan ang kapirasong papel na may lagda bilang patunay na ako ay nalinang. Daw. Subalit ang nadatnan ko’y imahen ng isang pook na wala nang puri. Hubo’t hubad. Pinagsamantalahan. Balot ng mapuputing usok ang buong kaligiran na pilit lumalason sa isip ng bagong kabataan. Wala na ang tamis ng tubuhan. Hindi na rin maalat ang karagatan. Nakapanlulumo.  Kahabag-habag. Tama nga lamang na ako’y nagpalamon noon sa karuwagan. Siguro?
Muli kong nilisan ang banwa ng Canhabagat at naglakbay. Katulad ng paru-paro, kinalimutan ang pinanggalingan. Tinadtad ng palamuti ang buong mukha at katawan nang ang pagkatao ko’y hindi na muling makilala. Nagpalit ng pangalan. Ngunit kahit anong pilit, lumilitaw at lumilitaw pa rin ang kulay nitong aking buhok at balat na minsan nang sinunog ng matinding sikat ng araw.
Isang daan at labing-isang beses man akong lilisan sa banwa ng Canhabagat, babalik at babalik pa rin ako sa kanyang kanlungan. Dahil isang daan at labing-isang kilometro na marahil ang lalim ang naabot ng aking ugat sa kailaliman ng pook na iyon. Doon ko unang nasilayan ang walang sawang panunuyo ng alon sa dalampasigan. Doon ko rin unang natikman ang tamis na dulot ng pag-ibig. Doon ako nahinog. Doon ako hinubog ng buhay. Tiyak, doon ako hihimlay.
----------------------------------------------------------------------------------------------------------------
Ang akdang ito ay opisyal na lahok sa Saranggola Blog Awards 4




Huwebes, Oktubre 11, 2012

TATLONG TAON

Nanumbalik na ang kinang
Sa aming bawat hinagap;
Binalot at pinalabo
Ng makakapal na ulap.

Mataas na'ng naaabot
Ng aming mga pangarap;
Dati'y tinangay ng agos
Tungo sa ilog ng hirap.

Tatlong taon na'ng lumipas
Nang ang Maynila'y sinubok
Ni Ondoy nang walang habas.
Ngunit ang mga alabok

Ng natuyong mga putik,
Sa gunita'y nakakapit.

Lunes, Oktubre 1, 2012

ANG MGA ALON

Ang mga alon
sa iyong puson,
Na humahampas
Sa matatarik mong dibdib

Ang nagpapaliyab lalo
nitong pagnanasa

Martes, Agosto 28, 2012

BAYANI SA BAYANI

Soneto ng Maninisid para kay Ginoong Robredo

Walang along taglay ang aking pangalan;
Tatak sa buhangin sa bawat pagsisid,
Ang pusod ng dagat ang tanging kanlungan;
Tulad ng ngalan mo - gandang walang bahid,

Ako ay nanumpa sa aking tungkulin,
Katulad mo'y nais maging halimbawa;
Ang pag-ibig sa baya'y aking uunahin,
Ginuhit sa palad - pagtulong sa kapwa,

Kasama marahil ditong nakaguhit,
Ang aking pagsisid nitong karagatang
Puno ng hinagpis at mga pasakit,
Upang maiahon ang iyong katawang

Inagaw ng tubig, nilamon ng alat;
Dulot sa'king baya'y muling pagkamulat.

Miyerkules, Hunyo 27, 2012

SIKYU AKO!

Huwag kang matutulala,
Kung ako'y may dalang sumpa,
Matigas ito't mahaba
Ang tawag dito'y batuta.

Lunes, Hunyo 18, 2012

TAKDANG ARALIN: SUKAT AT TUGMA (TUGMAAN NG MGA MALAKAS AT MAHINANG KATINIG)

Ito yung karugtong noong naunang takdang aralin. At sa wakas natapos rin ang palihan noong Sabado. Pinalad namang may natira pa sa mga ginawa ko. Ang napuna lang ay yung hindi ko paglalagay ng bantas sa bawat saknong.

TANAGA: Binubuo ito ng apat na taludtod, at bawat taludtod ay may pitong pantig

Tugmaan ng Katinig na malakas

Ang bahaghari’y hungkag;
Ulan ay hinahamak,
Pag araw ay sisikat;
Ang lupa’y maghihirap
.

Tugmaan ng Katinig na mahina

Isang hakbang pasulong,
Ang usad ay paurong,
Sa haba ng panahon,
Ang baya’y nagugutom
.


DALIT: Binubuo ito ng apat na taludtod, at bawat taludtod ay may walong pantig

Tugmaan ng Katinig na malakas

Mapagod man itong bibig,
Puso ko man ay mamanhid,
Gumapang man sa’king sahig,
Tuloy pa rin ang pag-ibig
.


Tugmaan ng Katinig na mahina

Ang pangarap aking tangan,
Sa di tiyak na pagsugal,
iaalay itong buhay,
Alang-alang sa ‘king kulay
.



AWIT: Binubuo ito ng apat na taludtod, at bawat taludtod ay may labindalawang pantig. Mayroon rin itong 6/6 na Caesura*.

Tugmaan ng Katinig na malakas

Hindi pa man ganap o huwad ang isip,
Kapag nagugutom s’ya ay tumatangis,
Inosenteng labi uha’ng bukambibig,
Ito’y isang himig sa t’wing naririnig.

Tugmaan ng Katinig na mahina

Sa tuktok ng papag nitong pag-aasam,
Walang humpay itong aking pagdarasal,
Upang makaahon sa hirap ng buhay,
Ngunit kaluluwa’y tinupok ng anay.


*Ang Caesura o hati ay ang regular na pagtigil o paghinga sa loob ng isang taludtod sang-ayon sa mga pagpangkat ng mga salita't bigkas sa taludtod.

Mga uri ng katinig na malakas b, d, g, k, p, s, at t
Mga uri ng katinig na mahina l, m, n, ng, r, w, at y

Dapat ring isaalang-alang na magkapareho ang bawat patinig bago ang katinig na pantugma.

Halimbawa:
hungkag
hamak
sikat
hirap

Biyernes, Hunyo 15, 2012

TAKDANG ARALIN: SUKAT AT TUGMA (TUGMAAN NG PATINIG NA MAY IMPIT AT WALANG IMPIT)

TANAGA: Binubuo ito ng apat na taludtod, at bawat taludtod ay may pitong pantig

Tugmaan ng patinig na may impit

Matamis sa simula
Lahat tila biyaya
Bunga ng pulot-gata
Mapapait na luha

Tugmaan ng patinig na walang impit

Kilalang matalino
Ayaw maging anino
Nagpadala sa tukso
Hinagupit ng bagyo


DALIT: Binubuo ito ng apat na taludtod, at bawat taludtod ay may walong pantig

Tugmaan ng patinig na may impit

Sintunado yaring puso
Tudla nito ay malabo
Kadalasa’y nabibigo
Luha nito’y purong dugo


Tugmaan ng patinig na walang impit


Kasiping ko’y alaala
Kalaguyo’y pagdurusa
May hiwatig ang ligaya
Kapag yakap aking reyna



AWIT: Binubuo ito ng apat na taludtod, at bawat taludtod ay may labindalawang pantig. Mayroon rin itong 6/6 na Caesura*.

Tugmaan ng patinig na may impit

Ako’y nakadungaw sa lumang bintana
Taglay n’yang kalawang at pagkakalugta
Ang s’yang pumipigil nitong aking diwa
Nang di makalipad at makatingala


Tugmaan ng patinig na walang impit


Tanging pangarap ko, ika’y makasama
Hatid mo’y ligaya sa bawat umaga
Kung makaramdam ka ng sakit at dusa
Basagin mo na lang itong aking panga

*Ang Caesura o hati ay ang regular na pagtigil o paghinga sa loob ng isang taludtod sang-ayon sa mga pagpangkat ng mga salita't bigkas sa taludtod.

Miyerkules, Hunyo 6, 2012

KM3: TINIG (SA PAGKUMPAS NARIRINIG ANG AKING TINIG)

Nagkukulay-lila na ang dapit-hapon. Sasapit na namang muli ang yugto ng pagkinang ng mga bituin sa kahabaan ng gabi. Hudyat na ito upang aking ihimlay ang katawan na hapung-hapo sa maghapong pakikipagsapalaran. Maipagpapahinga ko na rin ang nagsisilbi kong tinig - ang aking mga kamay na nangangalay sa pakikipag-usap at pagpapaliwanag. Tanging sa pagkumpas nito ay nauunawan ako ng ibang tao. Naihahayag ko ang aking damdamin. Kapag ako’y nagagalak, nalulungkot o nagagalit, ito ay nakikita sa paraan ng aking pagkumpas. Pero madalas ito’y natatahimik kapag nakararanas ng pangungutya. Walang katulad ang taglay nitong katahimikan. Hindi na mabilang ang ganitong pagkakataon. Ilang patong na ng mga sugat ang paulit-ulit na humihiwa sa kalyado kong puso. May peklat na ito ng pangmamanhid, subalit may mga hiwa pa rin ang pilit bumabaon. Ang makitang nasasaktan ang aking pamilya sa pangungutya ng ibang tao sa aking kalagayan.

Ang gabi ang tangi kong kanlungan at sumbungan. Dito ay nakakusap ko ang aking sarili. Walang nagaganap na pagpapaliwanag. Dito ay natitimbang ko ang tamis at pait ng nagdaang maghapon. Dito ay nayayakap ko ang ligaya na walang tinik ng pangungutya. Subalit dito rin minsan umiiyak ang pagal kong damdamin. Sa tuwing ipinipikit ko na ang aking mga mata, lahat ay nagiging payapa. Nagiging hungkag ang isipan. At sa tuwing natutulog na ang diwa, ako’y lumulutang sa alapaap ng walang hanggang ligaya - ang pagtatampisaw sa panaginip. Kumukumpas sa nagbunbunying mga ulap ang aking mga kamay nang walang kapaguran. Sumisigaw, humahalakhak at umaawit. Subalit habang unti-unting kumukupas ang kulay ng gabi ay hindi ko napipigilan ang andap ng pangamba - ang bangungot ng katotohanan.

Nagkukulay-dilaw na ang umaga. Nakangiti ang araw sa matagumpay nitong pakikipagbuno sa karimlan na taglay ng mahabang gabi. Hudyat na ito ng muling pagkumpas ng panibagong kapalaran kasabay ng pagkumpas ng natatangi kong mga tinig. Hindi man ito kayang tangayin ng hangin mula sa aking damdamin patungo sa pandinig ng nakararami, titiyakin kong sa bawat pagkumpas ng aking mga kamay ay guguhit ito ng ngiti sa inyong mga labi at magdudulot ng ligaya sa inyong mga damdamin.

Lunes, Hunyo 4, 2012

DALAWANG TAON

kay Danielle Marley, sa pangalawang
taong anibersaryo ng pagpanaw



Sa loob ng dalawang taon,
Ako'y walang humpay na nakikipagsiping
Sa mapupusok na alaala.
Mapipigtas na ang mga ugat
Sa bawat sulok ng aking isipan.
Sa huli'y naiwan akong laspag
At nakahandusay sa papag
Ng pangungulila at paghahangad.

Sa loob ng dalawang taon,
Di man tiyak ang patutunguhan,
Ako'y nagpatangay sa agos ng pagsisisi;
Habol-hininga akong umahon,
Dama ang hapdi at sakit
Ng bawat galos at pasa sa buong katawan.
Habang niyayapos ng malamig na hangin,
Ako ngayo'y nangangatog sa ginaw
At nakabaon ang mga paa sa buhangin
Ng mga dapat sana.

Lunes, Mayo 21, 2012

ANG TULA NA HINDI TAPOS

Nakatakip ang aking ilong at bibig
Habang nag-aabang mapundi ang aking malay
Habol hininga kitang pinagmasdan
At abot kamay kitang pinapangarap

 Masaya rin pala gumawa ng tula na hindi tapos.
Yung hindi alam kung ano ang kasunod na nangyari.

Miyerkules, Mayo 9, 2012

THE ARTIST

Lima o anim na taon na siguro ang nakalipas nang mabuo ang tula na ito. Ginamit ito ni IndayPaneks bilang piyesa sa kanilang takdang aralin noon. Simula nang mag-umpisa akong gumawa ng tula, ito ang una at tingin ko ay huli kong tula sa salitang Ingles. Nakakatawa lang basahin yung tugmaan ng mga salita, hindi ko maintindihan ang iba basta sinalpak na lang upang magkaroon ng tugmaan. Pero ang ideya naman sa tingin ko ay nariyan pa rin.

More of the silent and outspoken
His masterpiece serves as a token
That somebody ignored
But lot of pain had cured

Brush strokes and paints
But sometimes he made it in prints
Then great concept he live
With total happiness it give

He is not trying to be deep
He simply is, but somebody on him peep
His painting represents
What he is, but it costs not only cents

People call him weird
Maybe they are unwired
He always appear unusual
But never been fatal

Huwebes, Mayo 3, 2012

DITO LANG SA AKING TABI, HINDI DOON

sa saliw ng namumungay
na ningning ng mga bituin
at marahang dampi
ng malambot na unan,
narito't nakahandusay
ang katawang hapo
sa maghapong paghahanap-buhay

nakapikit ang mga mata
ngunit gising ang diwa.
pilit nakikipagbuno
sa langitngit ng daluyong
ng maligalig na nakahapon.
iminulat ang mga mata
lumipad ang paningin
kasabay ng isipan
sa pook na hindi kinasanayan

doon naglipana ang mga pangarap

naroon ang kaligayahan

ngunit mas nanaig
ang kalungkutan, marahil
doon ako'y nag-iisa lang.
kasabay ng marahang dampi
ng hangin sa aking paanan,
ako'y naglakbay pabalik
sa katotohanan

hinawakan ang kamay
ng supling at kabiyak
narito lang sa aking tabi
nananahan ang ligayang
walang hangganan

Lunes, Abril 30, 2012

DAMUHAN: ANG AKING TAHANAN AT MAGIGING HIMLAYAN

Sa damuhang ito
una kong nasilayan ang kislap
ng nadadarang na liwanag.

Dito ako unang umiyak
at humalakhak.

Dito ako unang gumapang
at natutong humakbang.

Dito ako unang nadapa
at sumubok bumangon.

Dito ako naging bihasa sa ABAKADA
at namulat sa panitikan.

Dito ako unang umibig
subalit hindi ko rito natutunan
ang pagtataksil.



Sa damuhang ito
makikita ang larawan ng kasaganahan
Iba't-iba man ang huni
ng mga kulisap ang mapapakinggan
Sila'y pinagbubuklod
ng pag-ibig at pagmamahalan
Nagkakaisang ipinagtatanggol
ang maraming kayamanan
Sa ilalim ng lupa at kabundukan
maging sa karagatan

May iilan na ring sumakop at nagpakasasa
May iilan pa ring umaaligid at umaasa
May mga nagbuwis na rin ng buhay at naging bayani
Sina Rizal, Bonifacio at Lapu-lapu
sa kasaysayan ay naging bahagi
Ang kanilang kwento sa libro nailimbag
Subalit ang iba nito'y sa silid-aklatan inaamag


Sa damuhang ito
marami ang kwento ng kababalaghan
'Tulad ng multo, maligno at aswang
Lahat ay kinatatakutan
kahit ito'y mga kathang-isip lamang
Ngunit mayroong dapat kasindakan
Ito'y ang mga buwayang
nagpapanggap na taong lalang
Mayroon sa kalye maging sa kagawaran
ng sandatahang lakas at kapulisan
Ngunit sila'y naglipana sa senado at kongreso
at kadalasa'y nakatira sa magagarang palasyo
Ito'y aking hinuha lang naman
Dahil akin itong nakikita kahit nakapikit
Naririnig kahit tainga'y nakatakip


Sa damuhang ito
may tatlong uri ng panahon
tag-ulan, tag-init at eleksyon
mas tanyag ang huli
dahil pilit nagpapakatao ang mga buwaya
Pagkain ng galunggong ang laging ipinapakita
Pangil ay pilit itinatago
Dilang kumakatas ng asukal ay nangangako
Ngunit kapag nakuha
ang asam na simpatiya't mga puso
Pinapalipad na tila saranggola
ang mga pangako
Agad pipigtasin ang tali
at sa mga ulap kasabay maglalaho


Gayunpaman, ang damuhang ito
ay ang Perlas ng Silanganan,
Ang Pilipinas
Dito ako namulat
Ito ang aking tahanan
at magiging himlayan
tangan ang mayamang kultura
at kasaysayan



---------------------------
Lahok para sa "Bagsik ng Panitik" contest ng Damuhan

Martes, Abril 24, 2012

NANG MAANGKIN KA NG KALULUWANG UMAALIGID SA PUERTO GALERA

sa natatatanging pook na ito,
ang katawan ni Adan ay kasing tikas
ng mga nakapalibot na kabundukan
subalit ang nakapaloob rito
ay kasing lambot ng mga
buhangin sa dalampasigan,
samantalang si Eba
ay nagkukubli sa kamison
ng birhen na kagubatan

habang marahang hinahampas
ng daloy ng alak
ang tigang na lalamunan
ay unti-unting nadadarang
ang puso at isipan ng karagatan
pilit kumakawala sa
kaluluwang yumayapos
sa napapagod ngunit
nag-iinit na kalamnan

ito at nakahandusay
ang buong kahubdan
na tila inararo ng daluyong,
hindi makabangon,
niyayakap ang dilim
habang parang isang uwak
na sumisigaw
ngunit buhangin lamang
ang nakakarinig

tuluyan nang pumikit
ang ningning ng mga bituin
at kinalimutan ang lasa
ng ligaya

Miyerkules, Marso 21, 2012

BYAHENG ALABANG

marami na ang lumisan
ang iba nama'y nakabalik na
samantalang ang sinasakyan ko
ay narito pa rin
naghihintay mapunan
ang bawat hungkag na upuan
ang iba'y naiinip
at hindi na nakapaghintay
may dalawang pumanhik
ngunit may tatlong pumanaog
tayo na't lumarga
bago pa man tumabang
ang lasa ng pagtitiis

Lunes, Marso 19, 2012

SABAW

sinabawang petchay at tilapia
ang aking natikman kahapon sa Calamba
mainit na sabaw ang gumising sa aking diwa
ngunit sabi ng mga matatanda
huwag daw akong maging sugapa
sa sinabawang petchay at tilapia
dahil ito raw ay labis na nakakataba
sabi ko naman, di na baleng maging sugapa
sa sinabawang petchay at tilapia
kaysa naman yung ibang sabaw ng petchay at tilapia
na kinababaliwan ng may mga bigoteng medyo matanda.

ito ay hindi isang tula, rap ito, rap!

Lunes, Pebrero 6, 2012

PAGHIHINTAY

Pag-ibig na inukit sa ulap
sa pag-ihip ng hangin mula Amihan
tinangay at hindi na mahanap.
Sinubukan ko'ng sumabay
sa magulo'ng agos ng buhay
hanggang mapadpad sa Katimugan.























Narito ako'ng muli sa dati'ng tagpuan
nagpapaduyan sa mapupusok na mga ulap.
Habang naghihintay sa muli'ng pag-ihip
ng hangin mula Amihan
ako'y umuukit ng panawagan
baka sakali'ng ito'y mapadpad
sa iyo'ng kinaroroonan

Miyerkules, Pebrero 1, 2012

KM2 (ANG HULING EL BIMBO NI MAGDALENA) :REPOST

Takipsilim. Tikas at kisig ng haring araw ay unti-unting nagagapi’t nilalamon ng kadiliman. Puri ng kapaligira’y halinhinan nitong maaangkin sa harapan ng mga naglilingkisang mga ilaw sa kabahaya’t sasakyan. Nagpapahiwatig ng pagtutol. Pilit lumalaban subalit nagparaya rin sa kalaunan.

Kasabay ng pagliyab nitong mitsa ng gabi ay ang muling pagtatala ng panibagong pahina sa yugto ng pakikipagbuno. Ngunit pangkaraniwan.

Inaaliw ang mga nalulumbay.

Pinapaligaya ang mga nalulungkot.

Pinapainit ang mga nanlalamig.

Habang lumalalim itong gabi’y pilit idinidilat ang mga mata. Katulad ng isang manananggal. Sikmura’y kumakalam.

Tingin sa iyo’y banal.
Sinasamba.
Subalit pinagnanasaan.
Kawangis ay pulot-pukyutan na pinagsasaluhan ng mga langgam habang dahan-dahang inuubos ang taglay nitong tamis. Tila isang maharlika na tadtad ng ginto ang buong katawan.

Ika’y Magdalena ng mapanghusgang lipunan na pilit sumasabay sa makabagong panahon.

Umiindayog. Ihinahain ang katawan katulad ng isang pulutan na ginagawang pampagana sa inuman. Sa harap ng malapad na salamin. Sa entablado’y pinapalibutan ng makukulay ngunit patay-sinding mga ilaw. Kasabay ng pagbulusok ng mapusok na usok ay marahang tinatanggal ang kapirasong saplot na sa kuyukot ay bumabalot.

Gumigiling sa bawat bigkas ng liriko sa awiting Huling El Bimbo. Hinahaplos ang kaselanan.
Paitaas.
Paibaba.
Sumusunod sa bawat alingawngaw na dulot ng hiyawan. Nanlilisik at namumungay na mga mata’y nagdiriwang. Animo’y mga mata ng mga paniki na kayang magbigay liwanag sa isang malaking yungib.

Sa loob ng malamig na silid ay nagingibabaw ang init ng mga bisig na sa katawa’y gumagapos. Bisig na kahambing ay dikya sa karagatan. Taglay ay kakaibang kuryenteng sapat upang daluyin ang buong kalamnan at gisingin ang natutulog na pagnanasa. Sa bawat hugot at baon ng kanyang pagkalalaki ay namamayani sa buong silid ang mga mapagkunwaring halinghing.

Pagtatampisaw ay nagwakas. Katawa’y lupaypay. Pagkatapos parausan ay iniwan.
Nangangalumata.
Wala sa sarili.
Panibugho sa damdami’y bumabalot na tiyak peklat ang magiging dulot.
Nagtatanong.
Naghahanap ng kasagutan.

Takipsilim. Kisig at tikas ng damdamin ay unti-unting tumitibag sa pader na dulot ng buhay na lugami sa hirap. Naglilingkisang mga ilaw sa kabahaya’t sasakyan kasama ang maluwalhati na paghingi ng gabay sa Maykapal ay s’yang liwanag upang adhika’y makamtan.

Martes, Enero 24, 2012

PAGLAKAKBAY SA HATINGGABI

nilangoy ng balintataw
ang kadiliman
ng hatinggabi
hanggang sa marating
ang laot
na kinaroroonan
ng kastilyo ng diwa.
sarado't nakakandado
man ang bintana
ng kaluluwa
ay pilit pa ring
dinudungaw tangan
ang pag-asang
ito'y magbubukas.
habang bumabaon
ang mga tinik
ng simoy ng hangin
ay dahan-dahan ding
kumakalat sa buong
kalamnan ang pait
ng kabiguan

nilakbay ng balintataw
ang kadiliman
ng hatinggabi
sa saliw ng pakupas
na ningning
ng mga bituin
sa kalangitan.
kabundukan at malawak
na kapatagan
ang dinaanan
hanggang sa marating
ang lihim na batis
na kinaroonan
ng panandaliang ligaya.
bagong sibol
na mga damo
ang pumapalibot
marahang agos
ng kumikinang
na kristal
ang nang-aakit,
nakakadarang.
sa pagtatampisaw
ay damang-dama
ang init na pinangarap.
dagliang natunaw
ang pait at
lumutang ang ginhawa
kaya mananatiling
magtampisaw
hanggang sa pagpikit
ng mga bituin

Lunes, Enero 2, 2012

2012

dumating kang ganap
kasabay ng ingay at mga
kumukutitap na palamuti
sa kalangitan,
ilang oras bago sumapit
ang bukang-liwayway

ako nama'y nilisan
ang isang makulay
na kabanata
upang silayin ka
ng buong galak
at yakapin ang buo
mong kahubdan

saglit kong pinahiran
ng tingin
ang misteryoso
mong anyo
habang binabagtas
ng aking isipan
ang kailaliman ng
dala mong pahiwatig

di man arok at tiyak
ako'y magtatampisaw
ako'y lalangoy
at aking lalasapin
ang iyong dulot

Linggo, Enero 1, 2012

DOON

gahibla lamang ng buhok ang pagitan
ng pagbubukas at pamamaalam
binulabog ng putukan
ang inaantok na diwa ng kapaligiran

gahibla lamang ng buhok ang pagitan
ng pagbubukas at pamamaalam
sa aking balintataw
kulay abong usok ang pumukaw

gahibla lamang ng buhok ang pagitan
ng pagbubukas at pamamaalam
mga agam-agam sa hinagap
ang s'yang nais pumigil sa mga pangarap

ang ngayon ay ang bukas
na nagpupumiglas sa dalit ng kahapon
at ang pangarap ay ang bukas
na nagpupumiglas sa dalit ng agam-agam
sa gahibla ng buhok na pagitan
ng pagbubukas at pamamaalam