Miyerkules, Hunyo 6, 2012

KM3: TINIG (SA PAGKUMPAS NARIRINIG ANG AKING TINIG)

Nagkukulay-lila na ang dapit-hapon. Sasapit na namang muli ang yugto ng pagkinang ng mga bituin sa kahabaan ng gabi. Hudyat na ito upang aking ihimlay ang katawan na hapung-hapo sa maghapong pakikipagsapalaran. Maipagpapahinga ko na rin ang nagsisilbi kong tinig - ang aking mga kamay na nangangalay sa pakikipag-usap at pagpapaliwanag. Tanging sa pagkumpas nito ay nauunawan ako ng ibang tao. Naihahayag ko ang aking damdamin. Kapag ako’y nagagalak, nalulungkot o nagagalit, ito ay nakikita sa paraan ng aking pagkumpas. Pero madalas ito’y natatahimik kapag nakararanas ng pangungutya. Walang katulad ang taglay nitong katahimikan. Hindi na mabilang ang ganitong pagkakataon. Ilang patong na ng mga sugat ang paulit-ulit na humihiwa sa kalyado kong puso. May peklat na ito ng pangmamanhid, subalit may mga hiwa pa rin ang pilit bumabaon. Ang makitang nasasaktan ang aking pamilya sa pangungutya ng ibang tao sa aking kalagayan.

Ang gabi ang tangi kong kanlungan at sumbungan. Dito ay nakakusap ko ang aking sarili. Walang nagaganap na pagpapaliwanag. Dito ay natitimbang ko ang tamis at pait ng nagdaang maghapon. Dito ay nayayakap ko ang ligaya na walang tinik ng pangungutya. Subalit dito rin minsan umiiyak ang pagal kong damdamin. Sa tuwing ipinipikit ko na ang aking mga mata, lahat ay nagiging payapa. Nagiging hungkag ang isipan. At sa tuwing natutulog na ang diwa, ako’y lumulutang sa alapaap ng walang hanggang ligaya - ang pagtatampisaw sa panaginip. Kumukumpas sa nagbunbunying mga ulap ang aking mga kamay nang walang kapaguran. Sumisigaw, humahalakhak at umaawit. Subalit habang unti-unting kumukupas ang kulay ng gabi ay hindi ko napipigilan ang andap ng pangamba - ang bangungot ng katotohanan.

Nagkukulay-dilaw na ang umaga. Nakangiti ang araw sa matagumpay nitong pakikipagbuno sa karimlan na taglay ng mahabang gabi. Hudyat na ito ng muling pagkumpas ng panibagong kapalaran kasabay ng pagkumpas ng natatangi kong mga tinig. Hindi man ito kayang tangayin ng hangin mula sa aking damdamin patungo sa pandinig ng nakararami, titiyakin kong sa bawat pagkumpas ng aking mga kamay ay guguhit ito ng ngiti sa inyong mga labi at magdudulot ng ligaya sa inyong mga damdamin.

14 (na) komento:

  1. kanina ko pa inaabangan 'to sir joey!

    mapapagod at mahihirapan ang mga hurado sa dami ng magagandang entry.
    goodluck!

    TumugonBurahin
  2. heto na.. hehe.. galing adre.. good luck

    TumugonBurahin
  3. mahusay sir joey

    humaplos sa aking damdamin ang kumpas ng iyong mga kamay.

    kay sarap basahin.. :)

    TumugonBurahin
  4. hello, mangingibig,

    nakiraan lang at nakibasa. may laman at mabini(?!) ang iyong prose. ^^

    good luck sa iyong akda sa patimpalak and regards. :)

    TumugonBurahin
  5. ayown oh!!!.. galing ni ser joey... goodluck! :D

    TumugonBurahin
  6. inaantay ko talaga ang entry mo...walang stir, on the spot na naman.
    yung tipong nakikipagusap...EPIC!!!

    TumugonBurahin
  7. Parang ang lalim-lalim ng pinaghugutan ng entry mo na ito Joey, kailangan ko talagang i-google ang ilang salitang ginamit para maintindihan ko hahaha. Pag ganitong labanan talaga ang hirap mong tapatan. Ikaw na!

    TumugonBurahin
  8. ang husay sir joey,para idinuduyan ang aking puso sa haplos at indayog ng iyong salita at tinig na ipinahihiwatig nito!

    kainaman din ito!

    goodluck pare!

    TumugonBurahin
  9. SER JOEY!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!
    hahahahaha
    wala ka pa ding kupas magsulat
    God bless sa iyo!
    xD

    Namiss ko kayong lahat!

    TumugonBurahin
  10. Ang tamis ng mga salitang ginamit.

    matamis tlga?? hehe

    sumabay ako sa pagkumpas ng magandang akdang ito.

    mahusay.

    IDol!!!

    TumugonBurahin
  11. maganda pagkakagawa...lagi ka talagang sumasali.......di na pala ako puwede pa makasali kasi dapat june 6......di ko masyado napansin ang pa kontest na ito...ewan kung puwede pa..

    TumugonBurahin
  12. Banayad na tila agos ng tubig papagawi sa libtong. Mahinhin ang mga pangungusap pero nagpapakita ng kagandahan ng buhay sa kabila ng kapansanan. Na ang Diyos ay marunong at laging pantay kahit na sabihin pa ng iba na hindi. Sa pagkumpas niya, sino ang magsasabi na ito'y nauunawaan at kayang maintindihan ng nakapagbubuka ng bibig. Sino ang gagawa na ang tinig niya'y sa kumpas lamang pero may mensaheng malinaw na naipararating. Hindi ba't isa itong hiwaga ng buhay?

    Malalim ang iyong pandama upang bigyang espasyo ang kadalasa'y "espesyal" sa hanay ng buhay. Espesyal dahil hindi pangkaraniwan.

    Tatapusin ko ito sa mga salitang, ang pagkumpas ay tinig ng isang piping naghuhumiyaw ng pagkakapantay-pantay hindi man dito pero doon sa kabilang ibayo.

    Maraming salamat sa pakikilahok sa KM3: Tinig

    TumugonBurahin
  13. Mga tinig na pinagkait,
    sa dyos ay may himig,
    sa kumpas ng bawat kamay
    nangungusap ang kaway

    dark angel

    TumugonBurahin