Martes, Oktubre 15, 2013

ALABANG-ZAPOTE ROAD (ANG AKING KANLUNGAN, ANG AKING TAHANAN)



Masungit o payapa man ang panahon,
Paulit-ulit ko itong binabagtas,
Simula umaga hanggang hapon.
Katulad ng aking buhay na hindi batid
Ang pinagmulan at ang patutunguhan.
Hindi ko rin marahil alam kung ano’ng mayroon
Sa magkabilang dulo nitong lansangan;
Ngunit, ito’y itinuturing kong tunay
Na kanlungan at tahanan.

Sa musmos kong katawan at isipan,
Ang ingay dito’y aking kapayapaan,
Ang usok dito’y aking kalusugan,
At lalong ang panganib dito
Ay aking kaligtasan;
Ang sikmura kong kumakalam
Ay sandaling nagkakaroon ng laman,
Dahil sa barya-baryang biyaya
Sa paulit-ulit kong pag-awit
Ng kantang “Pangarap ko ang ibigin ka”
Nang wala sa tono at tiyempo.
Kahit  hindi ko rin alam ang kahulugan
At ang ipinaglalaban ng gumawa ng kantang ito.

May iilang sa akin ay tumataboy,
Sinisisi at tinatanong kung nasaan
ang aking mga magulang.
Gigil lang daw ng puson ang inaatupag,
Kaya ang mga kabataang katulad ko
Ay dumarami at pakalat-kalat.
Kung akin lamang itong lansangan
 At ang mga sasakyang dumaraan,
Ako sana ngayo’y tanyag at mayaman;
Sa aki’y wala sanang mang-aalipusta,
At lalong ang kalam nitong sikmura
Ay hindi na ako mag-aalala.
Alam kong ito’y materyal na bagay lamang
Dahil ang tunay kong kailangan
Ay ang isang tahanan na may mapagmahal
At mapag-arugang mga magulang.

 -----------------------------------------------------------------------------------
Ang tulang ito ay ang aking opisyal na lahok
bilang suporta sa Saranggola Blog Awards 2013.




Martes, Agosto 20, 2013

DEAR MAGNANAKAW!

Dear magnanakaw,

Alam ko di mo mababasa ito, gusto ko lang malaman ng mga nakakikilala sa akin na nanakawan ako. Bakit ba?

Noong Linggo, August 18, isinabay mo sa lakas ng ulan ang una mong pagkana. Tinangay mo ang dalawa kong sapatos pati yung Marikina made na tsinelas ng kapitbahay. Pero naka-move-on na kaagad ako kinabukasan. Kahit tinangay mo yung dalawa kong sapatos, napasalamat pa rin ako dahil iniwan mo pa yung pantakbo ko saka dalawang tsinelas. Siguro kaya hindi mo iyon kinuha dahil may kalumaan na. Tingin mo hindi mo na mapakikinabangan.

Pero naisip ko pa rin na babalik ka kaya hindi ako natutulog. Inaabangan kita. Pero sabi ni kumander matalino ka daw, hindi ka babalik dahil inaabangan ka. Kaya naman naging kampante ako. Kaso kumana ka na naman kaninang umaga. Sa kasagsagan ulit ng malakas na ulan. Binalikan mo pa yung hindi mo kinuha noong una. Ngayon, wala na akong tsinelas at iisa nalang ang aking sapatos, sira-sira pa.

Namimiss ko na yang pangtakbo kong sapatos, dapat nilabhan ko muna yan para komportable kang maisuot yan. Simula kasi nang nabili ko yan sa ukay-ukay noong 2011 sa halagang 800 pesos hindi ko pa yan nalabhan. Kahit ganyan yan, naka-ilang kilometro na rin yan pero wala pa ring sira. Nakadalawang 21k at nakadalawang Condura Skyway Marathon na 'yan. At apat na beses sa isang linggo ko 'yan itinatakbo tuwing umaga. Luma lang talaga yan tingnan.

Ngayong nasa iyo na ang mga sapatos at tsinelas ko. Sana yung mga kamalasan at mga bad vibes na naranasan ko noong ginagamit ko pa yang mga yan ay mapapasa  sa 'yo. As in yung lahat-lahat. Joke lang yung sinabi ko sa Facebook na ang sumpa ng mga sapatos ko ay nakatitisod madalas ng chicks.

Pero kung sakaling mababasa mo man ito, kung sakali lang, ito talaga ang sasabihin at nais kong iparating sa iyo:

PUTANG INA MO, ALAM KO SA IISANG LUGAR LANG TAYO NAKATIRA, MAGKITA TAYO SA TAPAT NG GATE! ONE-ON-ONE TAYO! MAGSAPAKAN TAYO! HINDOT!

Galit na galit at umuusok ang ilong,
Joey

Lunes, Hulyo 29, 2013

DEAR BLOND NA ATE NA NAKA-SOMBRERONG ITIM, NAKA-SLEEVELESS NA BLUE AT NAKA-PEKPEK SHORTS

Una sa lahat, magandang araw sa 'yo. Kamusta ka na? Sana ay nairaos ninyo ng burgis mong syota ang libog at init ng inyong mga katawan nitong mga nagdaang araw. At sana ay nairaos ninyo ito sa isang tahimik, pribado at malamig na lugar.

Dito ko na lamanag ibuhos ang pagkadismaya, pagkaawa at katanungan ko sa 'yo tungkol sa mga nasaksihan ko dalawang araw na ang nakararaan. Pumasok ako sa saradong lugar na iyon na bukas ang isipan. Inaasahan kong sa loob noon ay mayroong alak, yosi, malakas na tugtog, mga kumikislap na mga ilaw at mga kababaihang may mga seksing kasuotan. Pati kantahan at sayawan –sayawang may kasamang pang-aakit sa kapareha. At syempre ang patagong halikan at hawakan. Pero hindi ko inaasahan ang laplapan at ang kung anu-ano pang kababuyan.

Noong pumasok ako, una kong napansin ang grupo ninyo dahil medyo may gaslaw ang iyong bawat galaw. May isa pa nga sa inyo na sumasayaw na nag-dodouble step. Noong una, napa-wow ako. Pero nang maglaon, ang patago ay naging bulgar at wala na kayong pakialam sa iba pang mga taong naroon.

Ayus lang naman ang mapang-akit na sayaw sa mga ganoong lugar. Siguro? Pero ang i-perform ninyo ang iba't-ibang posisyon ng pagsisiping (masyado yatang pormal ang salitang pagsisiping dahil kombinasyon ito ng malisya at pagmamahalan samantalang ang inyong ginawa ay kalibugan at bastusan) katulad ng dog style at helicopter style, nang paulit-ulit. May ilang pumuna pero hindi hayagan. Idinaan sa mga bouncers at waiters pero wa-epek. Malakas yata yung dyowa mo doon, parokyano na. Gusto kong lumapit pero tiyak gulo yun kapag ginawa ko. Kaya lumayas na lang ako at dinurog ko na lamang sa aking isipan ang pagmumukha ng kupal mong dyowa. Pero hinintay ko talaga na pumalag ka eh, kaso wala. Nag-eenjoy ka pa nga yata.

Hindi ako nalilibugan sa kaburgisan ninyo ate. Nanggigil ako sa galit doon sa dyowa mo at nachi-cheapan at naawa ako sa 'yo. Bakit hinayaan mong gawin 'yon sa 'yo? Sa publikong lugar pinayagan mo s'yang lamutakin ang matarik mong dibdib, himasin ang makinis mong tiyan at hita. At ang malala, hinayaan mo s'yang ipasok ang kanyang kamay sa loob ng iyong pekpek shorts? Bakit ate? Dahil ba ibinigay n'ya sa 'yo ang lahat ng materyal na bagay na pinangarap mo. Nakapagpadala ka ng pera sa mga kamag-anak mo dahil sa kanya? Ops! Sorry! Masyado na kitang hinuhusgahan. Hindi 'yan ang ipinupunto ko.

Sa bansa natin ate, maraming kababaihan ang patuloy na nakikipaglaban at nagsusulong ng karapatan ng kababaihan. Pero ikaw, bakit? Di mo ba alam na sa ginawa mo ay magkakaroon pa ng pagkakataon na tratuhin ng gagong yan ang iba pang kababaihan natin katulad nang pagtrato sa 'yo? Masyado mo lang pinapaliit ang tingin nila sa kababayan natin. Hindi ko alam kung tamang sabihin kong hindi ko sila masisisi. Pero ang natitiyak ko lang na mali ay ang hindi ko pagpalag at makinood na lang din. Nasa Pilipinas s'ya, sa bayan natin pero kinupal tayo.

P.S.
Hindi nababastos at namamanyak ang ilang mga kababaihan dahil sa kanilang kasuotan. Mayroon lang talagang likas na manyak at bastos kaya may namamanyak at nabastos. Pero palag-palag rin pag may time ate!
P.S. Ulit
Kung alak man ang s'yang dahilan kung bakit kayo naging exhibistionists, maari bang huwag na kayong tumoma kung hindi ninyo kayang pigilin ang kapangyarihan nito na mapunta sa inyong isipan?

Ang nagdiriwang ng kaarawan,
JoeyVelunta

Lunes, Hulyo 1, 2013

SONETO SA MGA MAY MALULUBHANG KARAMDAMAN

Sa umaga ang katawa’y tinatamad,
Mga unan at higaan ang katalik
Walang sarap. Walang daing. Walang palag.
Isang araw ang dibdib ko ay nanikip.

Naisipang sa pagtakbo ay sumugal,
Lumang sapatos ang nagiging kaagapay.
Hindi hangad ang hiyawan at parangal;
Bawat hakbang sa may sakit inialay.

Kalusugan sa kanila ay inagaw;
Nakatagong kasiyahan at ligaya,
Sa inindang karamdaman ay nalusaw.
Luha ang nagpapalinaw sa kanilang bawat umaga.

Sa  bawat  hakbang pakiramdam ko ay langit,
Dahil ang mga ulap, parating nariyan nang-aakit.


--------------------------------------------------------------------
Ito ang aking opisyal na lahok sa patimpalak ni Iyakhin "Nakaapat na si Iyakhin, Pumayat ka na ba?"

SHUT UP AND BURN

Martes, Hunyo 25, 2013

BITIN SA HAGOD AT DALOY

Alas tres na ng madaling araw
At unti-unti nang inaakit ng antok
Itong aking mga mata.
Ngunit sa Black Eyed Peas,
Tila pasibol pa lamang ang gabi
Dahil sa kauulit nang pagbigkas
Ng "I got a feeling...
That tonight's gonna be a good night".

Ang kislap naman ng mga ilaw ay nagbubunyi,
Dahan-dahang gumagapang nang paulit-ulit
Sa bawat pader ng silid na aking kinalalagyan.
Pinagmamasdan ko lamang ang mga pader,
Hindi sila gumagalaw, walang emosyon.
Ngunit sa tuwing hahagod ang liwanag
mula sa mga mahaharot na ilaw,
Sandali silang nagagalak, kumikinang.
Ngunit may bakas ng pagkabigo't pagkabitin.

Sa aking palagay, ang kanilang nadarama
Ay katulad ng nadarama nitong aking lalamunan
Sa tuwing dumadaloy ang pait at init
Ng isang tasang kape – nabubuhay panandalian.
At maghihintay kung kailan ang muling pagdaloy.
At manalig sa binibigkas ng Black Eyed Peas
Na "I got a feeling...
That tonight's gonna be a good night"


Nang paulit-ulit.