Miyerkules, Hunyo 27, 2012
SIKYU AKO!
Kung ako'y may dalang sumpa,
Matigas ito't mahaba
Ang tawag dito'y batuta.
Lunes, Hunyo 18, 2012
TAKDANG ARALIN: SUKAT AT TUGMA (TUGMAAN NG MGA MALAKAS AT MAHINANG KATINIG)
TANAGA: Binubuo ito ng apat na taludtod, at bawat taludtod ay may pitong pantig
Tugmaan ng Katinig na malakas
Ang bahaghari’y hungkag;
Ulan ay hinahamak,
Pag araw ay sisikat;
Ang lupa’y maghihirap.
Tugmaan ng Katinig na mahina
Isang hakbang pasulong,
Ang usad ay paurong,
Sa haba ng panahon,
Ang baya’y nagugutom.
DALIT: Binubuo ito ng apat na taludtod, at bawat taludtod ay may walong pantig
Tugmaan ng Katinig na malakas
Mapagod man itong bibig,
Puso ko man ay mamanhid,
Gumapang man sa’king sahig,
Tuloy pa rin ang pag-ibig.
Tugmaan ng Katinig na mahina
Ang pangarap aking tangan,
Sa di tiyak na pagsugal,
iaalay itong buhay,
Alang-alang sa ‘king kulay.
AWIT: Binubuo ito ng apat na taludtod, at bawat taludtod ay may labindalawang pantig. Mayroon rin itong 6/6 na Caesura*.
Tugmaan ng Katinig na malakas
Hindi pa man ganap o huwad ang isip,
Kapag nagugutom s’ya ay tumatangis,
Inosenteng labi uha’ng bukambibig,
Ito’y isang himig sa t’wing naririnig.
Tugmaan ng Katinig na mahina
Sa tuktok ng papag nitong pag-aasam,
Walang humpay itong aking pagdarasal,
Upang makaahon sa hirap ng buhay,
Ngunit kaluluwa’y tinupok ng anay.
*Ang Caesura o hati ay ang regular na pagtigil o paghinga sa loob ng isang taludtod sang-ayon sa mga pagpangkat ng mga salita't bigkas sa taludtod.
Mga uri ng katinig na malakas b, d, g, k, p, s, at t
Mga uri ng katinig na mahina l, m, n, ng, r, w, at y
Dapat ring isaalang-alang na magkapareho ang bawat patinig bago ang katinig na pantugma.
Halimbawa:
hungkag
hamak
sikat
hirap
Biyernes, Hunyo 15, 2012
TAKDANG ARALIN: SUKAT AT TUGMA (TUGMAAN NG PATINIG NA MAY IMPIT AT WALANG IMPIT)
Tugmaan ng patinig na may impit
Matamis sa simula
Lahat tila biyaya
Bunga ng pulot-gata
Mapapait na luha
Tugmaan ng patinig na walang impit
Kilalang matalino
Ayaw maging anino
Nagpadala sa tukso
Hinagupit ng bagyo
DALIT: Binubuo ito ng apat na taludtod, at bawat taludtod ay may walong pantig
Tugmaan ng patinig na may impit
Sintunado yaring puso
Tudla nito ay malabo
Kadalasa’y nabibigo
Luha nito’y purong dugo
Tugmaan ng patinig na walang impit
Kasiping ko’y alaala
Kalaguyo’y pagdurusa
May hiwatig ang ligaya
Kapag yakap aking reyna
AWIT: Binubuo ito ng apat na taludtod, at bawat taludtod ay may labindalawang pantig. Mayroon rin itong 6/6 na Caesura*.
Tugmaan ng patinig na may impit
Ako’y nakadungaw sa lumang bintana
Taglay n’yang kalawang at pagkakalugta
Ang s’yang pumipigil nitong aking diwa
Nang di makalipad at makatingala
Tugmaan ng patinig na walang impit
Tanging pangarap ko, ika’y makasama
Hatid mo’y ligaya sa bawat umaga
Kung makaramdam ka ng sakit at dusa
Basagin mo na lang itong aking panga
*Ang Caesura o hati ay ang regular na pagtigil o paghinga sa loob ng isang taludtod sang-ayon sa mga pagpangkat ng mga salita't bigkas sa taludtod.
Miyerkules, Hunyo 6, 2012
KM3: TINIG (SA PAGKUMPAS NARIRINIG ANG AKING TINIG)
Ang gabi ang tangi kong kanlungan at sumbungan. Dito ay nakakusap ko ang aking sarili. Walang nagaganap na pagpapaliwanag. Dito ay natitimbang ko ang tamis at pait ng nagdaang maghapon. Dito ay nayayakap ko ang ligaya na walang tinik ng pangungutya. Subalit dito rin minsan umiiyak ang pagal kong damdamin. Sa tuwing ipinipikit ko na ang aking mga mata, lahat ay nagiging payapa. Nagiging hungkag ang isipan. At sa tuwing natutulog na ang diwa, ako’y lumulutang sa alapaap ng walang hanggang ligaya - ang pagtatampisaw sa panaginip. Kumukumpas sa nagbunbunying mga ulap ang aking mga kamay nang walang kapaguran. Sumisigaw, humahalakhak at umaawit. Subalit habang unti-unting kumukupas ang kulay ng gabi ay hindi ko napipigilan ang andap ng pangamba - ang bangungot ng katotohanan.
Nagkukulay-dilaw na ang umaga. Nakangiti ang araw sa matagumpay nitong pakikipagbuno sa karimlan na taglay ng mahabang gabi. Hudyat na ito ng muling pagkumpas ng panibagong kapalaran kasabay ng pagkumpas ng natatangi kong mga tinig. Hindi man ito kayang tangayin ng hangin mula sa aking damdamin patungo sa pandinig ng nakararami, titiyakin kong sa bawat pagkumpas ng aking mga kamay ay guguhit ito ng ngiti sa inyong mga labi at magdudulot ng ligaya sa inyong mga damdamin.Lunes, Hunyo 4, 2012
DALAWANG TAON
taong anibersaryo ng pagpanaw
Sa loob ng dalawang taon,
Ako'y walang humpay na nakikipagsiping
Sa mapupusok na alaala.
Mapipigtas na ang mga ugat
Sa bawat sulok ng aking isipan.
Sa huli'y naiwan akong laspag
At nakahandusay sa papag
Ng pangungulila at paghahangad.
Sa loob ng dalawang taon,
Di man tiyak ang patutunguhan,
Ako'y nagpatangay sa agos ng pagsisisi;
Habol-hininga akong umahon,
Dama ang hapdi at sakit
Ng bawat galos at pasa sa buong katawan.
Habang niyayapos ng malamig na hangin,
Ako ngayo'y nangangatog sa ginaw
At nakabaon ang mga paa sa buhangin
Ng mga dapat sana.