Linggo, Enero 30, 2011

ANG MGA BABAENG NAGPAPANTASYA SA AKIN

Dahil sa naunang lathala bago itong kasalukuyan ninyong binabasa pinuputakte at pinaulanan ng galit at sama ng loob ang inyong lingkod. Pero ang galit at sama ng loob na ito ay hindi galing sa mga dilag na pinaparinggan ko sa nasabing lathala kundi ito'y galing sa mga babaeng nagpapantasya sa akin at nag-aasam na maangkin at matikman ang malainukit kong pangangatawan. Bakit di nalang daw sila ang pagpapantasyahan ko at wag nang sayangin ang panahon sa kakapantasya sa mga babaeng hindi interesado sa akin. Ngunit nang sagutin ko sila ng pabalang na "Kapag nangyari yang kagustuhan ninyo hindi na mabubuo ang tinatawag nilang food chain" ay lalo silang nagngitngit sa galit at pinagbantaan ako. Ito ang banta nila sa akin: JOEY DARATING RIN ANG ARAW NA TANGING MUKHA MO NALANG ANG MAGAGALIT SA'YO AT SA ARAW RIN NA IYON TIYAK BALAHIBO MO NA LANG ANG TATAYO SA'YO.

Nakakasindak ang mga katagang 'yan, ano nalang ang gagawin ko kapag dumating ang araw na mangyari ang sinasabi nila.

Biyernes, Enero 28, 2011

MGA BABAE SA AKING PANTASYA

Ang mensaheng ito ay para sa inyong
mga dilag na aking pinapangarap.
Marahil ni sa panaginip ay di ko
kayo magawang mahagilap upang makasama
kaya titingala na lang ako sa kalangitan
at makontento na lang sa pagbulong ng
"DARATING DIN ANG ARAW NA LUHA NALANG
ANG KAKATAS SA INYO"

Martes, Enero 25, 2011

BOMBAHAN NAMAN NGAYON

Ilang araw pa lang ang nakakalipas nung kumalat sa radyo at telebisyon ang kahindikdik na balita tungkol sa krimen di lang pangangarnap kundi pangingidnap at pagpatay sa ilan sa mga negosyante ng mga segunda manong sasakyan. Hanggang sa kasalukuyan di pa rin mawaglit sa isipan ng sambayan sa kalunoslunos na pangyayaring iyon marahil hindi pa tapos ang pagsisiyasat sa kaso at hanggang sa kasalukuyan ay di pa rin nahuli ang ilan sa mga utak ng krimen. Patuloy pa rin itong bukambibig ng mga Reporter sa radyo at telebisyon mapaumaga, tanghali at lalong lalo na sa gabi.

Di pa man tapos ang nakaraang dagok ay ito na naman tayo sa panibagong delubyo. Ang nauulat na pagsabog ng isang pampublikong bus na byaheng EDSA na kung saan 2 ang naiulat na nasawi at di bababa sa 17 ang sugatan. Sino ang may kagagawan nito? Terrorista ba? O baka ang mga taong sangkot lang din sa krimen na nangyari nitong nakaraang linggo na aking nabanggit sa itaas para lang maibaon yon sa limot dahil masyado na itong "talk of the town".

Puro nalang negatibo ang mga laman ng balita ngayon. Pagkatapos ng pangangarnap at patayan, bombahan naman ngayon? Di ba pwedeng MAGMAHALAN nalang tayong mga Pilipino? Ang sarap sa tenga kung ganito ang magiging laman ng balita "MAY PAG-IBIG SUMABOG SA KANTO NG BUENDIA AT EDSA APAT ANG LUBHANG NATAMAAN AT SA KASALUKUYAN SILA AY NAGMAMAHALAN"

Miyerkules, Enero 19, 2011

ULAN

Mainit na champorado, umuusok, may kasamang tuyo. Yan ang nais ko ngayong malamig at maulang araw na ito. Masarap din maglakad sa labas. Basa at matubig ang daanan. Marami kang makikitang may dalang payong panangga laban sa ulan dahil ayaw nilang magkasakit. Pero di ba ang sarap mabasa ng ulan?

Manunumbalik sa iyong ala-ala ang mga pangyayari nung ikaw ay bata pa. Wala pang malay sa mga pangyayari at riyalidad ng ng buhay at lipunan. Nung panahon na pag may problema o nadapa ka. Umiiyak. Nariyan lang si inay mo at pupunasan ang mga luhang dumadaloy sa iyong pisngi. At gagamutin ang kung ano mang sugat na iyong natamo sa iyong pagkadapa.

Ang maglalakad sa ilalim ng malakas na ulan ay maituturing kong isa sa mga maraming paraan upang takasan saglit ang kasalukuyan. Pagtakas hindi para talikuran ng tuluyan. Kundi para magkaroon ng tapang upang harapin muli ang mga hamon ng kinabukasan. Dahil sa tumataas na ang antas ng pang-unawa natin sa mga pangyayaring nagaganap sa ating buhay at sa lipunan. Tumataas rin ang antas ng hamon at pagsubok na ating kaharapin sa kinabukasan.

Dahil dito tataas rin ang posibilidad na tayo ay madapa at masugatan. Pagkadapa na tanging sarili mo lang ang maaaring tutulong at aalalay sa'yo. Pagkasugat na tanging ikaw mismo ang gagamot upang maghilom ito at upang mapawi ang hapdi at sakit na nararamdaman. Malaki ka na. Nariyan nga si inay pero marami ring mas mabibigat na pagsubok ang nilalabanan nya sa ngayon. Ang tangi nya lang maibigay sayo ay ang payo at pagkalinga. Payo at pagkalinga sa isang anak na naghahangad ng gabay ng isang ina.


Hanggang diyan nalang yan dahil napansin ko papalayo na ng papalayo ang sinasabi ko.
Napansin mo? Mula sa champorado napunta sa ulan. Naging payong. Napunta sa pagkabata. Nadapa. Naging problema na naging nanay? Ang lalyo na diba? Pero salamat sa pagbabasa :D inom ka nalang ng biogesic pagkauwi mo sa bahay kung ikaw ay naulanan baka magkasakit. At wag kalimutan ang champorado na may tuyo masarap yun :D

Linggo, Enero 16, 2011

ANG LEO NAGKACANCER

Marahil di na lingid sa ating kaalaman ang pagbabagong naganap sa ating mga Zodiac Signs na simulat sapul nung tayoy pinanganak ay atin ng kinagisnan. Ang nasabing pagbabago ay dahil daw yung sa pagbalentong ng mundo sa kanyang kinasanayang daanan na syang nagdulot ng isang buwang pag usog ng mga bituin.

Marami ang nagulat at hindi sumang ayon sa nangyari dahil ang ating kinasanayang Zodiac Signs mula nung pagkabata ang syang naging basehan ng karamihan sa atin ng ating pagkatao kung papano tayo umasta at makipaghalobilo sa karamihan. Meron namang iba na balewala lang, kumbaga "wa paki". Ano nga ba ang magiging epekto ng pagbabagong ito sa ating pagkatao? Ako? Hindi ko rin alam.

Ang nakatawag lang pansin at kumiliti sa aking isipan ay ang napakaimposibleng "PAGBABAGO" na naganap. Sino sa atin ang magaakalang mangyayari ito? Muling nanumbalik sa aking isipan ang kasabihang walang permanenteng bagay sa mundo kundi ang pagbabago. Ngunit pwede rin natin itong salungatin, e bakit ang uwak di pa rin pumuputi? O yung tagak bakit di parin umiitim? E bakit ako di pa rin ako pumuputi kahit nag o-OLAY na ako? Ang pagbabago ay maaring mangyari ng di inaasahan tulad ng nangyari sa ating Zodiac Sign at pwede ring mangyari ang pagbabago kung ating nanaisin. Ngunit pano nga ba uumpisahan ang pagbabagong nais nating gawin? Yung mga pagbabagong pansarili, para sa ibang tao o yung para sa karamihan?

Pero pagtuunan nalang nating ng pansin ang pansariling pagbabago wag nalang yung para sa lipunan (na nangyayari lamang sa listahan at sa dila ng mga buwayang pulitiko pag parating na ang halalan). Magumpisa muna tayo sa maliit, sa sarili natin dahil ito ang maituturing nating mahirap na kalaban. Posible nga bang mangyari ang ninanais na pagbabago sa sarili? Ang sagot? Dalawang bilog lang OO. Basta gustuhin mo! Yung Zodiac Sign nga na imposibleng magbago, nagbago! Ikaw pa kaya.

Pero teka ano nga ba ang silbi ng pinagsusulat ko nito? Wala! Walang silbi to!Nagsasayang ka lang ng oras sa pagbabasa nito dahil kahit ako di ko alam pinagsasabi ko.

Biyernes, Enero 14, 2011

WAG MASYADO EKSAYTED

Tangnang pisbol yan eh sobrang ang ilap pa rin, sa haba haba ng binabyahe ko at sa dami ng nagtitinda ng pagkaing tuhog tuhog sa kalye na nadadaanan ko araw-araw si pisbol lang ang wala. Bakit nga ba napakailap nya simula nung huli ko siyang natikman? December 11 yun mga alas singko ng hapon at simula nun nag umpisa na akong manabik sa kanya. At dahil dun naranasan ko ang feeling ng "one afternoon stand". Na pagkatapos mo tikman at bayaran di mo na ulit makikita (pakiusap wala akong ideya kung maari ko siyang ikumpara sa "one night stand" dahil wala rin akong ideya kung ano ang ibig sabihin nyan).

Pero kagabi nag-iba lahat ng nararamdaman ko nung pauwi ako galing trabaho. Imaginin nyo yung mga tipikal na eksena sa isang maaksyong pelikula, yung tuwang tuwa na yung bida dahil napabagsak nya na yung kontrabida sa gulpihan nilang dalawa. Pagkatalikod at akmang magyayakapan na sila ng lading lady nya bigla nalang babangon ang kontrabida at makkaapulot ng baril at itututok nya ito sa bida at sisigaw ng "katapusan mo naaaaaaa o di kaya may patalim at bigla nyang sasaksakin ang bida tapos biglang harangin iyon ng lading lady mabaril ito at mamatay at makakapulot din ng baril ang bida at babarilin nya ang kontrabida habang sumisigaw ng hayuuuuuuuuuuuuuuuppppppppp kaaaaaaaaaaaa. Ewan ang gulo gulo na basta intindihin nyo nalang di ko alam panu ikwento eh hahaha serve yourselves nalang mga kapatid.

Basta pauwi na ako nun di kalayuan sa binababaan ko tanaw ko na yung manong nagtitinda ng pisbol, parang malaglag yung puso ko sa galak dahil sa nakita ko "early celebration" agad ako eh kaya napapababa agad ako ng jeep at tumakbo papalapit kay manong. Hingal na hingal pero nakangiting sinabing manong pabili akong pisbol. Tila nasa ulap ako ng mga sandaling iyon ng biglang sabi ni manong "ay sori boss ubos na yung pisbol"...Waaaaaaaaatttttttt? biglang nagdilim paningin ko at gusto kong ibalibag bigla yung tindahan nya eh. Tangnang yan nakakakulot ng dreadlocks eh sarap na sarap na ako at eksayted ng tumuhog at kumain ng pisbol tapos biglang sasabihing wala na. Bumili nalang ako ng kikiam pero habang kumakain ako gusto kong bumuhos ng malakas ang ulan para di mahalatang dadaloy ang ang mga luha ko kung sakaling umiyak man ako.

Miyerkules, Enero 12, 2011

HINAHANAP-HANAP AT HAHANAPIN

isang pagkakataong di inaasahan
sa may kanto ikay nadaanan
at ang sarili ko ay di napigilan
sarap ng iyong lasa ay aking natikman

at magbuhat nuon sarap mo'y lagi ko ng inaasam
ngunit lingid sa aking kaalaman
yun na pala ang una at huling pagkakataon na ikay matikman
sana ay di ka manatiling maging pangarap
naway ang lasa mo't sarap ay muli kong malasap

sa kantong iyon ikay laging aabangan
at sa iyong muling pagdaan
siguradong derecho ka na sa aking lalamunan
na may kasmang maanghang na sawsawan

Miyerkules, Enero 5, 2011

STALKER

Ang sarap pala magstalk ng mga dating crush lalo yung mga mababa ang tingin sayo dahil sa itsura mo. Tunay nga bang lumilipas ang kagandahan? o sadyang wala pa akong nakitang tunay na maamong mukha nung araw. Maaring nakatulong ang pagiging isang manlalakbay at ang pagigig mandidrigma sa hamon ng buhay. Kaya ngayon taas noo kong sasabihin "DI NAMAN PALA KAYO MAGANDA, NAGFEFEELING LANG KAYO KASI MAS ANGAT ANG ITSURA NYO SA NAGKAKAGUSTO SA INYO SAKA AKALA KO LANG PALA YUN MAGANDA KAYO :)))".

Lunes, Enero 3, 2011

LEAVING YESTERDAY BEHIND

Makailang bese na rin akong natanong ng ganito: Kung may gusto kang baguhin sa buhay mo ano ang mga ito? at di lang jan natatapos ang tanong na yan, may kadugtong pa yang Bakit? Kaya nga daw may pambura ang lapis. Pero naniniwala lang ako sa kasabihang yan nung kakisigan ko at ngayon nagkaisip na ako parang baluktot ang tingin ko sa pangangatwiran iyan. kasi kahit pilit mo mang burahin ang mga pagkakamali ay tiyak magiiwan pa rin to ng bakas ng pagkakamali.

Ang nasa itaas ay sadyang simpleng pamagat lamang ng isang awitin pero kung ating pag-isipan ng mejo mababaw ay may kurot sa ating pagkatao. Ang kahapon ay kahapon. At kung meron mang mali, di magandang pangyayari at maling desisyon hayaan ko nalang yun na andoon sa kahapon at di na uungkatin pang muli at mamuhay sa kung ano ang meron sa kasalukuyan. Magsilbing aral nalang ito para sa akin at isiping ito ang maaring maghubog sa akin bilang ako sa kinabukasan.

Linggo, Enero 2, 2011

PAGBABAGO

Marahil tuluyan na ngang nagpalit ang taon ay maaring kasabay nito ang mga hinahangad nating pagbabago di lang sa ating mga sarili kundi pati sa ating lipunan. Ang mga hinangad nating mga pagbabagong ito ay kadalasang ninanais nating magbibigay ng bentahe at positibong bunga sa ating mga sarili. Maaring isang simpleng "new year's resolution" lamang ang mga ito na nakatutok sa pansariling ineteres lamang ngunit lingid sa ating kaalaman maaring magdulot ito ng malaking epekto sa ating lipunan sa kalaunan.

Sa pagpasok ng bagong taon, marami ring mga bagay at pangyari na maaring makakapagbago sa atin at sa lipunan. May mga dadating at meron ding mawawala. Kung may mauuso meron ding malalaos. Ganyan ang agos ng buhay sa lipunan nasa sarili lang natin ang pagpapasya kung kelangan ba nating sumunod sa pangyayari o sa dinidikta sa atind ng lipunan. HINDI MASAMA ANG MAGPATANGAY SA AGOS PERO DAPAT ALAM RIN NATIN SA ATING MGA SARILI KUNG PAPANO LUMANGOY PAPUNTA SA GUSTO NATING DIREKSYON.