Huwebes, Setyembre 22, 2011

WALANG PUSONG BATO KAPAG NASILAYAN ANG NGITI MULA SA LABI MO

Isang MInutong SMILE Logo

Sabi nila, ako raw ay siraulo
Taglay ko raw ang pusong bato
Subalit ako’y naging maamo
Nang masilayan ang ngiti mula sa labi mo


Salamat sa mabubuting sponsors ng SMILE Quotes Contest : Field of Dreams, Alohagems on Squidoo, ISP101 at from the dungeOn.

Miyerkules, Setyembre 21, 2011

FX

inaantok na ang buwan
sa lalim nitong gabi
ito'y nagising lamang
nang makita mata mo't labi

nangungusap mong tingin
buwan ay tila hinaharana
nang-aakit mong mga labi
dampi nito'y nais madama

subalit paano mangyayari
ang mithi at pangarap?
naglaho ka sa karimlan ng gabi
nasaan ka na, babae sa FX
na nasinagan ng liwanag
NG BUWAN?

Huwebes, Setyembre 15, 2011

Huwebes, Setyembre 8, 2011

ANG SUGAT SA PUSO, SA NAGING PUSO NG LAHAT

Likha ni Carol Javier

ang pagluluksa ay walang bilang kung hanggang kailan
walang sukatan kung hanggang saan o kung anong paraan
hindi lamang ito sa dahilan na ako'y nawalan
pati na rin sa karapatang tawagin akong magulang

ito'y paglalakbay sa napakalungkot na daan
malubak at matinik ang aking daraanan
ang tumigil o umiwas, kung paano ay 'di ko alam
'pagkat ang sakit nasa dibdib wala sa talampakan

isang bagay sa buhay ang sumunod na nangyari
pilitin mang doon ibuhos ang lahat ng sisi
alam ko naman na ito'y mali sa aking sarili
at ako, sa akin ang malaking pagkakamali

Huwebes, Setyembre 1, 2011

SAME SHIT, DIFFERENT DAY

"Iba ang titig na may paghanga sa titig na may pagnanasa. Subalit mas lalong iba ang titig na mapanuri sa titig na nanghuhubad ng puri"


Hindi ko alam kung bakit pakiramdam ko ay tila lumuluha ng dugo ang langit kapag wala akong isang taong nasasabihan n'yan sa loob ng isang linggo.

Kung ikaw ay isa sa mapanghusga at mapanghinalang nilalang, nais kong namnamin mo ang mga katagang iyan.

Kung ikaw ay mahilig pumahid ng maduming titig sa mga taong mukhang halang ang bituka, subukan mong ikuskos ang mga katagang 'yan sa iyong mga mata upang sa gayon ay luminis ang iyong paningin at pati na rin ang isipan.

Kung tuwing umaga ay bumabyahe ka papuntang Alabang at narinig na mismo ng dalawa mong tenga ang katagang nabanggit ay maaring nagkasabay na tayo minsan sa iisang dyip.


Sagad na ba sa kahirapan ang mga Pilipino, kaya dumarami na rin ang mga holdaper, manghahablot at mandurukot? O dala ba marahil ng sadsad na kahirapan na ito, kaya ginagawa na lamang libangan ng iba sa atin ang maghinala at manghusga ng kapwa? Minsan dumating na rin ako sa puntong sinisisi ko ang aking mga magulang sa naging anyo ko sa kasalukuyan. Makailang beses ko na ring sinubukang lokohin at kumbinsihin ang aking sarili na ako ay gwapo at simpatiko sa tuwing humaharap ako sa salamin. Pero ni katiting na pag-asa wala akong makita. Sumuko ako at tinggap ang aking pagkatalo. Ako'y hapung-hapo na sa pakikibagay at pag-aayos ng aking sarili. Madumi lang ako tignan. Pero wala sa akin ang problema. Sila ang may problema.

Hahayaan ko na lamang na ako'y mahusgahan. Hindi ko sisisihin ang aking anyo at postura kung bakit kayo nanghuhusga at naghihinala. Sabihin na lamang natin na ito'y isa ninyong libangan, pampalipas oras. O di kaya'y likas na at nakakabit na sa inyong pagkatao ang ganitong gawain.

Kalyado na ako. Hindi na ako nasasaktan katulad noong dati. Manhid na ako.

Ipunas mo man sa akin 'yang mga madudumi mong tingin mula ulo hanggang paa at pabalik sa ulo. Mag-arkuhan man 'yang mga kilay mo at umabot sa bunbunan, ituloy mo lang. Basta asahan mong ika'y makakarinig ng mga katagang ito galing sa akin:
"Iba ang titig na may paghanga sa titig na may pagnanasa. Subalit mas lalong iba ang titig na mapanuri sa titig na nanghuhubad ng puri"
na may kasamang mag-asawang DUTERTE FINGER.

Ito ay ang aking opisyal na lahok sa patimpalak ni Lio bilang pagdiriwang sa ikatlong taong anibersaryo sa pagkakalat ng shit sa internet.