Miyerkules, Hunyo 29, 2011

HUWAG MASYADONG TITIGAN

Nanginginig
Aking dibdib
Mga daliri
Hindi mapakali

Ako'y natatakot. Huwag mo akong diligan ng mga matatalim mong titig. Ako'y nakikiusap. Ako'y nagmamakaawa. Ako'y natutunaw. Tama na. Dahil ang mga nalulusaw na bahagi ay s'ya ring umaapula sa umaapoy kong damdamin.

Naabo
Aking puso
Hangin umihip
Saki'y sumagip

Nilipad
Sa kalawakan napadpad
Lumulutang sa kalungkutan
NAIS HUMIRAM NG KALIGAYAHAN

Martes, Hunyo 21, 2011

MINSAN MAY ISANG IKAW SA BUHAY KO

Nabuo ang tulang ito para sa isang kaibigan.
Ito ang dahilan upang mabuhay muli ang nananamlay na kinasanayan.


Nung minsan may ikaw sa buhay ko
Lahat ng hirap at pagdurusa ay di inalintana
Bawat yugto ay mahalaga at nabubuo
Basta't nariyan ka at kapiling ko

Sabay nating pinagsaluhan ang ating mga pangarap
Mga pangarap na sinulat natin sa ulap
Ngunit lahat ng ito ay biglang naglaho kasabay ng pag-ihip ng hangin
Kaya ang buhay ko ngayon ay di malaman kung saan babaling

Ako ay iyong iniwan sa Gitnang Silangan na may damdaming sugatan
Mag-isang nangangarap at binabalikan
Ang ating mga masasayang nakaraan
Ngunit ako ay lalong nahihirapan pag ang larawan at mensahe ay nasisilayan

Kaya ngayon ako ay nagpasyang tanggapin na lang ang katotohanan
Na sa sarili ikaw ay di na muling makakapiling
Kahit na sa isip ko'y maraming mga katanungan
Na hanggang ngayong ay nanatiling walang kasagutan

Ang mahalaga ay ang mga ala-ala na minsan may isang ikaw
Na bumuo sa buhay ko

Martes, Hunyo 14, 2011

BADJAO

Sir/Mam,

Ako po ay isang "BADJAO" humihingi sa inyo ng kaunting tulong.

Salamat po.



Hindi pangkariniwan ang ganitong tagpo ngayong tag-ulan. Madalas kasi ang makikita mo sa ganitong pagkakataon ay yung mga bata na papanhik sa dyip at dudumihan pupunasan ng maduming basahan ang sapatos ng mga pasahero. Subalit nitong umaga mga batang Badjao ang nakikipagpatintero sa mga sasakyan sa kahabaan ng Alabang-Zapote Road. Akyat sa dyip at magbibigay ng sobre na may nakatatak na katulad ng nasa itaas.

Nagtataka ako kung bakit naka "ALL CAPS" at lutang na lutang ang salitang Badjao? Sinong siraulo ang nagpagawa ng rubbercut nito sa Recto? Bakit itong mga bata na ito ang ginagamit at hinahayaan lang na pakalat-kalat sa kalsada.

Ang galang-galang nung nakaimprenta sa sobre taliwas sa inaasta ng mga bata.

Sinong siraulo naman kaya ang nagturo sa mga batang ito na murahin ang mga pasahero kapag hindi nagbigay? At sasabihin ang ganitong kataga:

"ANG MGA HINDI NAGBIBIGAY AY KUKULAMIN".

Subalit kung ikaw naman ay magbibigay ng barya-barya lang, malamang sa malamang ay ikakasama pa ito ng kanilang kalooban at magwala. Tatanungin ka pa kung bakit barya lang ang ibinigay mo.

Hanggang kailan sila mananatiling nasa kakalsadahan? Hanggang kailan sila gawing sangkalan at gawing negosyo ng mga siraulong mga nasa likod nito. Hanggang kailan manganganib ang mura nilang buhay at isipan?

KAILAN?

Miyerkules, Hunyo 8, 2011

KM2 (ANG HULING EL BIMBO NI MAGDALENA)

Takipsilim. Tikas at kisig ng haring araw ay unti-unting nagagapi’t nilalamon ng kadiliman. Puri ng kapaligira’y halinhinan nitong maaangkin sa harapan ng mga naglilingkisang mga ilaw sa kabahaya’t sasakyan. Nagpapahiwatig ng pagtutol. Pilit lumalaban subalit nagparaya rin sa kalaunan.

Kasabay ng pagliyab nitong mitsa ng gabi ay ang muling pagtatala ng panibagong pahina sa yugto ng pakikipagbuno. Ngunit pangkaraniwan.

Inaaliw ang mga nalulumbay.

Pinapaligaya ang mga nalulungkot.

Pinapainit ang mga nanlalamig.

Habang lumalalim itong gabi’y pilit idinidilat ang mga mata. Katulad ng isang manananggal. Sikmura’y kumakalam.

Tingin sa iyo’y banal.
Sinasamba.
Subalit pinagnanasaan.
Kawangis ay pulot-pukyutan na pinagsasaluhan ng mga langgam habang dahan-dahang inuubos ang taglay nitong tamis. Tila isang maharlika na tadtad ng ginto ang buong katawan.

Ika’y Magdalena ng mapanghusgang lipunan na pilit sumasabay sa makabagong panahon.

Umiindayog. Ihinahain ang katawan katulad ng isang pulutan na ginagawang pampagana sa inuman. Sa harap ng malapad na salamin. Sa entablado’y pinapalibutan ng makukulay ngunit patay-sinding mga ilaw. Kasabay ng pagbulusok ng mapusok na usok ay marahang tinatanggal ang kapirasong saplot na sa kuyukot ay bumabalot.

Gumigiling sa bawat bigkas ng liriko sa awiting Huling El Bimbo. Hinahaplos ang kaselanan.
Paitaas.
Paibaba.
Sumusunod sa bawat alingawngaw na dulot ng hiyawan. Nanlilisik at namumungay na mga mata’y nagdiriwang. Animo’y mga mata ng mga paniki na kayang magbigay liwanag sa isang malaking yungib.

Sa loob ng malamig na silid ay nagingibabaw ang init ng mga bisig na sa katawa’y gumagapos. Bisig na kahambing ay dikya sa karagatan. Taglay ay kakaibang kuryenteng sapat upang daluyin ang buong kalamnan at gisingin ang natutulog na pagnanasa. Sa bawat hugot at baon ng kanyang pagkalalaki ay namamayani sa buong silid ang mga mapagkunwaring halinghing.

Pagtatampisaw ay nagwakas. Katawa’y lupaypay. Pagkatapos parausan ay iniwan.
Nangangalumata.
Wala sa sarili.
Panibugho sa damdami’y bumabalot na tiyak peklat ang magiging dulot.
Nagtatanong.
Naghahanap ng kasagutan.

Takipsilim. Kisig at tikas ng damdamin ay unti-unting tumitibag sa pader na dulot ng buhay na lugami sa hirap. Naglilingkisang mga ilaw sa kabahaya’t sasakyan kasama ang maluwalhati na paghingi ng gabay sa Maykapal ay s’yang liwanag upang adhika’y makamtan.

Martes, Hunyo 7, 2011

PASAKALYE SA KM 2 NG AKING KATRABAHO

Ni Roch Abadilla

I can preDIKYA gona HUG OTher's arms. tuLUG AM I? no, i'm not sleeping. Dreaming, maybe yes.. I was dreaming that I see the KUYUKOTest face i've ever seen. but hADHIKAm closer, i wouldn't be wanting to see you dLUWALHATIn (dwelleth in) my place.

there is a pain in MAHAR LIK A spear thrown to my chest... and the blood, sHALINGHING (sailing in) my veins is ALING AWN GAWing (ailing on going) beyond what's ADHIKAting, like an addiction of PANI BUG HOvering (funny bug hovering) in the meadows... but there's a PUL OT... "PUK YU" TAN (pull at... f^ck y@u than) any other phrases... and its always pulling me back.

being with coNAN GANG A LUM AT A (being at Conan Gang, a loom at a) crowd has BAN AL (been all) my greatest fear.. but having croPEK, LATte, and a dash of grains makes a MAN AN A NGGAL (man and a gal) go together and makes me grin inside.

Miyerkules, Hunyo 1, 2011

GUNITA

Unang araw ng Hunyo
Ang araw ng paglisan mo
Sariwa pa sa alaala
ang pangyayari
Sinag ng haring araw sa
higaa'y naghari

Nang ako'y nagising, sa
aking sarili'y nagtanong
Sa araw na ito ano ang mayroon?
Habang ang oras ay lumalaon
Ako'y pabiro na sinagot
ng pagkakataon

Natanggap ang hindi
magandang balita
Tinig ng iyong ina ang
nasa kabilang linya
Kahit nauutal sa
nais sabihin
Pilit na pinapakalma
ang damdamin

Ang sinabi ng iyong ina
Daddy si DM pumanaw na
Tila sinakluban ako
ng langit sa narinig
Damdami't kalamna'y
nanginginig

Sa paglipas ng isang taon
Alaala mo'y nanatiling
nakakahon
Hapdi't kirot ay hindi
pa rin nabawasan
Dahil ikaw ang nagbigay sa
amin ng lubos na kaligayahan

Kahit 'di man tayo nagkita
Sa isipa'y yakap at buhat ka
Ang iyong tinig sa kabilang linya
Sa aki'y manatili at
habang buhay na musika

Umaawit ako sa Maykapal
at humiling
Kahit isang araw
sana ika'y makapiling
Maramdaman ang saya
bilang isang pamilya
Sa gitna namin ng iyong
ina maririnig ang
halakhak mo't tawa