Huwebes, Marso 20, 2014

MANOY

Katatapos lamang ng tanghalian pero nakaramdam na kaagad ako ng gutom. Nagpunta akong tindahan. Habang binabagtas ang kaigsian nang paakyat na kalsada, pinapayungan ako ng matinding init ng araw. Pero di ko iyon ininda. Pawisan akong nakarating sa tindahan. Ang tagal pang lumabas ni Ateng tindera. Naglalaba yata. O baka nagtatanghalian pa lang din. Sana pala binilang ko kung ilang ulit kong binigkas nang pasigaw ang "PABILI PO!" Pero wala, nanaig ang gutom kaya hindi ko na naisip yun. Lumabas si Ate. Isang Royal 12oz at dalawang bugkos ng tinapay ang aking binili. Palatandaang gutom na gutom talaga ako.

Habang naglalakad ako pabalik, mainit pa rin pero naiibsan ito ng ihip ng hangin. Medyo sariwa yung hangin dito kumpara sa kinasanayang hangin sa Alabang-Zapote Road. Dahil siguro sa maraming puno kaya ganun. Di na ako nagapaghintay, kinain ko na yung binili kong tinapay. Naisip ko, mukang masarap tumakbo ngayon. Dinama ko ang init ang aspalto. Sakto lang. Kaso mas nanaig ang gutom. Saka na muna ang takbo. Tapos nakita ko yung ginagawang bahay na ibinibenta rin. Naalala ko na naman yung pagnanais kong manalo sa lotto.

Halos araw-araw akong tumataya noon sa lotto, nagbabakasaling tumama ng jackpot. Nasubukan rin naman manalo, tatlong beses na balik-taya. At isang beses medyo malaki-laki, 800 pesos. Pero noong mga panahon na iyon wala pa naman akong kongkretong paglalaanan ng pera kung sakaling manalo. Kaya siguro hindi din manalo-nalo dahil hindi pa handa. O maaring hindi nga rin mapalad. Tapos noong lumawak na 'yong isipan, nagkaroon na ako ng paglalaanan kung sakaling manalo ako. Pero noong panahon ding iyon, hindi na ako tumataya. Nanghihinayang na ako sa perang itinataya ko. Kahit pa sa kawang-gawa ang patutunguhan. Saka kung mayroon mang sa kawang-gawang patutunguhan, malamang mga 1% lang yunn. Mas lamang ang mapupunta sa bulsa ni sir at mam.

Kapag manalo man sakali ako sa lotto, medyas ang bibilihin ko. Di ko alam kung bakit, may mga medyas naman akong matitino. Kapag ikinikwento ko 'yan sa mga kakilala ko pinagtatawanan lang nila ako. Akala kasi yata nila nagbibiro ako. Tapos noong niyaya ako ng isang kaibigan na pumasok sa mga bahay-aliwan. Yung may mga patay-sinding ilaw doon nadagdagan ang paglalaanan ko ng pera kung sakaling manalo man ako. Una, yung mga ilaw na pundido. Pakislap-kislap, masakit sa mata. Papapalitan ko ng maayos na ilaw. Pangalawa, yung mga kakabaihang nagsasayaw nang hubad, bibilhan ko ng matinong damit. Kalamig-lamig sa loob tapos sumasayaw sila nang hubad baka magkasakit sila sa baga. Concern lang ako sa kalusugan nila. Pero ngayon kung sakalaing palaring manalo sa lotto kahit hindi ako tumataya, medyas pa rin ang una kong bibilihin. Kahit di na ako nagsasapatos. Pangdisplay nalang na medyas. Yung Hermes na medyas.

Natauhan lang ako nang may nakita akong Manong. Nakabarong. Biglang bumangon sa duyan na nakatali sa malaking puno. Nagmamadaling pumunta sa gate. May kinausap s'yang matandang lalaki. Nakalumot-green na polo at naka-cargo pants. Medyo katangkaran. Bakas na ang edad sa mukha. Mahaba ang tenga.

Si Eddie Garcia.

1 komento:

  1. Hermes na medyas naman pala ang gustong bilhin, ang sosyal lang! Haha... Pag ako manalo sa lotto, it's automatic bibili akong bahay. Nice post, may special participation pa ni Eddie Garcia.

    TumugonBurahin