Sabado, Nobyembre 15, 2014

RESERVED



Tuwing Sabado ng gabi ay kinakasanayan ko nang magpalipas ng oras sa Cowboy Grill. Sikat dito ang mga bandang walang pangalan, walang record labels. Mga bandang mas piniling maging showband. Nakaaaliw silang panoorin dahil kaya nilang tugtugin ang mga kanta mula oldies hanggang sa mga pinasikat ni Justin Beiber.  Madalas, tatlo hanggang apat na boteng serbesa ang ginagawa kong orasan. Kapag nakauubos na ako ng ganoon karami ay sumisibat na ako. Sapat na sa akin ‘yong ganoon, pampaaliw at pangtanggal ng pagod sa maghapong pag-iisip.

Ngayon, hindi naman Sabado pero narito ako. Hindi ko alam kung ang masamang hangin ba ang naghatid sa akin dito o ang hungkag kong isipan? Sa may pintuan pa lang, ang surreal na ng mga pangyayari. Hindi ito ang kinasanayan kong setup tuwing Sabado.

Sir, magandang gabi po. Himala, Huwebes pa lang po pero narito kayo. Pang-asar sa akin ng gwardiya. Sa dalas ko kasi rito, kilalang-kilala na n’ya ako.

May lumabas, kaya bahagya kong nasilip at narinig ang mga pangyayari sa loob.
Wow! Tayuan halos lahat ang mga nasa loob at nakataas ang parehong mga kamay habang iwinawagayway.

            “Ikaw ay aking minahal
            Kasama ko ang Maykapal”

Tsip, bakit ang sikip? Ang ibig kong  sabihin, bakit ang daming tao? Ano hong meron? Tanong ko sa gwardiya habang kinakapkapan ako.

Ay sir, show po ng Aegis. Simula ngayon, tuwing unang Huwebes na ng buwan magpeperform sila rito.

Ah ganoon po ba? Sinisigurado ko lang tsip. Akala ko kasi may convention ng mga broken hearted sa loob. Sige po tuloy na ako.

Enjoy po kayo sir! Pahabol n’ya habang nakataas ang kamay.

Birit ang pinangtapos ng banda sa una nilang kanta. Hiyawan at palakpakan naman ang tugon ng mga nanonood. Hinintay ko munang humupa ang emosyon saka pinasadahan ng tingin ang bawat sulok na ginagapangan ng malilikot na ilaw. Nagbabakasaling mayroon pang bakanteng lamesa. Pero kung mamalasin ka nga naman talaga o! May bakante nga, may nakapatong naman na “RESERVED”. Parang sa totoong buhay lang, marami kang makikitang walang kasama o ka-holding hands na boyfriend/girlfriend habang naglalakad pero madalas reserved na sila. Nasa malayo marahil ang kapareha o baka nasa trabaho lang.

Nakikita ko ang aking puso sa kalagayan ng lamesa, nakareserve. Ang kaibahan lang, itong sa aking puso ay walang katiyakan.  Ang saklap. Naiinggit tuloy ako sa mga nauna na rito, nakarelate lang sila sa katatapos lamang na kanta kaya nag-eemote. Samantalang ako, wala na ngang katiyakan ang buhay pag-ibig, wala pa akong mauupuan. Mas masaklap.

Habang nagmamaktol ako, s’ya namang tigil ng ilaw sa isang sulok. Napagod na yata o baka nahilo lang kaiikot.

Magandang gabi muli at maraming salamat kay ate na nasa sulok sa kanyang request.  Sambit ng singer habang nakapusturang panglahad ang isang kamay.

Naglingunan ang mga tao.

Nakangiti naman ang babaeng tinutukoy ng singer habang inaangat nang marahan ang kanyang mukha bilang tugon.

Kung mayroon din kayong requests, huwag po kayong mahihiya. Kakantahin po namin ‘yan. Huwag n’yo lang masyadong damdamin ang mga kanta namin dahil mahaba pa ang gabi. At kung kayo’y malungkot, huwag kayong mag-alala. Lilipas din ‘yan, dagdag ng singer.

Sa totoo lang, wala na akong naiintidihan sa mga nagyayari nang makita ko ang mukha ng babae sa sulok. Wala na akong naririnig. Tumigil na rin ang oras, pakiramdam ko. Pero ang tibok ng puso at nginig ng aking tuhod ay damang-dama ko.

Sabik na sabik akong makausap s’ya. Hindi, sabik na sabik akong mahawakan ang kanyang mga kamay, ang mahalikan s’ya, ang mayakap s’ya. Para bang ang tagal na simula nang huli kaming magkasama. Nagmamadali na akong pumunta sa kinauupuan n’ya. Wala na akong pakialam sa aking nadadaanan, sa aking mga nasagi.

Kabado pa rin ako at humhangos na nakatayo sa kanyang harapan.

Kumusta ka na? Bakit ka narito? Buong galak kong tanong.

Pero hindi s’ya umimik kahit ang iangat nang kaunti ang kanyang mukha bilang tanda na ako’y kanyang napansin o narinig. Baka dahil siguro sa ingay dito o baka dahil abala lang s’ya sa kanyang cellphone.

Kamusta ka na, Elsa? Pag-ulit ko ng tanong nang may kalakasan ang boses. Naniniguradong sa pangalawang pagkakataon ay maririnig na n’ya ako.

Biglang nag-iba ang mood ng kanyang mukha habang nakatitig pa rin sa kanyang cellphone. 

Galit ka ba sa akin? Kung ano man ang aking pagkukulang, patawad, dagdag ko.

Hindi na n’ya binigyan ng pagkatataon ang mga luha na dumaloy pa sa kanyang pisngi. Pinunasan n’ya ito gamit ang isang daliri ng kaliwang kamay. Sabay lapag ng cellphone sa lamesa. Nagpi-play pa ang video ng pinagsama-samang mga litrato.

At naroon ako. Magkasama kami sa mga litrato.


Ito ang aking lahok sa Saranggola Blog Awards 2014.

================================================================










 

Miyerkules, Agosto 13, 2014

TINTED LOVE AFFAIR

Tinted ang salamin ng puting Nissan Urvan na nakaparada sa may tapat ng green na gate.
Sa may windshield, aninag ang maraming nakasabit na stuffed toys.

Kulay dilaw na spaghetti strap at kulay brown na short shorts ang suot
ng maputi't balingkinitang babae. Sa mukha n'ya, aninag ang pananabik.

Nilamon ng puting Nissan Urvan ang maputi't balingkinitang babae.
Nagpalamon na rin ako sa kulay green na gate.

Pabalik-balik ako sa bukana ng green na gate. Sumisilip.
Naroon pa rin ang kulay puting Nissan Urvan. Umaandar na ang makina.
Ngunit hindi pa rin nito iniluwa ang maputi't balingkinitang babae.


Martes, Hunyo 17, 2014

PANTY MO!

Naalala ko, medyo matingkad na ang liwanag na nagmumula sa mga poste ng Alabang-Zapote Road. Katitila lamang ng nambibitin na ulan noon. Pinaalinsangan lamang nitong lalo ang panahon. Kaya napagpasyahan kong pumasok sa madilim na espasyong iyon upang magpalamig. At para na rin basain ang natutuyong lalamunan. Marami-rami na noon ang tao sa loob na aking naaninag. Medyo nakarami na sila ng nainom. At tsiks ang kanilang pulutan. Taliwas sa aking dahilan, nagpunta sila roon upang magpainit. Umupo ako sa isang sulok. Sa may lamesang pangdalawahan lang ang nakatukang upuan. Tatlong bote ng beer ang aking inorder. Naghahalo na ang ingay ng tugtog at ingay ng mga tao nasa loob. Wala akong nauunawaan kahit isa. Parang mga bubuyog. Pinagmasdan ko na lamang ang mangilan-ngilang patay-sinding iba't-ibang kulay na bombilya. Kagaya ng katatapos lamang na ulan, ang mga bombilya doon ay nambibitin din. Hindi sapat ang ibinibigay nitong liwanag upang paliwanagin ang buong lugar. Binigyan lamang ng pagkakataon ang mga mapupusok na mga kamay. Iniabot sa akin ng waitress ang aking inorder na tatlong beer. Pinunasan ang labi ng bote gamit ang aking mga daliri at tinungga. Swabe ang hagod. Malamig. Unang lagok pa lamang, naibsan na kaagad ang nadaramang uhaw.

Biglang tumigil ang paghuhuramintado ng mga ilaw kasabay ng tugtugin. Tumigil rin pati ang parang mga bubuyog na ingay. May isang pumalakpak. Nagpalakpakan ang lahat. Ang iba'y may kasamang hiyawan. Hudyat pala iyon upang ipakikilala ang kasunod na magtatanghal. Kanta ni Whitney Houston ay kasunod kong narinig. Isang matapang na liwanag ang gumapang mula sa gitna ng entablado patungo sa isang kurtina na may hati sa gitna. Napalagok ako ng maraming beer nang makita kang lumabas mula sa hati ng kurtinang 'yon. Naglakad nang marahan papunta sa entablado suot ang mahabang gown na alanganin pang tulog at alanganing pang party. Sandali kang naglaho sa yakap ng makapal na usok. Dahan-dahang sumilay ang kulay itim na sandalyas na mataas ang takong. Mga isang dangkal siguro 'yon tantsa ko. Hinawi ng iyong mga kamay ang mga usok subalit nakakapit pa rin ang mga ito sa iyong braso at sa maamo mong mukha. Napakaganda mo. Ang totoo, higit ka pa sa maganda. Nagwala ang aking puso. Pakiramdam ko, gusto nitong humiwalay sa aking katawan at puntahan ka upang ikulong ka sa loob nito. Noon ako unang umibig. Ikaw ang una kong inibig. Tiyak kong iyon ay pag-ibig.

Inilapat mo ang kanan mong kamay sa salaming nagsisilbing pader ng entablado. Humahaplos ang mga matutulis mong daliri sa salamin habang ika'y naglalakad. Ang iyong mga titig nama'y gumuguhit sa mga taong nagtatago sa sulok na madilim. Di naglao'y malapit ka na sa gitna. Nag-iiiba na ang iyong lakad. Mayroon nang giling. Mayroon nang indak. Hanggang sa ika'y nagdo-double step. Nag-iba na rin ang tugtog. Lalong nang-aakit. Kasabay ng lingwahe ng iyong katawan. Isa-isa mong tinatanggal ang mga saplot sa iyong katawan hanggang sa kulay ubeng panty na lamang ang naiwang nakakapit sa iyong balakang. Siguro kung ako iyon, hindi rin ako bibitaw. Manatili akong kakapit sa iyong katawan. Hindi kita pakakawalan. Sumandal ka sa posteng bakal sa gitna. Nakatalikod sa amin. Itinaas mo ang iyong kanang kamay sabay hawak sa posteng bakal. Ang kaliwa mo namang kamay ay sapu-sapo ang iyong dibdib. Humarap ka sa aking kinalalagyan at dahan-dahang dumadaosdos pababa. Sa dalawang minutong hawak mo ang iyong dibdib, hindi ka man lang nangalay. Natapos ang tugtog. Pumikit na rin ang liwanang. Bigla kang naglaho sa aking paningin subalit hindi sa aking isipan.

Simula noon, halos inaraw-araw ko ang pagpunta sa masikip na espasyong iyon masilayan ka lamang. Pero minsan at dumadalas hindi na ako nagagawi roon. Hindi na kita nakikita pero parati kitang naiisip. Parati kitang iniibig. Hindi ito kumupas kahit hanggang ngayon. Kahit wala kang pangalan. Kahit wala kang saplot.

Ngayon, malakas ang buhos ng ulan sa labas. Malamig ang buong paligid.
Narito akong muli sa masikip na espasyong una kong nasilayan ang iyong kagandahan. Hindi ako umaasang masisilayan pa kitang muli. Narito ako hindi upang maibsan ang lamig na nararamdaman. Narito ako upang lusawin ng alak ang alaalang mong nakakapit sa aking sistema. Kahit panandalian lamang. Dito kita unang nakita. Dito rin kita tatanggalin sa bawat hibla ng aking isipan pati sa maluwang na espasyo ng aking puso. Sana katulad ka na lamang ng alikabok na kumakapit sa dahon ng mga halaman, sasakyan at bubong ng mga kabahayan na sa pagbuhos ng ulan ay natatangay. Pero hindi, katulad ka ng kulay ubeng panty na matindi ang kapit at yapos noon sa iyong katawan.

Linggo, Hunyo 15, 2014

Happy Father's Day Pap-pah

Mahal kong Pap-pah,

Father's Day ngayon. Nalaman ko lang sa Facebook. Baha sa newsfeed. Ilang taon na ring ganito. Sa Facebook nalang binabati ng mga anak ang kanilang mga Tatay kahit wala namang Facebook ang kanilang mga Tatay. Makikiuso lang ako. Gaya-gaya. Di mo naman ito mababasa pero sigurado akong makararating.

Gusto ko lang magpasalamat. Kahit hindi ako ipinanganak na mayaman. Kahit hindi ako ipinanganak na gwapo. Kahit hindi ako ipinanganak na macho. Kahit pango ang ilong ko. Maraming salamat at kahit ako'y gago, hindi mo ako ipinahid noon sa tuwalya. Happy Father's Day Pap-pah!

Nagmamahal,
Dodong

Huwebes, Marso 20, 2014

MANOY

Katatapos lamang ng tanghalian pero nakaramdam na kaagad ako ng gutom. Nagpunta akong tindahan. Habang binabagtas ang kaigsian nang paakyat na kalsada, pinapayungan ako ng matinding init ng araw. Pero di ko iyon ininda. Pawisan akong nakarating sa tindahan. Ang tagal pang lumabas ni Ateng tindera. Naglalaba yata. O baka nagtatanghalian pa lang din. Sana pala binilang ko kung ilang ulit kong binigkas nang pasigaw ang "PABILI PO!" Pero wala, nanaig ang gutom kaya hindi ko na naisip yun. Lumabas si Ate. Isang Royal 12oz at dalawang bugkos ng tinapay ang aking binili. Palatandaang gutom na gutom talaga ako.

Habang naglalakad ako pabalik, mainit pa rin pero naiibsan ito ng ihip ng hangin. Medyo sariwa yung hangin dito kumpara sa kinasanayang hangin sa Alabang-Zapote Road. Dahil siguro sa maraming puno kaya ganun. Di na ako nagapaghintay, kinain ko na yung binili kong tinapay. Naisip ko, mukang masarap tumakbo ngayon. Dinama ko ang init ang aspalto. Sakto lang. Kaso mas nanaig ang gutom. Saka na muna ang takbo. Tapos nakita ko yung ginagawang bahay na ibinibenta rin. Naalala ko na naman yung pagnanais kong manalo sa lotto.

Halos araw-araw akong tumataya noon sa lotto, nagbabakasaling tumama ng jackpot. Nasubukan rin naman manalo, tatlong beses na balik-taya. At isang beses medyo malaki-laki, 800 pesos. Pero noong mga panahon na iyon wala pa naman akong kongkretong paglalaanan ng pera kung sakaling manalo. Kaya siguro hindi din manalo-nalo dahil hindi pa handa. O maaring hindi nga rin mapalad. Tapos noong lumawak na 'yong isipan, nagkaroon na ako ng paglalaanan kung sakaling manalo ako. Pero noong panahon ding iyon, hindi na ako tumataya. Nanghihinayang na ako sa perang itinataya ko. Kahit pa sa kawang-gawa ang patutunguhan. Saka kung mayroon mang sa kawang-gawang patutunguhan, malamang mga 1% lang yunn. Mas lamang ang mapupunta sa bulsa ni sir at mam.

Kapag manalo man sakali ako sa lotto, medyas ang bibilihin ko. Di ko alam kung bakit, may mga medyas naman akong matitino. Kapag ikinikwento ko 'yan sa mga kakilala ko pinagtatawanan lang nila ako. Akala kasi yata nila nagbibiro ako. Tapos noong niyaya ako ng isang kaibigan na pumasok sa mga bahay-aliwan. Yung may mga patay-sinding ilaw doon nadagdagan ang paglalaanan ko ng pera kung sakaling manalo man ako. Una, yung mga ilaw na pundido. Pakislap-kislap, masakit sa mata. Papapalitan ko ng maayos na ilaw. Pangalawa, yung mga kakabaihang nagsasayaw nang hubad, bibilhan ko ng matinong damit. Kalamig-lamig sa loob tapos sumasayaw sila nang hubad baka magkasakit sila sa baga. Concern lang ako sa kalusugan nila. Pero ngayon kung sakalaing palaring manalo sa lotto kahit hindi ako tumataya, medyas pa rin ang una kong bibilihin. Kahit di na ako nagsasapatos. Pangdisplay nalang na medyas. Yung Hermes na medyas.

Natauhan lang ako nang may nakita akong Manong. Nakabarong. Biglang bumangon sa duyan na nakatali sa malaking puno. Nagmamadaling pumunta sa gate. May kinausap s'yang matandang lalaki. Nakalumot-green na polo at naka-cargo pants. Medyo katangkaran. Bakas na ang edad sa mukha. Mahaba ang tenga.

Si Eddie Garcia.

Martes, Marso 11, 2014

Dear Jennylyn Mercado

Dear Jennylyn Mercado,

Magandang araw sa 'yo. Ang hangad ko, sana'y nakatulog ka nang maayos kagabi. Ako kasi, hindi. Gusto ko pa sanang habaan pa yung tulog ko kaso nabulabog ng mga naglalandiang pusa sa bubungan. Badtrip nga nang magising ako, gusto ko pang malaman  ang mga maaring mangyari sa pagdalaw mo sa aking panaginip. Di ko alam kung ano ang sisisihin ko; ang paglalandian ng mga pusa o yung pambibitin mo? Bakit ka ganyan? Pumasok ka sa panaginip ko nang walang abiso. Napaghandaan ko man lang sana. Tapos nawala ka rin kaagad.

Di ko kasi talaga naiintindihan yung nangyari eh – inakit mo ba ako upang magupitan ang buhok ko o ginupitan mo ang buhok ko upang akitin ako? Pero mas pabor ako sa pangalawa. Habang ginugupitan mo kasi ako ay nakadikit (hindi dumikit, nakadikit) ang iyong dibdib sa aking mukha. Ang malinaw lang sa akin ay ang isang manipis at kapirasong telang tanging bumabalot sa 'yong dibdib. Pero hindi malinaw kung magaspang o makinis yung balat sa bahaging iyon ng iyong katawan. Di ko rin masabi kung maputi ang aking nakita. Napapikit kasi ako sa kiliti nang hinawakan mo yung bandang batok ko. At ang isa ko pang natitiyak, malambot yung sinandalan ng aking mukha. Pero sadyang hindi lang ako marupok sa panaginip. Maaaring nasa isipan ko habang natutulog ako ang Fire Prevention Month.
















Nabitin,
Joey

PS: Sa susunod na dumalaw ka maari bang isama mo si Ana Capri? Maraming salamat.


Bitin ang aking isinulat di ba? Ganyan din ang aking pakiramdam nang magising ako eh. Bale damay-damay na.