Biyernes, Agosto 19, 2011

PUSON NA HINDI NAGTITIMPI

inanay pati haligi

ilaw ay napundi

tahanan ngayo'y nililimi

GUMUHONG PANGARAP

lumipad sa langit

isang dipang pangarap

bumagsak sa lupa

Huwebes, Agosto 18, 2011

ANG MULING PAGLASAP NG LIGAYA

noon,
tayong dal'wa
ay sabay sumumpa
mga masayang pangarap
sa buhangin ating isinulat
sa may dalampasigan ng ating nayon
akala natin ang lahat ay sumasangayon
malalaking alon nagpapahiwating ng pagtutol
mga binurang pangarap ay hindi natin naipagtanggol

bigo man tayo sa pakikipaglaban sa naunang hamon
tayo'y muling mangangarap at taas noong babangon
sa isang puno sa nayon ating uukitin
ating mga pinapanalangin
tadhana sana'y umayon
upang malalasap
ang ligaya,
bukas

Lunes, Agosto 8, 2011

ANG PAGSUKO SA KAHAPON

Sa pangalawang pagkakataon ay lumahok muli ako sa patimpalak ng Philippine Art Awards at sa pagkakataong ito sinubukan kong gawan ng kaukulang tula ang nasabi kong lahok. Sinubukan kong gumawa ng tula na patungkol sa kinabukasan pero ang hirap. Biglang nauwi rin ito kahapon.

Photobucket

mga mata'y pilit ipinikit
kahapo'y sa isipan nanumbalik
mga larawan ng nagsisiping na mga alaala
ngayo'y bumabalot at gumagambala

tanging nais ay katahimikan
ungol at halinghing ng kahapon ay gustong malimutan
sinubukang lumaban at umahon
subalit pagkatao'y dahan-dahang nilalamon

yumuko
sumuko
nagtampisaw
lumangoy
nagpatangay
sa alaalang
dulot ng
kahapon

Miyerkules, Agosto 3, 2011

BAKIT PATULOY NILULUHAAN ANG NAKARAAN

Kung totoong inilagay ang mata sa harapan
Upang makita ang kinabukasan
Bakit ito ang nakakarinig ng tilalay ng karimlan?
Sigaw ng matayog na kahapong nakakaumay
Sa damdami'y dulot ay nakakabinging lumbay
Mga ugat ay isa-isang napipigtas at namamatay

Kung totoong inilagay ang mata sa harapan
Upang makita ang kinabukasan
Bakit ang mahabang kahapon ay pilit inaarok?
Sumiglaw na alaalang mapait at mapusok
Sa bawat sulok ng damdami'y nanunuot
Nagdudulot ng pagkatigang at naging marupok

Kung totoong inilagay ang mata sa harapan
Upang makita ang kinabukasan
Bakit sa harapa'y panay salamin
Bakas ng kahapon ay tila aking nililingon
Damdami'y sa tayutab gumugulong
Nananatiling sadlak at hindi makabangon

Kung totoong inilagay ang mata sa harapan
Upang silayin ang kinabukasan
Bakit patuloy kong niluluhaan ang nakaraan?


Ang tula na ito ay opisyal na lahok sa patimpalak ni Bb. Iyakhin

Martes, Agosto 2, 2011

SALAMAT

Marahil napaiksi at napakadali lamang tipahin at basahin ang SALAMAT, pero napakahaba at napakalalim ang huhugutin upang mabigkas ng bukal sa loob ang salitang ito. Para sa akin, ang SALAMAT ay hindi lamang isang payak na salita. May taglay itong kapangyarihan bilang pagtanaw ng utang na loob at kagalakan.


Kaya mula sa kasuluk-sulukang hibla ng aking ngarag na puso ipinaparating ko ang taos pusong PASASALAMAT sa inyo na naglaan ng kaunting oras upang tipahin at bigkasin o kung sa ano pa mang paraan ng pagpaparating ninyo sa inyong pagbati sa katatapos ko lang na kaarawan. Maaraming salamat sa inyong lahat. Sa mga kakilala, kaibigan at mga taga mundo ng blogsperyo. At sa taong nagparating ng pagbati na nagbibigay kilig sa akin, maraming salamat.


PS: Maraming salamat din Katrina Halili dahil dumating ka sa aking panaginip noong gabi ng aking kaarawan kahit napakahirap makarating doon sa nasabing panaginip lalo't si Ana Capri ang inaasahan kong dumating ay naroon ka pa rin. Maraming salamat.