Biyernes, Hulyo 29, 2011

HANDOG

Ang tulang ito ay nabuo bilang handog nila MD, Bulak, Essa, at Madz sa tahanan ni Jkul


O kalapati halika sa aking tabi
Sumpungan mo ang di mapigilang kiliti
Pukawin mo ang natutulog kong pighati
Balutin mo ako ng maganda at nakakaakit mong ngiti
Mga ngiting nagtatago ng ibayong hapdi


Maari ko bang tanglawin ang nasa loob ng malalambot mong labi?


Kilitiin at pukawin mo ang nasisidhi kong damdamin
Dahil ito'y puno ng takot sa dilim
Na tumatakip gabing malagim
Dulot ng malaimpyernong hardin


Halika na at ating lasapin ang mga natutulog na pagnanasa
Na tanging bumabalot at nararamdaman sa katawan ng bawat isa
Lakbayin ang kung anu man ang mayroon sa kabilang pintuan
At sa dulo'y unti-unting hayok na hahalinghing ang magsisilalabasan


Mataman mo akong halikan at dalhin sa rikit
oh Cassandra, paligayahin mo ako ng walang patid

Huwebes, Hulyo 28, 2011

WOTL: ANG SALITA NI LOURD

Ikaw ay matalas. Nag-iiwan ka ng malalim na hiwa sa bawat sulok ng kamalayang ikinulong at iginapos ng masasamang ala-ala. Isang hiwa na nagbibigay hapdi at kirot sapat upang gisingin ang nahihimbimbing na isipan.

Sa bawat pagtalakay sa isang usapin tungkol sa kultura at kaugalian, pulitika at lipunan ay may kislap ng liwanag. Binibigyan mo ng kinang ang lipunang binabalot ng karimlan. Kinukulayan at pinapatingkad mo ang kumukupas na galak at pinapalinaw ang lumalabong pag-asa sa hinagap.

Ikaw ay mapanuri. Hinuhubaran mo ang konserbatibo at di maarok na agam-agam upang ito ay tiyak na masilip, makita at maintindihan. Hanggang sa lilitaw ang buong kahubdan na syang sisilaw sa mga matang nagbubulag-bulagan, sisigaw sa mga taingang nagbibingi-bingihan at bubusog sa kumakalam na isipan.

Ikaw ay matalas. Iyong tinatapyas ang makakapal na pader at pinuputol mo ang mga rehas na bakal na syang kumukulong sa kamalayang hapo sa pagpupumiglas.

Huwebes, Hulyo 21, 2011

LIGHTS! CAMERA! ACTION! CUT!

Lights! Camera! Action!

Tunay nga na makapangyarihan ang yakap ng isang ina.
Subalit may mas dadaig pa ba sa kapangyarihan ng yakap
ng isang artista, exposure sa TV at kaunting pera bilang pabuya?

CUTTTTTTTTTTT!!!!!


Lights! Camera! Action!

Sadya nga bang maimpluwensiya ang mga artista?
O Likas na talaga sa marami sa atin ang pagiging showbiz?
Kaya gusto rin ng iba na maranasan ang mapanuod ng
ibang tao ang kanyang anyo na nasa harap ng camera?

CUTTTTTTTTTTT!!!!!

Lights! Camera! Action!

Wika ni Ruffa noong may nagsauli ng kanyang mamahaling mga sapatos,
"SANA LAHAT NG TSUPER AY KATULAD NG TSUPER
NG TAKSI NA NAGSAULI NG MGA GAMIT KO"
Na ano? Na magsauli dahil alam nitong may pabuyang kapalit?
Lalo na dahil may kasamang mahigpit yakap mula sa artista?

Hindi ba mas mainam kung katotohanan, malinis na
konsensya at ang prinsipyo ang magiging dahilan?

WALANG GRANDSTANDING! WALANG CAMERA! HINDI MUKHANG SCRIPTED!

CUTTTTTTTTTTT!!!!!



Ang showbiz ko rin eh. Hindi maikaila. May update lang.

Huwebes, Hulyo 7, 2011

SA 9th FLOOR

Paningi'y tumatagos sa salamin
Nagagalak ang nalulumbay na damdamin
Sa mga dahong tila kumakaway
At sa mga bubungan ng kabahayang makukulay

Paningi'y sumasabay sa hangin
Nagpatangay kahit saan dadalahin
Sumabit sa matataas na gusali
At pansamantalang tumigil at namalagi

Paningi'y muling lumipad
Sa mga nagsisiping na ulap napadpad
Tanaw ang nagliliyab nilang pagnanasa
Subalit sa ibaba naghihintay ang tigang na lupa

Paningi'y dahan-dahang nanlalabo
Nagharing kadilima'y nakakapanlumo
Ulan ay paunti-unting pumapatak
Tigang na lupa'y nagkaroon ng galak
Makakamtan na ang nasa at pangarap

Biyernes, Hulyo 1, 2011

AYISNALUBMA

Akda ni Kerol Hebyer

Ayoko ng tunog ng wang-wang.
Tunog mayabang.
Tunog na nagpapakita ng kapangyarihan para
makawala sa totoong sistema ng buhay.

Ambulansiya.

Noon, payak lamang ang pananaw ko
sa sasakyang ito. Isang sasakyan na inaangkin ng
mga pulitikong nasa lokal na pamahalaan sa
pamamagitan ng pagiimprenta ng mga pangalan
at posisyon sa mismong katawan ng sasakyan.
Kadalasan kong nakikita na walang laman. At kung
mayroon man eh isang Poncio Pilato na gustong
lumusot sa mga nagsisiksikang sasakyan.

Ayoko ng tunog ng wang-wang.
Lalo na ngayon. Iba ang hatid na takot sa akin.
Tunog kamatayan. Iba kapag naranasan mo
ang totoong silbi ng ganitong uri ng sasakyan.
'Yon na yata ang pinakamatagal na
byahe na maaring maranasan ninuman. Ang
pinakamatagal na byahe na naranasan ko, ang
sumakay sa sasakyan na patungong kamatayan.
Para kang sumakay sa barko na nasa gitna ng
karagatan kung saan hindi mo makita ang
patutunguhan. Isang byahe na nagsisilbing hatol
para sa iilan.

Isang byahe na mahirap makalimutan
kapag naranasan. Isang byahe na di mo na
kakayanin kung maulit ng isa pang minsan.