Martes, Oktubre 15, 2013

ALABANG-ZAPOTE ROAD (ANG AKING KANLUNGAN, ANG AKING TAHANAN)



Masungit o payapa man ang panahon,
Paulit-ulit ko itong binabagtas,
Simula umaga hanggang hapon.
Katulad ng aking buhay na hindi batid
Ang pinagmulan at ang patutunguhan.
Hindi ko rin marahil alam kung ano’ng mayroon
Sa magkabilang dulo nitong lansangan;
Ngunit, ito’y itinuturing kong tunay
Na kanlungan at tahanan.

Sa musmos kong katawan at isipan,
Ang ingay dito’y aking kapayapaan,
Ang usok dito’y aking kalusugan,
At lalong ang panganib dito
Ay aking kaligtasan;
Ang sikmura kong kumakalam
Ay sandaling nagkakaroon ng laman,
Dahil sa barya-baryang biyaya
Sa paulit-ulit kong pag-awit
Ng kantang “Pangarap ko ang ibigin ka”
Nang wala sa tono at tiyempo.
Kahit  hindi ko rin alam ang kahulugan
At ang ipinaglalaban ng gumawa ng kantang ito.

May iilang sa akin ay tumataboy,
Sinisisi at tinatanong kung nasaan
ang aking mga magulang.
Gigil lang daw ng puson ang inaatupag,
Kaya ang mga kabataang katulad ko
Ay dumarami at pakalat-kalat.
Kung akin lamang itong lansangan
 At ang mga sasakyang dumaraan,
Ako sana ngayo’y tanyag at mayaman;
Sa aki’y wala sanang mang-aalipusta,
At lalong ang kalam nitong sikmura
Ay hindi na ako mag-aalala.
Alam kong ito’y materyal na bagay lamang
Dahil ang tunay kong kailangan
Ay ang isang tahanan na may mapagmahal
At mapag-arugang mga magulang.

 -----------------------------------------------------------------------------------
Ang tulang ito ay ang aking opisyal na lahok
bilang suporta sa Saranggola Blog Awards 2013.