Sa Hilagang bahagi ng Cebu, isang daan at labing-isang
kilometro mula sa siyudad, matatagpuan ang banwa ng Canhabagat. Isa sa
labing-siyam na baryo sa lungsod ng Medellin. Katulad ng ibang pook na malayo
sa kabihasnan, pangkaraniwan na ang sariwang hangin. Ang awit ng mga ibon na
nilalapatan ng musika ng pagaspas ng mga luntiang dahon. Ang lambing ng pook na
ito ay pinatitingkad ng matatamis na tubuhan at pinayayabong ng pag-ibig ng
dagat. Napananatili ng mga lumad ang tamis at alat ng pamumuhay. Minsan.
Ang mga katulad kong kabataan noon ay nakapaglalaro rin
naman ng tumbang-preso at luksong-baka, subalit ito’y mga palabok lamang. Dahil
ang tunay na laro sa amin ay ang magtanim at mag-ani ng mga tubo at ang sisirin
ang malalim na karagatan. Maaga kaming pinahinog ng mainit na sikat ng araw.
Upang mabuhay. Upang makapag-aral. Kaya may iilan, katulad ko na nilamon ng
karuwagan at tinakasan ang kinasanayan (nang
maganda pakinggan, upang magkaroon ng magandang kinabukasan). Naglakbay.
Nakipagsapalaran sa ibang bayan. Nagpakabihasa sa hindi matukoy na larangan.
Ilang taon ko ring nilisan ang banwa kong kinalakihan. Nang
ako’y nagbalik, tangan ang kapirasong papel na may lagda bilang patunay na ako
ay nalinang. Daw. Subalit ang
nadatnan ko’y imahen ng isang pook na wala nang puri. Hubo’t hubad.
Pinagsamantalahan. Balot ng mapuputing usok ang buong kaligiran na pilit
lumalason sa isip ng bagong kabataan. Wala na ang tamis ng tubuhan. Hindi na
rin maalat ang karagatan. Nakapanlulumo.
Kahabag-habag. Tama nga lamang na ako’y nagpalamon noon sa karuwagan. Siguro?
Muli kong nilisan ang banwa ng Canhabagat at naglakbay.
Katulad ng paru-paro, kinalimutan ang pinanggalingan. Tinadtad ng palamuti ang
buong mukha at katawan nang ang pagkatao ko’y hindi na muling makilala.
Nagpalit ng pangalan. Ngunit kahit anong pilit, lumilitaw at lumilitaw pa rin
ang kulay nitong aking buhok at balat na minsan nang sinunog ng matinding sikat
ng araw.
Isang daan at labing-isang beses man akong lilisan sa banwa ng
Canhabagat, babalik at babalik pa rin ako sa kanyang kanlungan. Dahil isang
daan at labing-isang kilometro na marahil ang lalim ang naabot ng aking ugat sa
kailaliman ng pook na iyon. Doon ko unang nasilayan ang walang sawang panunuyo
ng alon sa dalampasigan. Doon ko rin unang natikman ang tamis na dulot ng
pag-ibig. Doon ako nahinog. Doon ako hinubog ng buhay. Tiyak, doon ako hihimlay.
----------------------------------------------------------------------------------------------------------------
Ang akdang ito ay opisyal na lahok sa Saranggola Blog Awards 4