Linggo, Hunyo 15, 2014

Happy Father's Day Pap-pah

Mahal kong Pap-pah,

Father's Day ngayon. Nalaman ko lang sa Facebook. Baha sa newsfeed. Ilang taon na ring ganito. Sa Facebook nalang binabati ng mga anak ang kanilang mga Tatay kahit wala namang Facebook ang kanilang mga Tatay. Makikiuso lang ako. Gaya-gaya. Di mo naman ito mababasa pero sigurado akong makararating.

Gusto ko lang magpasalamat. Kahit hindi ako ipinanganak na mayaman. Kahit hindi ako ipinanganak na gwapo. Kahit hindi ako ipinanganak na macho. Kahit pango ang ilong ko. Maraming salamat at kahit ako'y gago, hindi mo ako ipinahid noon sa tuwalya. Happy Father's Day Pap-pah!

Nagmamahal,
Dodong

Huwebes, Marso 20, 2014

MANOY

Katatapos lamang ng tanghalian pero nakaramdam na kaagad ako ng gutom. Nagpunta akong tindahan. Habang binabagtas ang kaigsian nang paakyat na kalsada, pinapayungan ako ng matinding init ng araw. Pero di ko iyon ininda. Pawisan akong nakarating sa tindahan. Ang tagal pang lumabas ni Ateng tindera. Naglalaba yata. O baka nagtatanghalian pa lang din. Sana pala binilang ko kung ilang ulit kong binigkas nang pasigaw ang "PABILI PO!" Pero wala, nanaig ang gutom kaya hindi ko na naisip yun. Lumabas si Ate. Isang Royal 12oz at dalawang bugkos ng tinapay ang aking binili. Palatandaang gutom na gutom talaga ako.

Habang naglalakad ako pabalik, mainit pa rin pero naiibsan ito ng ihip ng hangin. Medyo sariwa yung hangin dito kumpara sa kinasanayang hangin sa Alabang-Zapote Road. Dahil siguro sa maraming puno kaya ganun. Di na ako nagapaghintay, kinain ko na yung binili kong tinapay. Naisip ko, mukang masarap tumakbo ngayon. Dinama ko ang init ang aspalto. Sakto lang. Kaso mas nanaig ang gutom. Saka na muna ang takbo. Tapos nakita ko yung ginagawang bahay na ibinibenta rin. Naalala ko na naman yung pagnanais kong manalo sa lotto.

Halos araw-araw akong tumataya noon sa lotto, nagbabakasaling tumama ng jackpot. Nasubukan rin naman manalo, tatlong beses na balik-taya. At isang beses medyo malaki-laki, 800 pesos. Pero noong mga panahon na iyon wala pa naman akong kongkretong paglalaanan ng pera kung sakaling manalo. Kaya siguro hindi din manalo-nalo dahil hindi pa handa. O maaring hindi nga rin mapalad. Tapos noong lumawak na 'yong isipan, nagkaroon na ako ng paglalaanan kung sakaling manalo ako. Pero noong panahon ding iyon, hindi na ako tumataya. Nanghihinayang na ako sa perang itinataya ko. Kahit pa sa kawang-gawa ang patutunguhan. Saka kung mayroon mang sa kawang-gawang patutunguhan, malamang mga 1% lang yunn. Mas lamang ang mapupunta sa bulsa ni sir at mam.

Kapag manalo man sakali ako sa lotto, medyas ang bibilihin ko. Di ko alam kung bakit, may mga medyas naman akong matitino. Kapag ikinikwento ko 'yan sa mga kakilala ko pinagtatawanan lang nila ako. Akala kasi yata nila nagbibiro ako. Tapos noong niyaya ako ng isang kaibigan na pumasok sa mga bahay-aliwan. Yung may mga patay-sinding ilaw doon nadagdagan ang paglalaanan ko ng pera kung sakaling manalo man ako. Una, yung mga ilaw na pundido. Pakislap-kislap, masakit sa mata. Papapalitan ko ng maayos na ilaw. Pangalawa, yung mga kakabaihang nagsasayaw nang hubad, bibilhan ko ng matinong damit. Kalamig-lamig sa loob tapos sumasayaw sila nang hubad baka magkasakit sila sa baga. Concern lang ako sa kalusugan nila. Pero ngayon kung sakalaing palaring manalo sa lotto kahit hindi ako tumataya, medyas pa rin ang una kong bibilihin. Kahit di na ako nagsasapatos. Pangdisplay nalang na medyas. Yung Hermes na medyas.

Natauhan lang ako nang may nakita akong Manong. Nakabarong. Biglang bumangon sa duyan na nakatali sa malaking puno. Nagmamadaling pumunta sa gate. May kinausap s'yang matandang lalaki. Nakalumot-green na polo at naka-cargo pants. Medyo katangkaran. Bakas na ang edad sa mukha. Mahaba ang tenga.

Si Eddie Garcia.

Martes, Marso 11, 2014

Dear Jennylyn Mercado

Dear Jennylyn Mercado,

Magandang araw sa 'yo. Ang hangad ko, sana'y nakatulog ka nang maayos kagabi. Ako kasi, hindi. Gusto ko pa sanang habaan pa yung tulog ko kaso nabulabog ng mga naglalandiang pusa sa bubungan. Badtrip nga nang magising ako, gusto ko pang malaman  ang mga maaring mangyari sa pagdalaw mo sa aking panaginip. Di ko alam kung ano ang sisisihin ko; ang paglalandian ng mga pusa o yung pambibitin mo? Bakit ka ganyan? Pumasok ka sa panaginip ko nang walang abiso. Napaghandaan ko man lang sana. Tapos nawala ka rin kaagad.

Di ko kasi talaga naiintindihan yung nangyari eh – inakit mo ba ako upang magupitan ang buhok ko o ginupitan mo ang buhok ko upang akitin ako? Pero mas pabor ako sa pangalawa. Habang ginugupitan mo kasi ako ay nakadikit (hindi dumikit, nakadikit) ang iyong dibdib sa aking mukha. Ang malinaw lang sa akin ay ang isang manipis at kapirasong telang tanging bumabalot sa 'yong dibdib. Pero hindi malinaw kung magaspang o makinis yung balat sa bahaging iyon ng iyong katawan. Di ko rin masabi kung maputi ang aking nakita. Napapikit kasi ako sa kiliti nang hinawakan mo yung bandang batok ko. At ang isa ko pang natitiyak, malambot yung sinandalan ng aking mukha. Pero sadyang hindi lang ako marupok sa panaginip. Maaaring nasa isipan ko habang natutulog ako ang Fire Prevention Month.
















Nabitin,
Joey

PS: Sa susunod na dumalaw ka maari bang isama mo si Ana Capri? Maraming salamat.


Bitin ang aking isinulat di ba? Ganyan din ang aking pakiramdam nang magising ako eh. Bale damay-damay na.

Martes, Oktubre 15, 2013

ALABANG-ZAPOTE ROAD (ANG AKING KANLUNGAN, ANG AKING TAHANAN)



Masungit o payapa man ang panahon,
Paulit-ulit ko itong binabagtas,
Simula umaga hanggang hapon.
Katulad ng aking buhay na hindi batid
Ang pinagmulan at ang patutunguhan.
Hindi ko rin marahil alam kung ano’ng mayroon
Sa magkabilang dulo nitong lansangan;
Ngunit, ito’y itinuturing kong tunay
Na kanlungan at tahanan.

Sa musmos kong katawan at isipan,
Ang ingay dito’y aking kapayapaan,
Ang usok dito’y aking kalusugan,
At lalong ang panganib dito
Ay aking kaligtasan;
Ang sikmura kong kumakalam
Ay sandaling nagkakaroon ng laman,
Dahil sa barya-baryang biyaya
Sa paulit-ulit kong pag-awit
Ng kantang “Pangarap ko ang ibigin ka”
Nang wala sa tono at tiyempo.
Kahit  hindi ko rin alam ang kahulugan
At ang ipinaglalaban ng gumawa ng kantang ito.

May iilang sa akin ay tumataboy,
Sinisisi at tinatanong kung nasaan
ang aking mga magulang.
Gigil lang daw ng puson ang inaatupag,
Kaya ang mga kabataang katulad ko
Ay dumarami at pakalat-kalat.
Kung akin lamang itong lansangan
 At ang mga sasakyang dumaraan,
Ako sana ngayo’y tanyag at mayaman;
Sa aki’y wala sanang mang-aalipusta,
At lalong ang kalam nitong sikmura
Ay hindi na ako mag-aalala.
Alam kong ito’y materyal na bagay lamang
Dahil ang tunay kong kailangan
Ay ang isang tahanan na may mapagmahal
At mapag-arugang mga magulang.

 -----------------------------------------------------------------------------------
Ang tulang ito ay ang aking opisyal na lahok
bilang suporta sa Saranggola Blog Awards 2013.




Martes, Agosto 20, 2013

DEAR MAGNANAKAW!

Dear magnanakaw,

Alam ko di mo mababasa ito, gusto ko lang malaman ng mga nakakikilala sa akin na nanakawan ako. Bakit ba?

Noong Linggo, August 18, isinabay mo sa lakas ng ulan ang una mong pagkana. Tinangay mo ang dalawa kong sapatos pati yung Marikina made na tsinelas ng kapitbahay. Pero naka-move-on na kaagad ako kinabukasan. Kahit tinangay mo yung dalawa kong sapatos, napasalamat pa rin ako dahil iniwan mo pa yung pantakbo ko saka dalawang tsinelas. Siguro kaya hindi mo iyon kinuha dahil may kalumaan na. Tingin mo hindi mo na mapakikinabangan.

Pero naisip ko pa rin na babalik ka kaya hindi ako natutulog. Inaabangan kita. Pero sabi ni kumander matalino ka daw, hindi ka babalik dahil inaabangan ka. Kaya naman naging kampante ako. Kaso kumana ka na naman kaninang umaga. Sa kasagsagan ulit ng malakas na ulan. Binalikan mo pa yung hindi mo kinuha noong una. Ngayon, wala na akong tsinelas at iisa nalang ang aking sapatos, sira-sira pa.

Namimiss ko na yang pangtakbo kong sapatos, dapat nilabhan ko muna yan para komportable kang maisuot yan. Simula kasi nang nabili ko yan sa ukay-ukay noong 2011 sa halagang 800 pesos hindi ko pa yan nalabhan. Kahit ganyan yan, naka-ilang kilometro na rin yan pero wala pa ring sira. Nakadalawang 21k at nakadalawang Condura Skyway Marathon na 'yan. At apat na beses sa isang linggo ko 'yan itinatakbo tuwing umaga. Luma lang talaga yan tingnan.

Ngayong nasa iyo na ang mga sapatos at tsinelas ko. Sana yung mga kamalasan at mga bad vibes na naranasan ko noong ginagamit ko pa yang mga yan ay mapapasa  sa 'yo. As in yung lahat-lahat. Joke lang yung sinabi ko sa Facebook na ang sumpa ng mga sapatos ko ay nakatitisod madalas ng chicks.

Pero kung sakaling mababasa mo man ito, kung sakali lang, ito talaga ang sasabihin at nais kong iparating sa iyo:

PUTANG INA MO, ALAM KO SA IISANG LUGAR LANG TAYO NAKATIRA, MAGKITA TAYO SA TAPAT NG GATE! ONE-ON-ONE TAYO! MAGSAPAKAN TAYO! HINDOT!

Galit na galit at umuusok ang ilong,
Joey

Lunes, Hulyo 29, 2013

DEAR BLOND NA ATE NA NAKA-SOMBRERONG ITIM, NAKA-SLEEVELESS NA BLUE AT NAKA-PEKPEK SHORTS

Una sa lahat, magandang araw sa 'yo. Kamusta ka na? Sana ay nairaos ninyo ng burgis mong syota ang libog at init ng inyong mga katawan nitong mga nagdaang araw. At sana ay nairaos ninyo ito sa isang tahimik, pribado at malamig na lugar.

Dito ko na lamanag ibuhos ang pagkadismaya, pagkaawa at katanungan ko sa 'yo tungkol sa mga nasaksihan ko dalawang araw na ang nakararaan. Pumasok ako sa saradong lugar na iyon na bukas ang isipan. Inaasahan kong sa loob noon ay mayroong alak, yosi, malakas na tugtog, mga kumikislap na mga ilaw at mga kababaihang may mga seksing kasuotan. Pati kantahan at sayawan –sayawang may kasamang pang-aakit sa kapareha. At syempre ang patagong halikan at hawakan. Pero hindi ko inaasahan ang laplapan at ang kung anu-ano pang kababuyan.

Noong pumasok ako, una kong napansin ang grupo ninyo dahil medyo may gaslaw ang iyong bawat galaw. May isa pa nga sa inyo na sumasayaw na nag-dodouble step. Noong una, napa-wow ako. Pero nang maglaon, ang patago ay naging bulgar at wala na kayong pakialam sa iba pang mga taong naroon.

Ayus lang naman ang mapang-akit na sayaw sa mga ganoong lugar. Siguro? Pero ang i-perform ninyo ang iba't-ibang posisyon ng pagsisiping (masyado yatang pormal ang salitang pagsisiping dahil kombinasyon ito ng malisya at pagmamahalan samantalang ang inyong ginawa ay kalibugan at bastusan) katulad ng dog style at helicopter style, nang paulit-ulit. May ilang pumuna pero hindi hayagan. Idinaan sa mga bouncers at waiters pero wa-epek. Malakas yata yung dyowa mo doon, parokyano na. Gusto kong lumapit pero tiyak gulo yun kapag ginawa ko. Kaya lumayas na lang ako at dinurog ko na lamang sa aking isipan ang pagmumukha ng kupal mong dyowa. Pero hinintay ko talaga na pumalag ka eh, kaso wala. Nag-eenjoy ka pa nga yata.

Hindi ako nalilibugan sa kaburgisan ninyo ate. Nanggigil ako sa galit doon sa dyowa mo at nachi-cheapan at naawa ako sa 'yo. Bakit hinayaan mong gawin 'yon sa 'yo? Sa publikong lugar pinayagan mo s'yang lamutakin ang matarik mong dibdib, himasin ang makinis mong tiyan at hita. At ang malala, hinayaan mo s'yang ipasok ang kanyang kamay sa loob ng iyong pekpek shorts? Bakit ate? Dahil ba ibinigay n'ya sa 'yo ang lahat ng materyal na bagay na pinangarap mo. Nakapagpadala ka ng pera sa mga kamag-anak mo dahil sa kanya? Ops! Sorry! Masyado na kitang hinuhusgahan. Hindi 'yan ang ipinupunto ko.

Sa bansa natin ate, maraming kababaihan ang patuloy na nakikipaglaban at nagsusulong ng karapatan ng kababaihan. Pero ikaw, bakit? Di mo ba alam na sa ginawa mo ay magkakaroon pa ng pagkakataon na tratuhin ng gagong yan ang iba pang kababaihan natin katulad nang pagtrato sa 'yo? Masyado mo lang pinapaliit ang tingin nila sa kababayan natin. Hindi ko alam kung tamang sabihin kong hindi ko sila masisisi. Pero ang natitiyak ko lang na mali ay ang hindi ko pagpalag at makinood na lang din. Nasa Pilipinas s'ya, sa bayan natin pero kinupal tayo.

P.S.
Hindi nababastos at namamanyak ang ilang mga kababaihan dahil sa kanilang kasuotan. Mayroon lang talagang likas na manyak at bastos kaya may namamanyak at nabastos. Pero palag-palag rin pag may time ate!
P.S. Ulit
Kung alak man ang s'yang dahilan kung bakit kayo naging exhibistionists, maari bang huwag na kayong tumoma kung hindi ninyo kayang pigilin ang kapangyarihan nito na mapunta sa inyong isipan?

Ang nagdiriwang ng kaarawan,
JoeyVelunta

Lunes, Hulyo 1, 2013

SONETO SA MGA MAY MALULUBHANG KARAMDAMAN

Sa umaga ang katawa’y tinatamad,
Mga unan at higaan ang katalik
Walang sarap. Walang daing. Walang palag.
Isang araw ang dibdib ko ay nanikip.

Naisipang sa pagtakbo ay sumugal,
Lumang sapatos ang nagiging kaagapay.
Hindi hangad ang hiyawan at parangal;
Bawat hakbang sa may sakit inialay.

Kalusugan sa kanila ay inagaw;
Nakatagong kasiyahan at ligaya,
Sa inindang karamdaman ay nalusaw.
Luha ang nagpapalinaw sa kanilang bawat umaga.

Sa  bawat  hakbang pakiramdam ko ay langit,
Dahil ang mga ulap, parating nariyan nang-aakit.


--------------------------------------------------------------------
Ito ang aking opisyal na lahok sa patimpalak ni Iyakhin "Nakaapat na si Iyakhin, Pumayat ka na ba?"

SHUT UP AND BURN