Lunes, Oktubre 15, 2012

AKO SI TOLITS, LAKING CANHABAGAT


Sa Hilagang bahagi ng Cebu, isang daan at labing-isang kilometro mula sa siyudad, matatagpuan ang banwa ng Canhabagat. Isa sa labing-siyam na baryo sa lungsod ng Medellin. Katulad ng ibang pook na malayo sa kabihasnan, pangkaraniwan na ang sariwang hangin. Ang awit ng mga ibon na nilalapatan ng musika ng pagaspas ng mga luntiang dahon. Ang lambing ng pook na ito ay pinatitingkad ng matatamis na tubuhan at pinayayabong ng pag-ibig ng dagat. Napananatili ng mga lumad ang tamis at alat ng pamumuhay. Minsan.
Ang mga katulad kong kabataan noon ay nakapaglalaro rin naman ng tumbang-preso at luksong-baka, subalit ito’y mga palabok lamang. Dahil ang tunay na laro sa amin ay ang magtanim at mag-ani ng mga tubo at ang sisirin ang malalim na karagatan. Maaga kaming pinahinog ng mainit na sikat ng araw. Upang mabuhay. Upang makapag-aral. Kaya may iilan, katulad ko na nilamon ng karuwagan at tinakasan ang kinasanayan (nang maganda pakinggan, upang magkaroon ng magandang kinabukasan). Naglakbay. Nakipagsapalaran sa ibang bayan. Nagpakabihasa sa hindi matukoy na larangan.
Ilang taon ko ring nilisan ang banwa kong kinalakihan. Nang ako’y nagbalik, tangan ang kapirasong papel na may lagda bilang patunay na ako ay nalinang. Daw. Subalit ang nadatnan ko’y imahen ng isang pook na wala nang puri. Hubo’t hubad. Pinagsamantalahan. Balot ng mapuputing usok ang buong kaligiran na pilit lumalason sa isip ng bagong kabataan. Wala na ang tamis ng tubuhan. Hindi na rin maalat ang karagatan. Nakapanlulumo.  Kahabag-habag. Tama nga lamang na ako’y nagpalamon noon sa karuwagan. Siguro?
Muli kong nilisan ang banwa ng Canhabagat at naglakbay. Katulad ng paru-paro, kinalimutan ang pinanggalingan. Tinadtad ng palamuti ang buong mukha at katawan nang ang pagkatao ko’y hindi na muling makilala. Nagpalit ng pangalan. Ngunit kahit anong pilit, lumilitaw at lumilitaw pa rin ang kulay nitong aking buhok at balat na minsan nang sinunog ng matinding sikat ng araw.
Isang daan at labing-isang beses man akong lilisan sa banwa ng Canhabagat, babalik at babalik pa rin ako sa kanyang kanlungan. Dahil isang daan at labing-isang kilometro na marahil ang lalim ang naabot ng aking ugat sa kailaliman ng pook na iyon. Doon ko unang nasilayan ang walang sawang panunuyo ng alon sa dalampasigan. Doon ko rin unang natikman ang tamis na dulot ng pag-ibig. Doon ako nahinog. Doon ako hinubog ng buhay. Tiyak, doon ako hihimlay.
----------------------------------------------------------------------------------------------------------------
Ang akdang ito ay opisyal na lahok sa Saranggola Blog Awards 4




Huwebes, Oktubre 11, 2012

TATLONG TAON

Nanumbalik na ang kinang
Sa aming bawat hinagap;
Binalot at pinalabo
Ng makakapal na ulap.

Mataas na'ng naaabot
Ng aming mga pangarap;
Dati'y tinangay ng agos
Tungo sa ilog ng hirap.

Tatlong taon na'ng lumipas
Nang ang Maynila'y sinubok
Ni Ondoy nang walang habas.
Ngunit ang mga alabok

Ng natuyong mga putik,
Sa gunita'y nakakapit.

Lunes, Oktubre 1, 2012

ANG MGA ALON

Ang mga alon
sa iyong puson,
Na humahampas
Sa matatarik mong dibdib

Ang nagpapaliyab lalo
nitong pagnanasa