Huwebes, Oktubre 22, 2015

OCTOBER 22, 2015

Kaninang madaling-araw, galing ako ng Bacoor. Sa byahe, may nakasabay akong  magtropa sa jeep pauwi. Parehas silang lalaki. Yung mga tipong nakaside ang sombrero kapag isinusuot. Nakaitim sila parehas. Pagkasakay nila, wala silang imikan. Alerto na kaagad ako. Si Lalaking nakaitim No. 1, sa may istribo umupo. Medyo bata to mga nasa 20's na. Tapos si Lalaking nakaitim No. 2 ang nag-abot ng bayad. Sa Pamplona raw sila bababa. Ito naman nasa early 30's na tantya ko. pagkaabot nya ng bayad, salita sya nang salita. Pero di ko naiintindihan ang mga sinasabi nya dahil sa ingay rin ng jeep.


May sumakay na ale na may dalang dalawang sako-bag, halatang galing palengke. May sumakay pang dalawang lalaki. Pero di ko na masyadong pinansin yung mga bagong sakay. Alerto na talaga ako. Para kasing modus lang yung ginagawa nila. Si Lalaking nakaitim No. 1 na naka-upo sa may istribo, walang imik. Nakatingin lang sa kalsada. Tapos Si Lalaking nakaitim No. 2 tumigil na rin s pagsasalita.


Nang dumating na sa Zapote, bumaba yung dalawang huling lalaking sumakay. Salita na naman nang salita si Lalaking nakaitim No. 2. Kinabahan na naman ako. Pagdating sa may bahagi ng Christ the King, may sumakay na apat na lalaking malalaki ang  katawan. Tumigil na naman ulit sa pagsasalita si Lalaking nakaitim No. 2.


Bago makarating ng RFC;
Lalaking nakaitim No. 1: Tol baba na ako ha.
Lalaking nakaitim No. 2: sige iwanan mo ako!


Pagkatapos ng mga ilang segundo, pumara na si Lalaking nakaitim No. 1.
Lalaking nakaitim No. 2: Ganyan ka naman. Kapag ubos na ako. Pag di mo na ako kailangan. Lumalapit ka lang naman sa akin kapag meron ako.


After 100 meters nung binabaan nung Lalaking nakaitim No. 1, bumaba rin naman si Lalaking nakaitim No. 2.


-The End

Martes, Hulyo 21, 2015

DAHONG LAYA: GI-PADPAD, GI-BASA, GI-ANOD

Hindi ko alam kung saang sanga ng puno ka nanggaling.

At lalong hindi ko alam kung saan ka tatangayin ng agos.

Ang tiyak ko lang ay noong nakita kitang inaanod at bigla kang sumabit sa akin paa.

Inipit kita nang bahagya gamit ang dalawang daliri ng aking paa.

Habang iniipit kita, hindi ko ulit natitiyak kung pilit kang kumakawala
o sadyang marahas lang ang agos ng tubig dulot ng malakas na ulan.

Wari ko'y nasasaktan ka na.

Dahil halos mapupunit na ang kabuuan mo.

Kaya pinakawalan na kita.

Tinangay ka kaagad ng agos.

Hinatid kita ng aking tingin hanggang sa kaya kong matanaw.

At naglaho ka.

Ito ako basa ang kanang bahagi ng katawan dahil sa ulan.

Tiningnan ko ang bahagi ng mga daliri kung saan kita inipit.

May kapirasong bahagi mo ang naiwan.

Martes, Enero 6, 2015

HABANG

Spiderman ang palabas noon sa nasakyan kong bus byaheng Alabang, kaya kahit gustong matulog, di talaga ako makatulog. Dilat na dilat ang mata ko pero lamog ang katawan. Nasa isip ko, siguro kung mayroon mang baliw na mananamantala sa medyo matanda at medyo mura kong katawan, wala akong laban.

Nang biglang may tumabing babae sa kinauupuan ko, tantya ko nasa mid 20's. Balingkinitan, maputi at tuwid ang buhok. Hindi maganda at hindi rin pangit. Yung sapat lang, hindi pwedeng ipamigay. Naka-jeans at blouse na pink. Naka-Heartstring na backpack. At bagong ahit ang kilay. Kinuha nya ang selfone sa loob ng bag, may tinype at isinilid ulit sa kanyang bag pero hindi isinara ang zipper. May kinuha syang salamin, pinunasan ang gilid ng labi at dulo ng kanan nyang kilay gamit ang isang daliri ng kanang kamay. Ibinalik nya ang salamin sa loob ng bag. Muling kinuha ang selfon. Nagbukas ng facebook, kinlick ang notification, derecho sa isang litrato, sa aking tantya base sa hugis ng kanyang mukha mula sa kinananalagyan ko, sya ang nasa litrato. Nagcomment. Ibinalik ang selfon sa loob ng bag pero hindi pa rin isinara ang zipper. Kinuha ang kulay blue na transparent na bote. Pabango n'ya siguro. Nag-spray s'ya nang talong beses. Isa sa taas ng dibdib, isa sa kaliwang pulso at isa sa buhok, sa bahaging malapit sakin. Ganyan ang pagkakasunod-sunod. Pagkatapos, wala na akong matandaan. Nanlata akong lalo. Di ko na nalabanan ang antok. Nagigising akong nakadantay ang kanan nyang braso sa kaliwa kong braso. Pero ang siko nya nakadiin sa kaliwa kong dibdib. Laging sa ganoong eksena ako nagigising. Tapos nakakatulog ulit.

Paghudyat ng konduktor na Alabang na, naalimpungatan ako. Nakatayo na ang babae. Lumingon sa inupuan n'ya, tsinek siguro baka may naiwan sya. Gumapang ang tingin nya samantalang ako, nakapako lang sa mukha nya ang tingin hanggang sa magkasalubong ang aming paningin. Umirap s'ya at nagflip ng buhok.

Sabado, Nobyembre 15, 2014

RESERVED



Tuwing Sabado ng gabi ay kinakasanayan ko nang magpalipas ng oras sa Cowboy Grill. Sikat dito ang mga bandang walang pangalan, walang record labels. Mga bandang mas piniling maging showband. Nakaaaliw silang panoorin dahil kaya nilang tugtugin ang mga kanta mula oldies hanggang sa mga pinasikat ni Justin Beiber.  Madalas, tatlo hanggang apat na boteng serbesa ang ginagawa kong orasan. Kapag nakauubos na ako ng ganoon karami ay sumisibat na ako. Sapat na sa akin ‘yong ganoon, pampaaliw at pangtanggal ng pagod sa maghapong pag-iisip.

Ngayon, hindi naman Sabado pero narito ako. Hindi ko alam kung ang masamang hangin ba ang naghatid sa akin dito o ang hungkag kong isipan? Sa may pintuan pa lang, ang surreal na ng mga pangyayari. Hindi ito ang kinasanayan kong setup tuwing Sabado.

Sir, magandang gabi po. Himala, Huwebes pa lang po pero narito kayo. Pang-asar sa akin ng gwardiya. Sa dalas ko kasi rito, kilalang-kilala na n’ya ako.

May lumabas, kaya bahagya kong nasilip at narinig ang mga pangyayari sa loob.
Wow! Tayuan halos lahat ang mga nasa loob at nakataas ang parehong mga kamay habang iwinawagayway.

            “Ikaw ay aking minahal
            Kasama ko ang Maykapal”

Tsip, bakit ang sikip? Ang ibig kong  sabihin, bakit ang daming tao? Ano hong meron? Tanong ko sa gwardiya habang kinakapkapan ako.

Ay sir, show po ng Aegis. Simula ngayon, tuwing unang Huwebes na ng buwan magpeperform sila rito.

Ah ganoon po ba? Sinisigurado ko lang tsip. Akala ko kasi may convention ng mga broken hearted sa loob. Sige po tuloy na ako.

Enjoy po kayo sir! Pahabol n’ya habang nakataas ang kamay.

Birit ang pinangtapos ng banda sa una nilang kanta. Hiyawan at palakpakan naman ang tugon ng mga nanonood. Hinintay ko munang humupa ang emosyon saka pinasadahan ng tingin ang bawat sulok na ginagapangan ng malilikot na ilaw. Nagbabakasaling mayroon pang bakanteng lamesa. Pero kung mamalasin ka nga naman talaga o! May bakante nga, may nakapatong naman na “RESERVED”. Parang sa totoong buhay lang, marami kang makikitang walang kasama o ka-holding hands na boyfriend/girlfriend habang naglalakad pero madalas reserved na sila. Nasa malayo marahil ang kapareha o baka nasa trabaho lang.

Nakikita ko ang aking puso sa kalagayan ng lamesa, nakareserve. Ang kaibahan lang, itong sa aking puso ay walang katiyakan.  Ang saklap. Naiinggit tuloy ako sa mga nauna na rito, nakarelate lang sila sa katatapos lamang na kanta kaya nag-eemote. Samantalang ako, wala na ngang katiyakan ang buhay pag-ibig, wala pa akong mauupuan. Mas masaklap.

Habang nagmamaktol ako, s’ya namang tigil ng ilaw sa isang sulok. Napagod na yata o baka nahilo lang kaiikot.

Magandang gabi muli at maraming salamat kay ate na nasa sulok sa kanyang request.  Sambit ng singer habang nakapusturang panglahad ang isang kamay.

Naglingunan ang mga tao.

Nakangiti naman ang babaeng tinutukoy ng singer habang inaangat nang marahan ang kanyang mukha bilang tugon.

Kung mayroon din kayong requests, huwag po kayong mahihiya. Kakantahin po namin ‘yan. Huwag n’yo lang masyadong damdamin ang mga kanta namin dahil mahaba pa ang gabi. At kung kayo’y malungkot, huwag kayong mag-alala. Lilipas din ‘yan, dagdag ng singer.

Sa totoo lang, wala na akong naiintidihan sa mga nagyayari nang makita ko ang mukha ng babae sa sulok. Wala na akong naririnig. Tumigil na rin ang oras, pakiramdam ko. Pero ang tibok ng puso at nginig ng aking tuhod ay damang-dama ko.

Sabik na sabik akong makausap s’ya. Hindi, sabik na sabik akong mahawakan ang kanyang mga kamay, ang mahalikan s’ya, ang mayakap s’ya. Para bang ang tagal na simula nang huli kaming magkasama. Nagmamadali na akong pumunta sa kinauupuan n’ya. Wala na akong pakialam sa aking nadadaanan, sa aking mga nasagi.

Kabado pa rin ako at humhangos na nakatayo sa kanyang harapan.

Kumusta ka na? Bakit ka narito? Buong galak kong tanong.

Pero hindi s’ya umimik kahit ang iangat nang kaunti ang kanyang mukha bilang tanda na ako’y kanyang napansin o narinig. Baka dahil siguro sa ingay dito o baka dahil abala lang s’ya sa kanyang cellphone.

Kamusta ka na, Elsa? Pag-ulit ko ng tanong nang may kalakasan ang boses. Naniniguradong sa pangalawang pagkakataon ay maririnig na n’ya ako.

Biglang nag-iba ang mood ng kanyang mukha habang nakatitig pa rin sa kanyang cellphone. 

Galit ka ba sa akin? Kung ano man ang aking pagkukulang, patawad, dagdag ko.

Hindi na n’ya binigyan ng pagkatataon ang mga luha na dumaloy pa sa kanyang pisngi. Pinunasan n’ya ito gamit ang isang daliri ng kaliwang kamay. Sabay lapag ng cellphone sa lamesa. Nagpi-play pa ang video ng pinagsama-samang mga litrato.

At naroon ako. Magkasama kami sa mga litrato.


Ito ang aking lahok sa Saranggola Blog Awards 2014.

================================================================










 

Miyerkules, Agosto 13, 2014

TINTED LOVE AFFAIR

Tinted ang salamin ng puting Nissan Urvan na nakaparada sa may tapat ng green na gate.
Sa may windshield, aninag ang maraming nakasabit na stuffed toys.

Kulay dilaw na spaghetti strap at kulay brown na short shorts ang suot
ng maputi't balingkinitang babae. Sa mukha n'ya, aninag ang pananabik.

Nilamon ng puting Nissan Urvan ang maputi't balingkinitang babae.
Nagpalamon na rin ako sa kulay green na gate.

Pabalik-balik ako sa bukana ng green na gate. Sumisilip.
Naroon pa rin ang kulay puting Nissan Urvan. Umaandar na ang makina.
Ngunit hindi pa rin nito iniluwa ang maputi't balingkinitang babae.


Martes, Hunyo 17, 2014

PANTY MO!

Naalala ko, medyo matingkad na ang liwanag na nagmumula sa mga poste ng Alabang-Zapote Road. Katitila lamang ng nambibitin na ulan noon. Pinaalinsangan lamang nitong lalo ang panahon. Kaya napagpasyahan kong pumasok sa madilim na espasyong iyon upang magpalamig. At para na rin basain ang natutuyong lalamunan. Marami-rami na noon ang tao sa loob na aking naaninag. Medyo nakarami na sila ng nainom. At tsiks ang kanilang pulutan. Taliwas sa aking dahilan, nagpunta sila roon upang magpainit. Umupo ako sa isang sulok. Sa may lamesang pangdalawahan lang ang nakatukang upuan. Tatlong bote ng beer ang aking inorder. Naghahalo na ang ingay ng tugtog at ingay ng mga tao nasa loob. Wala akong nauunawaan kahit isa. Parang mga bubuyog. Pinagmasdan ko na lamang ang mangilan-ngilang patay-sinding iba't-ibang kulay na bombilya. Kagaya ng katatapos lamang na ulan, ang mga bombilya doon ay nambibitin din. Hindi sapat ang ibinibigay nitong liwanag upang paliwanagin ang buong lugar. Binigyan lamang ng pagkakataon ang mga mapupusok na mga kamay. Iniabot sa akin ng waitress ang aking inorder na tatlong beer. Pinunasan ang labi ng bote gamit ang aking mga daliri at tinungga. Swabe ang hagod. Malamig. Unang lagok pa lamang, naibsan na kaagad ang nadaramang uhaw.

Biglang tumigil ang paghuhuramintado ng mga ilaw kasabay ng tugtugin. Tumigil rin pati ang parang mga bubuyog na ingay. May isang pumalakpak. Nagpalakpakan ang lahat. Ang iba'y may kasamang hiyawan. Hudyat pala iyon upang ipakikilala ang kasunod na magtatanghal. Kanta ni Whitney Houston ay kasunod kong narinig. Isang matapang na liwanag ang gumapang mula sa gitna ng entablado patungo sa isang kurtina na may hati sa gitna. Napalagok ako ng maraming beer nang makita kang lumabas mula sa hati ng kurtinang 'yon. Naglakad nang marahan papunta sa entablado suot ang mahabang gown na alanganin pang tulog at alanganing pang party. Sandali kang naglaho sa yakap ng makapal na usok. Dahan-dahang sumilay ang kulay itim na sandalyas na mataas ang takong. Mga isang dangkal siguro 'yon tantsa ko. Hinawi ng iyong mga kamay ang mga usok subalit nakakapit pa rin ang mga ito sa iyong braso at sa maamo mong mukha. Napakaganda mo. Ang totoo, higit ka pa sa maganda. Nagwala ang aking puso. Pakiramdam ko, gusto nitong humiwalay sa aking katawan at puntahan ka upang ikulong ka sa loob nito. Noon ako unang umibig. Ikaw ang una kong inibig. Tiyak kong iyon ay pag-ibig.

Inilapat mo ang kanan mong kamay sa salaming nagsisilbing pader ng entablado. Humahaplos ang mga matutulis mong daliri sa salamin habang ika'y naglalakad. Ang iyong mga titig nama'y gumuguhit sa mga taong nagtatago sa sulok na madilim. Di naglao'y malapit ka na sa gitna. Nag-iiiba na ang iyong lakad. Mayroon nang giling. Mayroon nang indak. Hanggang sa ika'y nagdo-double step. Nag-iba na rin ang tugtog. Lalong nang-aakit. Kasabay ng lingwahe ng iyong katawan. Isa-isa mong tinatanggal ang mga saplot sa iyong katawan hanggang sa kulay ubeng panty na lamang ang naiwang nakakapit sa iyong balakang. Siguro kung ako iyon, hindi rin ako bibitaw. Manatili akong kakapit sa iyong katawan. Hindi kita pakakawalan. Sumandal ka sa posteng bakal sa gitna. Nakatalikod sa amin. Itinaas mo ang iyong kanang kamay sabay hawak sa posteng bakal. Ang kaliwa mo namang kamay ay sapu-sapo ang iyong dibdib. Humarap ka sa aking kinalalagyan at dahan-dahang dumadaosdos pababa. Sa dalawang minutong hawak mo ang iyong dibdib, hindi ka man lang nangalay. Natapos ang tugtog. Pumikit na rin ang liwanang. Bigla kang naglaho sa aking paningin subalit hindi sa aking isipan.

Simula noon, halos inaraw-araw ko ang pagpunta sa masikip na espasyong iyon masilayan ka lamang. Pero minsan at dumadalas hindi na ako nagagawi roon. Hindi na kita nakikita pero parati kitang naiisip. Parati kitang iniibig. Hindi ito kumupas kahit hanggang ngayon. Kahit wala kang pangalan. Kahit wala kang saplot.

Ngayon, malakas ang buhos ng ulan sa labas. Malamig ang buong paligid.
Narito akong muli sa masikip na espasyong una kong nasilayan ang iyong kagandahan. Hindi ako umaasang masisilayan pa kitang muli. Narito ako hindi upang maibsan ang lamig na nararamdaman. Narito ako upang lusawin ng alak ang alaalang mong nakakapit sa aking sistema. Kahit panandalian lamang. Dito kita unang nakita. Dito rin kita tatanggalin sa bawat hibla ng aking isipan pati sa maluwang na espasyo ng aking puso. Sana katulad ka na lamang ng alikabok na kumakapit sa dahon ng mga halaman, sasakyan at bubong ng mga kabahayan na sa pagbuhos ng ulan ay natatangay. Pero hindi, katulad ka ng kulay ubeng panty na matindi ang kapit at yapos noon sa iyong katawan.

Linggo, Hunyo 15, 2014

Happy Father's Day Pap-pah

Mahal kong Pap-pah,

Father's Day ngayon. Nalaman ko lang sa Facebook. Baha sa newsfeed. Ilang taon na ring ganito. Sa Facebook nalang binabati ng mga anak ang kanilang mga Tatay kahit wala namang Facebook ang kanilang mga Tatay. Makikiuso lang ako. Gaya-gaya. Di mo naman ito mababasa pero sigurado akong makararating.

Gusto ko lang magpasalamat. Kahit hindi ako ipinanganak na mayaman. Kahit hindi ako ipinanganak na gwapo. Kahit hindi ako ipinanganak na macho. Kahit pango ang ilong ko. Maraming salamat at kahit ako'y gago, hindi mo ako ipinahid noon sa tuwalya. Happy Father's Day Pap-pah!

Nagmamahal,
Dodong