Sabado, Nobyembre 15, 2014

RESERVED



Tuwing Sabado ng gabi ay kinakasanayan ko nang magpalipas ng oras sa Cowboy Grill. Sikat dito ang mga bandang walang pangalan, walang record labels. Mga bandang mas piniling maging showband. Nakaaaliw silang panoorin dahil kaya nilang tugtugin ang mga kanta mula oldies hanggang sa mga pinasikat ni Justin Beiber.  Madalas, tatlo hanggang apat na boteng serbesa ang ginagawa kong orasan. Kapag nakauubos na ako ng ganoon karami ay sumisibat na ako. Sapat na sa akin ‘yong ganoon, pampaaliw at pangtanggal ng pagod sa maghapong pag-iisip.

Ngayon, hindi naman Sabado pero narito ako. Hindi ko alam kung ang masamang hangin ba ang naghatid sa akin dito o ang hungkag kong isipan? Sa may pintuan pa lang, ang surreal na ng mga pangyayari. Hindi ito ang kinasanayan kong setup tuwing Sabado.

Sir, magandang gabi po. Himala, Huwebes pa lang po pero narito kayo. Pang-asar sa akin ng gwardiya. Sa dalas ko kasi rito, kilalang-kilala na n’ya ako.

May lumabas, kaya bahagya kong nasilip at narinig ang mga pangyayari sa loob.
Wow! Tayuan halos lahat ang mga nasa loob at nakataas ang parehong mga kamay habang iwinawagayway.

            “Ikaw ay aking minahal
            Kasama ko ang Maykapal”

Tsip, bakit ang sikip? Ang ibig kong  sabihin, bakit ang daming tao? Ano hong meron? Tanong ko sa gwardiya habang kinakapkapan ako.

Ay sir, show po ng Aegis. Simula ngayon, tuwing unang Huwebes na ng buwan magpeperform sila rito.

Ah ganoon po ba? Sinisigurado ko lang tsip. Akala ko kasi may convention ng mga broken hearted sa loob. Sige po tuloy na ako.

Enjoy po kayo sir! Pahabol n’ya habang nakataas ang kamay.

Birit ang pinangtapos ng banda sa una nilang kanta. Hiyawan at palakpakan naman ang tugon ng mga nanonood. Hinintay ko munang humupa ang emosyon saka pinasadahan ng tingin ang bawat sulok na ginagapangan ng malilikot na ilaw. Nagbabakasaling mayroon pang bakanteng lamesa. Pero kung mamalasin ka nga naman talaga o! May bakante nga, may nakapatong naman na “RESERVED”. Parang sa totoong buhay lang, marami kang makikitang walang kasama o ka-holding hands na boyfriend/girlfriend habang naglalakad pero madalas reserved na sila. Nasa malayo marahil ang kapareha o baka nasa trabaho lang.

Nakikita ko ang aking puso sa kalagayan ng lamesa, nakareserve. Ang kaibahan lang, itong sa aking puso ay walang katiyakan.  Ang saklap. Naiinggit tuloy ako sa mga nauna na rito, nakarelate lang sila sa katatapos lamang na kanta kaya nag-eemote. Samantalang ako, wala na ngang katiyakan ang buhay pag-ibig, wala pa akong mauupuan. Mas masaklap.

Habang nagmamaktol ako, s’ya namang tigil ng ilaw sa isang sulok. Napagod na yata o baka nahilo lang kaiikot.

Magandang gabi muli at maraming salamat kay ate na nasa sulok sa kanyang request.  Sambit ng singer habang nakapusturang panglahad ang isang kamay.

Naglingunan ang mga tao.

Nakangiti naman ang babaeng tinutukoy ng singer habang inaangat nang marahan ang kanyang mukha bilang tugon.

Kung mayroon din kayong requests, huwag po kayong mahihiya. Kakantahin po namin ‘yan. Huwag n’yo lang masyadong damdamin ang mga kanta namin dahil mahaba pa ang gabi. At kung kayo’y malungkot, huwag kayong mag-alala. Lilipas din ‘yan, dagdag ng singer.

Sa totoo lang, wala na akong naiintidihan sa mga nagyayari nang makita ko ang mukha ng babae sa sulok. Wala na akong naririnig. Tumigil na rin ang oras, pakiramdam ko. Pero ang tibok ng puso at nginig ng aking tuhod ay damang-dama ko.

Sabik na sabik akong makausap s’ya. Hindi, sabik na sabik akong mahawakan ang kanyang mga kamay, ang mahalikan s’ya, ang mayakap s’ya. Para bang ang tagal na simula nang huli kaming magkasama. Nagmamadali na akong pumunta sa kinauupuan n’ya. Wala na akong pakialam sa aking nadadaanan, sa aking mga nasagi.

Kabado pa rin ako at humhangos na nakatayo sa kanyang harapan.

Kumusta ka na? Bakit ka narito? Buong galak kong tanong.

Pero hindi s’ya umimik kahit ang iangat nang kaunti ang kanyang mukha bilang tanda na ako’y kanyang napansin o narinig. Baka dahil siguro sa ingay dito o baka dahil abala lang s’ya sa kanyang cellphone.

Kamusta ka na, Elsa? Pag-ulit ko ng tanong nang may kalakasan ang boses. Naniniguradong sa pangalawang pagkakataon ay maririnig na n’ya ako.

Biglang nag-iba ang mood ng kanyang mukha habang nakatitig pa rin sa kanyang cellphone. 

Galit ka ba sa akin? Kung ano man ang aking pagkukulang, patawad, dagdag ko.

Hindi na n’ya binigyan ng pagkatataon ang mga luha na dumaloy pa sa kanyang pisngi. Pinunasan n’ya ito gamit ang isang daliri ng kaliwang kamay. Sabay lapag ng cellphone sa lamesa. Nagpi-play pa ang video ng pinagsama-samang mga litrato.

At naroon ako. Magkasama kami sa mga litrato.


Ito ang aking lahok sa Saranggola Blog Awards 2014.

================================================================